Kayo Ba ay Nag-aalok ng mga Pag-aaral sa Bibliya?
1 Marami ang nagtatagumpay sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng tuwirang pag-aalok sa mga tao ng pagkakataong mag-aral ng Bibliya. Isang lalake na tumanggi sa literatura sa ilang pagkakataon ang pumayag nang inialok ang isang pag-aaral sa Bibliya. Wika niya: “Matagal ko nang gustong mag-aral ng Bibliya.” Isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan, at ang buong pamilya ay mabilis na sumulong.
2 Ang lahat ay dapat na maging palaisip na makapagsimula ng mga pag-aaral. Upang ang mga indibiduwal ay sumulong sa pagiging mga alagad ni Kristo, sila’y kailangang tulungan. (Mat. 28:19, 20) Upang maturuan, nangangailangang mapagdausan sila ng pag-aaral sa Bibliya. Ang mga pag-aaral ay kadalasang napasisimulan sa pamamagitan lamang ng pagtatanghal kung papaano matututo nang higit ang maybahay hinggil sa Bibliya at sa mga pangako ng Diyos. Ang isang kapatid na lalake ay nakapagsimula ng limang mga pag-aaral sa tract na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan. Yamang hindi niya kayang maidaos ang gayong karaming pag-aaral sa Bibliya nang palagian, unti-unti niyang inilipat iyon sa ibang mga mamamahayag.
3 Kung madali tayong makapagpasimula ng mga pag-aaral, maaari nating isama ang ibang mga mamamahayag at tulungan silang magkaroon din ng mga pag-aaral. O maaari nating ilipat sa iba sa kongregasyon ang ilang mga pag-aaral. Kung nais ninyong makapagdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya, bakit hindi subukang ialok ang isang pag-aaral doon sa mga nasusumpungan ninyo sa ministeryo sa bahay-bahay? Sa isang pangyayari, isang mamamahayag ang gumawa ng pagdalaw muli sa isang tin-edyer na hindi masyadong nagpakita ng interes. Gayumpaman, nag-alok sa kaniya ang mamamahayag ng pag-aaral sa Bibliya at tinanggap niya iyon. Siya ngayon ay bautisado na, at ang kaniyang kapatid na babae at bayaw ay dumadalo na rin sa mga pulong.—Gal. 6:6.
4 Hindi lahat ng napasimulan natin ng pag-aaral ay magpapatuloy. Hindi lahat ng mga nakikipag-aral ay mapapasa katotohanan. Subalit may ilan na tutugon. Habang maraming mga pag-aaral ang ating napasisimulan, malamang na mas marami ang ating matutulungang maging mga tagapuri kay Jehova.