Regular na Pagdalo sa Pulong—Mahalaga sa Pananatili Nating Matatag
1 Sa mga pulong ng kongregasyon ating isinasaalang-alang ang kapaki-pakinabang na mga kaisipan at tayo’y nasasangkapan ng espirituwal na kagayakang pandigma upang tayo’y makatayong “matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.”—Efe. 6:11; Fil. 4:8.
2 Inilalaan ng mga Pulong Kung Ano ang Kailangan Natin: Sa mga pulong ang mga panalangin ay ginagawa upang purihin ang Diyos at upang hilingin sa kaniya ang tungkol sa pangangailangan ng kongregasyon. (Fil. 4:6, 7) Ang pagkanta ng mga awiting pang-Kaharian ay nagpapasigla sa atin at nagpapangyaring maipahayag natin ang ating damdamin habang tayo’y sumasamba kay Jehova. (Efe. 5:19, 20) Ang ating pagsasamahan sa Kingdom Hall bago at pagkatapos ng mga pulong ay nagpapasigla sa atin, nagpapatibay sa atin, at nagpapaginhawa sa atin.—1 Tes. 5:11.
3 Ang pantanging pahayag noong Abril na “Malapit na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon” ay matinding nagdiin sa apurahang pagkilos upang lumabas sa Babilonyang Dakila. (Apoc. 18:4) Noong Hunyo at Hulyo, kay siglang nakubrehan ang tatlong artikulo sa pag-aaral ng Bantayan hinggil sa mga sinag ng liwanag na tumanglaw sa landas ng matuwid! (Kaw. 4:18) Isipin kung ano sana ang nawala sa atin kung hindi tayo dumalo sa mga pulong na iyon.
4 Gaya ng ipinakikita ng Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo sa pahina 72, ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay isang paglalaan sa patuloy na edukasyon ng buong kongregasyon. Sa ngayon tayo ay tinutulungang higit na mabatid ang kasaysayan ng organisasyon sa pamamagitan ng paggamit ng aklat na Tagapaghayag. Hindi natin nanaising malaktawan ang edukasyong ito.
5 Ang ating Pulong Ukol sa Paglilingkod ay nagsasangkap sa atin upang higit na maging mabisa sa ministeryo. Naipakita ito sa pulong na doo’y tumanggap tayo ng tagubilin sa pamamahagi ng Kingdom News Blg. 34. Naging sagana ang pagpapala ni Jehova sa gawaing ito, gaya ng makikita sa pambihirang resulta sa buong daigdig. (Ihambing ang 2 Corinto 9:6, 7.) Yaong mga regular na dumadalo sa mga pulong ay tumulong upang pag-ibayuhin ang ibinigay na pagtangkilik sa kampanya.
6 Sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, ang pagkadama natin sa pagkaapurahan ay nadagdagan sa pamamagitan ng mga bagay na ating natututuhan sa aklat na Apocalipsis. Dahilan sa mabilis na mga pangyayaring nagaganap sa pandaigdig na tanawin, kailangan nating maunawaan ang katuparan ng malalalim na hula ng Apocalipsis.
7 Unahin ang Regular na Pagdalo sa Pulong: Sa maraming lupain kinikilala ng ating mga kapatid kung gaano kahalaga ang mga pulong bawat linggo. Halimbawa, sa Burundi, Rwanda, Liberia, at Bosnia at Herzegovina, napakaraming baguhan ang nasa mga pulong anupat ang dumadalo ay dalawa o tatlong ulit ang laki kaysa kabuuang bilang ng mga mamamahayag. Sa ganitong paraan tinutulungan ni Jehova ang mga kapatid na makapanatiling matatag sa iisang espiritu.—Fil. 1:27; Heb. 10:23-25.
8 Ang sinuman na maaaring nagpapabaya sa regular na pagdalo sa pulong ay dapat kumuha ng hakbangin ngayon upang lunasan ang hilig na ito. (Kaw. 18:1; Ecles. 4:9-12) Upang makapanatiling matatag, kailangan natin ang pakikipagpalitan ng pampatibay-loob sa mga maygulang, gaya ng inilalaan ng regular na pagdalo sa pulong.—Roma 1:11, 12.