Pagpapasimula ng mga Pag-aaral sa Bibliya sa Pamamagitan ng Aklat na Mabuhay Magpakailanman
1 Ang pag-ibig sa mga tao ay dapat na magpakilos sa atin na maging maagap sa pagbabalik upang linangin ang anumang kislap ng interes na ating masusumpungan, kung hindi natin nais na mamatay iyon. Paghahanda ang susi ng tagumpay.
2 Dapat na ang ating tunguhin ay ang makapagsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. (Mat. 28:20) Ang unang mga kopya ng aklat na Mabuhay Magpakailanman ay nagtataglay ng ganitong pambungad na komento: “Tunay na ito’y isang napakainam na aklat upang gamitin sa pakikipag-aral sa lahat, bata o matanda, anuman ang kanilang edukasyon.” Pinadadali ng istilo nito ang pagdaraos ng mga pag-aaral, na kahit na ang mga baguhang mamamahayag ay makakabahagi.
3 Papaano Tayo Makapagsisimula ng mga Pag-aaral?: Kapag tayo ay bumalik, makabubuting talakayin ang ilang mga tanong na nabanggit sa unang pagdalaw natin. Marahil ay tinalakay ninyo ang kalagayan ng patay, at nag-iwan ng tanong na, “Ano ang pag-asa para sa namatay na mga minamahal?” Ipaliwanag na ang pagkabuhay-muli ay pag-asang may matatag na pinagsasaligan; ang Bibliya ay nagtala ng maraming halimbawa ng mga naganap na pagkabuhay-muli. Repasuhin ang mga ilustrasyon sa pahina 167-9. Pagkatapos ay talakayin kung ano ang binabanggit sa mga parapo 1 at 2 sa pahina 166.
4 Marahil ay nakausap na ninyo ang isang magulang na nababahala sa suliranin ng pagpapalaki sa mga anak. Maaari kayong magsabi ng ganito:
◼ “Lahat ng mga magulang ay nagnanais ng pinakamabuti para sa kanilang mga anak. Ang Bibliya ay naglalaman ng mga tagubilin na makatutulong sa mga magulang na sanayin ang kanilang mga anak na magkaroon ng kasiyasiyang buhay. Dahilan dito, inirerekomenda namin na pag-aralang magkakasama ng mga pamilya ang Bibliya. [Bumaling sa parapo 23 sa pahina 246.] Ang kaalamang natamo ay maaaring magdulot ng walang hanggang mga pagpapala sa buong pamilya!” Basahin ang Juan 17:3. Sabihin na kayo ay babalik at ipakikita sa pamilya kung papaano mapasisimulan nila ang pag-aaral.
5 Kung kayo ay isang kabataan o baguhang mamamahayag at inyong tinalakay ang pag-asa sa Paraiso sa unang pagdalaw, taglay ang bukas na aklat sa pahina 3, sabihin lamang:
◼ “Ang Bibliya ay nangangako na yaong mga gumagawa ng kalooban ng Diyos ay makakaasang mabubuhay sa sanlibutang gaya nito. Ang aklat na ito ay nakatulong sa akin na matutuhan kung ano ang kailangan kong gawin upang tamasahin ang gayong pagpapala. Nais kong tulungan kayo na makita kung papaano ninyo magagawa din ang gayon.” Ialok na itanghal ang ating paraan ng pag-aaral.
6 Bilang mga alagad ni Jesus, tayo ay may obligasyong tulungan ang mga tao. (Roma 10:14) Taglay natin ang pananagutang linangin ang interes na ating nasusumpungan. (Mat. 9:37, 38) Kapag ang ating atas ay ginaganap natin nang wasto, ang lahat ay maaaring magtamo ng idudulot na mga pagpapala nito.—1 Tim. 4:16.