Pagpapanatili ng Timbang na Pangmalas sa Teknolohiya ng Computer
1 Dahilan sa “ang panahong natitira ay pinaikli,” hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano noong unang siglo na ‘bilhin ang naaangkop na panahon’! Ang panahon ay mahalaga.—1 Cor. 7:29; Efe. 5:16.
2 Ang teknolohiya ay ipinagbunyi bilang tagatipid ng malaking panahon. Halimbawa, sa tunog ng isang buton ng computer, dagling makukuha ng isang tao ang napakalaking dami ng impormasyon. Kadalasang maaaring gawin ng computer sa ilang segundo lamang ang magagawa sa loob ng ilang oras o linggo sa pamamagitan ng ibang paraan. Kapag wastong ginamit, ang mga ito ay isang mahalagang kasangkapan.
3 Talaga Bang Makatitipid Ito ng Panahon?: Sa kabilang panig, ang ganitong teknolohiya ay hindi napapasa gumagamit nang walang gastos—kapuwa sa pera at sa panahon. Marami ang kakailanganing oras upang matutuhan kung papaano magagawa ng computer ang pinakasimpleng mga bagay. Karagdagan pa, ang isang tao na nagugumon mismo sa teknolohiya ay maaaring gumugol ng panahon na sana’y magagamit pa sa mas mabuting paraan. Dapat nating tandaan ang payo ni apostol Pablo na lumakad “gaya ng mga taong marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong mga sarili.”—Efe. 5:15, 16; tingnan din ang 1 Corinto 7:31.
4 Ang ilang mga kapatid ay nagdisenyo ng mga programa ng computer para sa pag-iingat ng mga rekord ng kongregasyon. Sabihin pa, isang personal na desisyon kung papaano ginagamit ng indibiduwal ang kaniyang computer. Gayunpaman, hindi nais ng Samahan na ingatan ang mga rekord ng kongregasyon sa mga computer, yamang ang mga bata o iba pang di awtorisadong tao ay maaaring makabasa ng mga ito. Ang lahat ng rekord ng kongregasyon—mga ulat ng kuwenta, mga Congregation’s Publisher Record card, at iba pa—ay dapat na ingatan sa mga pormang inilaan ng Samahan, at ang impormasyon sa mga pormang ito ng kongregasyon ay hindi dapat ilagay sa computer. Sa ganitong paraan, ang mga kompidensiyal na rekord ng kongregasyon ay mapangangalagaan.
5 Ang kapatid na inatasan ng bahagi sa mga pulong ng kongregasyon ay hindi dapat umasa sa materyal na inihanda ng sinuman mula sa isang computer network. Ang responsableng mga Kristiyano ay hindi naghahanda ng mga pahayag sa Bibliya o mga bahagi sa pulong at inilalagay iyon sa computer network para gamitin ng iba. Gayunpaman, ang computer at ang Watchtower Library sa CD-ROM ng Samahan ay maaaring maging mahalagang mga kasangkapan na magagamit ng bawat kapatid upang gumawa ng mabisang pagsasaliksik sa loob ng maikling panahon.
6 Ano naman ang tungkol sa pamamahagi ng computer print-out ng mga kasulatan na ginagamit sa Pag-aaral ng Bantayan o sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat? Mas mabuti para sa mga mamamahayag na gumawa ng kanilang sariling mga nota sa Bibliya at sa mga publikasyong pinag-aaralan. Sa mga pulong, ang paggamit ng computer print-outs ng mga Kasulatan na binabanggit sa mga publikasyon ay maaaring humadlang sa paggamit mismo ng Bibliya para hanapin ang mga kasulatan. Ang paghanap ng mga Kasulatan sa panahon ng pulong ay bahagi ng tinatanggap na pagsasanay, na nagsasangkap sa atin para sa mabisang paggamit ng Bibliya sa ministeryo sa larangan. Sa karamihang kaso, ang pagbabasa nang tuwiran mula sa Bibliya ay higit na mabisa, lalo na kapag ang tagapakinig ay pinasisiglang sumubaybay sa Bibliya.
7 Iba Pang Malulubhang Panganib: Gaya ng binalangkas sa pahina 17 ng Agosto 1, 1993, isyu ng Ang Bantayan, ang pagkokonekta ng computer sa isang electronic bulletin board ay maaaring magbukas ng daan tungo sa malulubhang espirituwal na panganib. Ang mga apostata, mga klero, at iba pa ay malayang makapaglalagay ng kanilang nakalalasong mga idea sa mga bulletin board. Malibang ang isang bulletin board ay wastong napangangasiwaan, na ginagawang limitado ang paggamit nito sa mga maygulang, tapat na mga lingkod ni Jehova, maaaring ilantad nito ang mga Kristiyanong gumagamit nito sa “masasamang kasama.” (1 Cor. 15:33) Ang Samahan ay tumanggap ng mga ulat na ang gayong tinatawag na pribadong network ay ginagamit hindi lamang para sa sariling pagpapakahulugan sa espirituwal na mga bagay kundi upang magbigay din ng masamang payo, magpalaganap ng tsismis at huwad na impormasyon, magtanim ng negatibong mga idea, magbangon ng mga katanungan at pag-aalinlangan para pasamain ang pananampalataya ng ilan, at magpalaganap ng pribadong pagpapakahulugan sa Kasulatan. Sa malas, ang ilang mga impormasyon ay waring nakapagtuturo, subalit ito ay maaaring nababahiran ng mga nakalalasong elemento. Tumitingin ang mga Kristiyano sa “tapat at maingat ng alipin” para sa napapanahong espirituwal na pagkain at sa mga kaliwanagan. (Tingnan Ang Bantayan ng Hulyo 1, 1994, mga pahina 9-11.) Ang isang Kristiyano ay may maselang na pananagutan na pangalagaan ang kaniyang pananampalataya laban sa lahat ng nakasisirang mga impluwensiya at dapat na laging nakakaalam kung sino ang kaniyang kinakasama.—Mat. 24:45-47; 2 Juan 10, 11.
8 Ang gayunding artikulo ng Bantayan ay nagdiin sa kahalagahan ng pagkilala sa mga batas hinggil sa karapatang maglathala. Ang karamihan sa mga kompanya na naghahanda at nagtitinda ng mga programa ng computer ay kumuha ng karapatan dito, at sila’y naglalaan ng lisensiya kung papaano legal na magagamit ang mga programa. Ang lisensiya ay karaniwang nagsasabi na ang may-ari ay hindi makapagbibigay sa iba ng mga kopya ng programa; sa katunayan, ang paggawa nito ay ginagawang ilegal ng international copyright law. Maraming sakim na tao ang hindi nag-aatubili sa paglabag sa batas. Gayunman, ang mga Kristiyano ay dapat na maging palaisip sa legal na mga bagay, na ibinibigay kay Cesar ang para kay Cesar.—Mat. 22:21; Roma 13:1.
9 Ang halaga ng anumang teknolohiya ay dapat timbangin laban sa potensiyal na mga panganib sa paggamit nito. Kung papaano ang telebisyon ay maaaring gamitin sa ikabubuti, ang hindi mabuting epekto nito sa sangkatauhan ngayon ay naging sanhi upang ipahayag maging ng mga taga-sanlibutan ang lubos na pagkabahala dito. Ang mga computer network ay umaabot sa buong daigdig at maaaring magdulot ng mahalagang impormasyon sa tahanan o pinagtatrabahuhan. Ang mga ito ay nag-aalok ng malaking serbisyo sa mga negosyo at organisasyon at maging sa mga indibiduwal sa nagtutumuling lipunan na ating kinabubuhayan. Sa kabilang dako, ang mga computer network ay sinasalot ng mga suliranin gaya ng pornograpiya at detalyadong impormasyon kung papaano gagawin ang balakyot na mga gawa.
10 Kung gayon, maraming mahalagang dahilan kung bakit dapat panatilihin ng isang Kristiyano ang timbang na pangmalas sa teknolohiya ng computer. Maraming indibiduwal ang nasisiyahan sa New World Translation, mga tomo ng Insight, at programa ng GetVerse, na inilaan ng Samahan sa mga computer diskette. Ang iba pa ay nakikinabang sa paggamit ng inilabas ng Samahan na CD-ROM, na naglalaan ng dagdag na kasangkapan sa pagsasaliksik. Bagaman kinikilala ang halaga ng isang teknolohiya, ang isang tao na gumagamit ng gayong makabagong teknolohiya sa kapaki-pakinabang na mga layunin ay dapat ding magbantay upang pangalagaan ang sarili at ang iba pa mula sa anumang negatibong aspekto nito. Kailangan nating maging timbang upang kahit na yaong hindi naman nakapipinsalang paggamit ng teknolohiya ay hindi umubos ng marami sa ating inialay na panahon o umabala sa atin mula sa ating pangunahing gawain at mga tunguhin.