Tanong
◼ Anong mga bagay ang dapat nating dalhin sa mga pulong?
Sa bawat linggo tayo ay tumatanggap ng kapaki-pakinabang na mga tagubilin at pampatibay-loob sa mga pulong ng kongregasyon. (Isa. 48:17; Heb. 10:24, 25) Gayunpaman, ang laki ng ating magiging pakinabang ay depende sa kung gaano kahusay ang paghahanda natin para sa mga pulong.
Makabubuti para sa bawat miyembro ng pamilya na magkaroon ng kaniyang sariling kagamitan para sa mga pulong. Lakip dito ang isang Bibliya, isang songbook, mga publikasyon na pinag-aaralan, isang notebook, at isang pen o lapis.
Para sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, ang Iskedyul sa Paaralan at ang Giya sa Paaralan ay kailangan. Ang mga bagay na ito ay makatutulong sa atin upang maingatan sa isipan ang tema ng mga pahayag na ibinibigay ng estudyante at upang masubaybayan ang tagapangasiwa sa paaralan kapag siya’y nagpapayo. Makagagawa tayo ng personal na aplikasyon sa payo at mga mungkahi upang mapasulong ang ating sariling mga pahayag at presentasyon sa paglilingkod sa larangan. Mula noong Enero, karamihan sa mga pahayag na nagtuturo ay salig sa Mga Saksi ni Jehova—Mga Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Maaaring hindi praktikal para sa bawat miyembro ng pamilya na dalhin ang kaniyang sariling kopya; marahil ang isang tomo ay maaaring dalhin para sa buong pamilya.
Para sa Pulong Ukol sa Paglilingkod, kailangan nating magkaroon ng pinakabagong labas ng Ating Ministeryo sa Kaharian at ang aklat na Nangangatuwiran. Dalhin ang anumang ginagamit na mga publikasyon sa panahon ng pulong, gaya ng mga literaturang gagamitin sa itatanghal na mga presentasyon. Ang mga matanda ay dapat na magkaroon ng kopya ng Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo.
Dapat pagsikapan ng mga magulang na paupuing tahimik ang kanilang mga anak at makinig sa mga pulong ng kongregasyon. Ang paglalaan sa kanila ng personal na kopya ng Ang Bantayan at iba pang mga publikasyon, kahit na bago pa sila matutong bumasa, ay magpapasigla sa kanila na magkaroon ng interes, at makatutulong sa pagkakaroon ng panghabang-buhay, kanais-nais na espirituwal na kaugalian.
Ang kagalakan at kasiyahang ating natatamo mula sa mga pulong ng kongregasyon ay lalo pang lumalaki kapag tayo’y lubusang nasasangkapan sa ating pagdalo.—2 Tim. 3:17.