“Maraming Ginagawa sa Gawain ng Panginoon”
1 Tunay na magiging abala tayo sa ating iskedyul ng teokratikong mga gawain sa Abril at Mayo! Sa Abril 14 ating ipagdiriwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ang pinakamaraming tao hangga’t maaari ay dapat na pasiglahing dumalo sa napakahalagang okasyong iyon: mga kasama sa negosyo, mga kamag-anak na di kapananampalataya, mga kamag-aral, mga bago pa lamang na nagiging interesado, at mga estudyante sa Bibliya. Gumawa ng listahan ng mga binabalak ninyong anyayahan upang walang sinumang malibanan.
2 Sa susunod na linggo ay pasisiglahin natin ang lahat ng dumalo sa Memoryal upang makinig sa pantanging pahayag sa Abril 23, sa paksang “Malapit Na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon.” Inaasahan na ang marami sa mga taong interesado na makaririnig sa tahasang mensaheng ito ay makikisama sa kongregasyon sa regular na paraan, hindi lamang sa pantanging mga okasyon.
3 Pantanging Kingdom News na Ilalabas: Ang tampok na bahagi ng pulong sa Abril 23 ay ang paglalabas ng isang napapanahong apat-na-pahinang Kingdom News na malawakang ipamamahagi hanggang Mayo 14. Hindi ba kayo sumasang-ayon na “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon” sa panahong ito ng Memoryal?—1 Cor. 15:58.
4 Isang suplay ng Kingdom News ang ipadadala sa bawat kongregasyon. Ang mga kahong naglalaman ng Kingdom News ay dapat na ilagay sa isang maayos na dako at hindi dapat buksan hanggang sa katapusan ng programa sa Abril 23. Sa panahong iyon ay ilalabas ang Kingdom News para sa mga kapatid at sa publiko. Sa katapusan ng mga pulong ng kongregasyon, mga pansirkitong asamblea, o mga programa ng pantanging araw ng asamblea sa Abril 23, ang mga dumalo ay bibigyan ng isang kopya upang sila’y maging pamilyar dito at masangkapan sa pamamahagi nito.
5 Maraming Gagawin ang Matatanda: Sa pagsisimula ng buwang ito ang lupon ng matatanda ay magtitipon upang talakayin ang mga detalye ng pantanging kampanya. Dapat pagsikapan ng mga kongregasyon na masaklaw ang lahat ng kanilang atas na teritoryo. Bago magtapos ang kampanya, gumawa ng pantanging pagsisikap na gawin ang mga teritoryong hindi nakukubrehan sa nakaraang anim na buwan. Dahilan sa kahalagahan ng gawaing ito, walang pagsalang marami ang magpapatala bilang mga auxiliary pioneer. Maraming mga estudyante sa Bibliya ang makikisama rin sa atin bilang bagong di-bautisadong mga mamamahayag. Anong kasiyasiyang panahon na tayo ay magkakasamang gumawa sa gawain ng Panginoon!
6 Ang mga konduktor ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay dapat na gumawa ng tiyak na mga kaayusan para sa panggrupong paglilingkod sa gitnang sanlinggo at sa mga Sabado at sa mga Linggo. Karagdagan pa, ang pagpapatotoo sa gabi ay dapat na isaayos minsan man lamang sa isang linggo sa panahon ng kampanya.
7 Ang mga pagtitipon bago maglingkod ay dapat na isaayos upang ang mga mamamahayag at mga payunir ay makapagpasimulang maaga sa ministeryo araw-araw. Ang mga pagtitipong ito ay dapat na maikli lamang. Ang bawat isa nito ay dapat na magtampok ng isang payak na presentasyon ng Kingdom News. Ang mga mamamahayag ay dapat magdala ng kasalukuyang mga isyu ng magasin para maipamahagi kapag namalas ang interes. Ang mga pagtitipon sa hapon para sa paglilingkod ay maaaring lakipan ng isa o dalawang mungkahi sa pagsasagawa ng mga pagdalaw muli sa mga tumanggap ng Kingdom News. Gayunman, maaaring naisin ng ilang mamamahayag na magsagawa ng pamamahagi kapuwa sa umaga at sa hapon. Dahilan dito, titiyakin ng tagapangasiwa sa paglilingkod na mayroong sapat na teritoryo. Ang pangalan at direksiyon ng sinumang nagpakita ng interes ay dapat na itala sa house-to-house record.
8 Kung ang isang kongregasyon ay tumutulong sa iba sa pagkubre sa teritoryo nito, ang pangalan at direksiyon ng mga interesadong tao ay dapat na ibigay sa kongregasyon na humahawak sa teritoryo.
9 Mga magulang, ang inyo bang mga anak ay sumusulong sa pagiging di bautisadong mamamahayag? Napansin na sa ilang kongregasyon, may mga bata na sumasama sa kanilang nag-alay na mga magulang sa ministeryo sa loob ng ilang mga taon na, at ang mga bata ay mahuhusay, bagaman hindi pa sila mga mamamahayag. Dapat na isaalang-alang ng mga magulang kung ang kanilang mga anak ay talagang kuwalipikado sa pribilehiyong ito. Maaaring talakayin sa ulo ng pamilya ng dalawa sa mga matatanda ang lahat ng salik at alamin kung ang bata ay maaaring maging isang di bautisadong mamamahayag.—om-TG p. 99-100.
10 Mayroon bang mga mamamahayag sa inyong kongregasyon na hindi na aktibo sa paghahandog ng isang hain ng papuri kay Jehova? (Heb. 13:15) Ang ilan sa mga di aktibo ay maaaring naigupo ng pagkasira-ng-loob o ng kabalisahan sa buhay, bagaman nanghahawakan pa rin sa mga pamantayang moral ng Bibliya. Ang isang palakaibigang pagdalaw ng isang matanda ay maaaring magpakilos sa kanila upang manumbalik muli sa regular na pakikisama sa kongregasyon at, sa isang angkop na panahon, sa panibagong sigla sa ministeryo.
11 Ang Lahat na Kuwalipikado ay Maaaring Makibahagi sa Kasiya-siyang Gawaing Ito: Ang ilan ba sa inyong mga bata o mga tin-edyer ay nahihirapang makibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay? Kumusta naman kayong mga baguhan na ang karanasan ay limitadong limitado sa gawaing pangangaral? Masusumpungan ninyo na ang pantanging gawain sa Kingdom News ay lubhang kasiya-siya! Isang payak na presentasyon ang tangi lamang kailangan.
Maaari ninyong sabihin ang gaya nito:
◼ “Sa buwang ito kami ay namamahagi ng isang mahalagang mensahe sa 232 mga lupain sa palibot ng daigdig. Ang mensaheng ito ay mahalaga dahilan sa ito’y nagbibigay sa atin ng matibay na mga dahilan upang maniwalang may lunas sa mga suliraning napapaharap sa atin ngayon. Nais naming magkaroon kayo ng personal na kopya.”
O maaari ninyong subukin ito:
◼ “Sa buwang ito halos limang milyong boluntaryo ang namamahagi ng isang mahalagang mensahe sa maraming wika. Ito’y inihanda para sa mga taong nagnanais makita ang katapusan ng mga suliranin na napapaharap sa ating lahat ngayon. Ito ang personal ninyong kopya.”
Ang payak na presentasyong ito ay maaaring angkop sa inyo:
◼ “Kami’y nagpapasigla sa lahat na basahin ang mahalagang mensaheng ito na pinamagatang [basahin ang pamagat ng Kingdom News]. Pansinin kung ano ang sinasabi dito sa pahina 2 hinggil sa lumalagong suliranin ng . . . [basahin ang piniling pangungusap mula sa Kingdom News]. Nakatitiyak kaming masisiyahan kayong basahin ang karagdagan pa sa napapanahong mensaheng ito. Ito ang kopya ninyo.”
12 Magkaroon ng personal na interes sa bawat tumanggap ng Kingdom News. Nais nating tiyakin na ang lahat na nagpakita ng interes ay nabigyan ng personal na kopya. Kapag wala ni isa man ang nasa bahay, markahan sa inyong house-to-house record upang kayo’y makabalik muli upang ialok ang Kingdom News sa maybahay. Ang mga Kingdom News tract na ito ay maaaring gamitin sa pagpapatotoo sa lansangan kapag ang isang tao ay nagpamalas ng interes, subalit hindi ito ibibigay nang basta na lamang na para bang ang mga ito ay handbill. Sa halip, lapitan ang mga dumaraan, at ipaliwanag ang kahalagahan ng itinatampok na mensahe. Gamitin ang Kingdom News sa impormal na pagpapatotoo, habang naglalakbay, o kapag nagpapatotoo sa mga kamanggagawa sa inyong pananghalian. Yaong mga may sakit o masama ang pakiramdam ay maaaring mag-alok nito sa mga bisita, sa mga doktor at mga nars, sa mga ahente, at sa iba pa na dumarating sa kanilang tahanan.
13 Gaano karaming mga pagdalaw muli ang inyong magagawa sa panahon ng kampanya? Walang alinlangang napakarami, yamang ang lahat ng nagpakita ng interes sa Kingdom News ay dapat bisitahing muli. Sa unang pagdalaw, pinakamabuti na itampok lamang ang Kingdom News. Pagkatapos, kapag kayo ay dumalaw muli, gumawa ng ilang komento hinggil sa pagiging napapanahon ng mensahe sa Kingdom News. Makinig na mabuti habang ang maybahay ay nagpapahayag ng kaniyang opinyon hinggil sa kaniyang nabasa. Ang kaniyang mga komento ay tutulong sa inyo na malaman kung ano ang dapat ialok sa pinakabagong mga magasin at marahil ay kung papaano mapaghahandaan ang higit pang pag-uusap. Kung may natamo kayong mabuting pagtugon sa pagdalaw muli, subuking pasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.—1 Cor. 3:6, 7.
14 “Ang inyong pagpapagal . . . ay hindi sa walang kabuluhan”: Ang lahat bang gawaing ito ay kapaki-pakinabang? Tiniyak ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.” (1 Cor. 15:58) Sa loob ng maraming taon, ang ating pagsisikap na ipamahagi ang Kingdom News ay pinagpala nang malaki. Isang mag-asawa na lumipat sa bakanteng apartment ang nakasumpong ng isang matandang kopya ng Kingdom News sa isang drawer. Ito lamang ang laman ng buong apartment. Pagkatapos basahin ito, nakipag-ugnayan sila sa lokal na kongregasyon at humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya. Sila’y nagpasimulang dumalo sa lahat ng pulong at sa dakong huli ay nagpahayag ng pagnanais na mabautismuhan. Marahil ay magdudulot ng gayon ding resulta ang isang kopya na iiwan ninyo!
15 Napakalaki ng gawain na nasa ating unahan. Tunguhin natin na makubrehan ng bawat kongregasyon ang kanilang iniatas na teritoryo hanggang sa Mayo 14 o sa katapusan ng buwan kung kinakailangang ipagpatuloy pa ang pamamahagi ng Kingdom News. Ang pagpapadala nito ay ginawa anupat, sa mga kongregasyon sa siyudad o yaong may malalaking teritoryo, ang bawat regular pioneer ay makatatanggap ng humigit-kumulang sa 250 kopya ng Kingdom News at ang bawat mamamahayag ng kongregasyon ay makakukuha ng humigit-kumulang sa 50 kopya. Ang mga kongregasyong may maliliit na teritoryo ay tatanggap ng halos kalahati ng nabanggit na dami. Ang sisingilin sa kuwenta ng kongregasyon ay 20 sentimos para sa bawat kopya ng Kingdom News, upang yaong mga kukuha ng kanilang suplay ay makapag-aabuloy ng halagang ito para makubrehan ang gastos. Kung dahilan sa pagkakaroon ng malaking teritoryo ay hindi makubrehan ang kanilang teritoryo sa kalagitnaan ng Mayo at mayroon pa ring natitirang mga kopya, magiging praktikal na anyayahan ang kalapit na mga kongregasyon upang tumulong. Sa ibang mga kongregasyon, ang pangangailangan ay maaaring masapatan sa lokal na paraan kung pasusulungin ng mga mamamahayag ang kanilang gawain sa pamamagitan ng pagpapatala bilang mga auxiliary pioneer o sa pakikibahagi sa ministeryo nang mas madalas.
16 Ang buong kaluluwang debosyon kay Jehova ay kinakailangan upang maisakatuparan natin ang ating gawain. (Col. 3:23) Ang mga buhay ay nasasangkot. Hindi maaaring waling bahala ng mga tao ang kahulugan ng mga kalagayan sa daigdig ngayon. Nauubos na ang panahon. Kailangan nilang harapin ang katotohanan na wala sa tao ang lunas sa mga suliranin ng daigdig. Ang Diyos lamang ang nagtataglay ng lunas. Yaong mga nagnanais na tanggapin ang pagpapala ng Diyos ay kailangang positibong kumilos, nang walang pagkaantala, alinsunod sa kaniyang mga kahilingan.
17 Sa katapusan ng pantanging kampanyang ito sa Mayo 14, maghihinay-hinay ba tayo sa ating gawain? Hindi! Tayo ay mananatiling abala kasuwato ng kinasihang payo ni Pablo.