Walang Humpay sa Pagpapahayag ng Mabuting Balita
1 Dibdibang ginanap ng sinaunang mga Kristiyano ang kanilang ministeryo. Si Lucas ay nag-ulat: “Bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:42) Wala, kahit pag-uusig, ang makapipigil sa kanila! (Gawa 8:4) Araw-araw sila’y nagsasalita sa iba hinggil sa katotohanan.
2 Kumusta naman tayo? Tanungin ang sarili: ‘Nadarama ko ba ang pagkaapurahan ng panahon? Hilig ko bang patuloy na ipahayag ang mabuting balita nang walang humpay?’
3 Makabagong-panahong mga Halimbawa ng Pangangaral Nang Walang Humpay: Isang kapatid na babae, biktima ng polio, ang inilagay sa isang iron lung. Hindi siya makapunta sa Kingdom Hall o makadalo sa asamblea. Subalit, sa loob ng 37-taóng pagkanaroroon, 17 tao ang kaniyang natulungang matuto ng katotohanan! Paano niya ginawa ito? Bagaman hindi siya makapagbahay-bahay, nakasumpong siya ng paraan sa araw-araw na makapagpatotoo nang impormal sa mga nakakausap niya.
4 Kailangang harapin ng ating mga kapatid sa Bosnia ang digmaan at kakapusan. Gayunman, sila’y regular sa patuloy na pangangaral sa iba. Sa Sarajevo ang mga mamamahayag ay may aberids na 20 oras bawat buwan sa pangangaral at bawat isa’y nagdaraos ng humigit-kumulang sa dalawang pag-aaral sa Bibliya.
5 Ang mga kabataan ay nagpapamalas din ng sigasig sa ministeryo. Ang isang pamilyang Saksi sa Rwanda ay ipinasok sa isang silid na doo’y naghanda ang mga sundalo upang sila’y patayin. Hiniling ng pamilya na sila’y makapanalangin muna. Ito’y pinagbigyan, at ang batang anak na babae, si Deborah, ay malakas na nanalangin: “Jehova, ako po at si Papa ay nakapagpasakamay ng limang magasin sa linggong ito. Papaano po kaya namin mababalikan ang mga taong ito upang ituro sa kanila ang katotohanan at tulungan silang makamit ang buhay?” Dahilan sa kaniyang malakas na pananampalataya at pag-ibig sa ministeryo, ang buong pamilya ay nakaligtas.
6 Sa ngayon, kailangan nating abangan ang mga pagkakataong makapagpatotoo at hanapin yaong mga “wastong nakaayon para sa buhay na walang-hanggan.” (Gawa 13:48) Depende sa lokal na mga kalagayan, ang matatanda sa kongregasyon ay magsasaayos ng panggrupong paglilingkod sa umaga, hapon o sa gabi. Ang mga artikulo sa Ating Ministeryo sa Kaharian, mga pansirkitong asamblea, at mga pandistritong kombensiyon ay nagbibigay ng napapanahong mga mungkahi at pampatibay-loob upang makabahagi sa iba’t ibang larangan ng pagpapatotoo sa Kaharian. Bukod dito, sinasanay ng mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito ang mga mamamahayag sa pagpapatotoo sa lansangan, ipinakikita sa kanila kung paano gagawin ang mga teritoryo ng negosyo, at ipinakikita ang iba pang paraan upang magbigay ng patotoo saanman masumpungan ang mga tao. Ang lahat ng ito ay nagdiriin ng: Walang humpay sa pagpapahayag ng mabuting balita!
7 Ang mga apostol ni Jesus ay may katapangang nagpahayag: “Hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” Paano sila nakapagpatuloy sa kabila ng lahat ng paghadlang? Hiniling nila kay Jehova na tulungan sila, at “silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at sinalita ang salita ng Diyos nang may katapangan.” (Gawa 4:20, 29, 31) Kung talagang nais nating ipahayag ang mabuting balita nang walang humpay at kung pinagsisikapan nating gawin iyon kahit na sa araw-araw, tutulungan tayo ni Jehova.