Mangaral Nang Walang Humpay
1 Kung minsan, inaakala nating paulit-ulit at madalas na nating nakukubrehan ang ating teritoryo ngunit kaunti lamang ang tumutugon. Gayunman, may mabubuting dahilan tayo upang patuloy na mangaral.—Mat. 28:19, 20.
2 Bilang Patotoo: Inihula ni Jesus na ang pangangaral tungkol sa Kaharian ay magiging mahalagang bahagi ng mga pangyayaring bumubuo sa tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” at gagawin ito “bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mat. 24:3, 14) Kapag nakikita ng mga tao na nakikibahagi tayo sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, mapuwersang patotoo ang naibibigay nito. Pagkaalis natin sa teritoryo, maaaring pag-usapan ng mga tao sa loob ng ilang oras o ilang araw ang tungkol sa ating pagdalaw kahit na hindi sila nakinig sa mensahe. Kung pinahahalagahan natin ang mga dahilan kung bakit tayo nangangaral, tutulong ito sa atin na magmatiyaga. Napalulugdan natin si Jehova kapag nakikibahagi tayo sa pagtupad ng hula sa Bibliya sa pamamagitan ng pagpapatotoo at pagbibigay sa mga tao ng babala tungkol sa dumarating na pagkapuksa.—2 Tes. 1:6-9.
3 Kailangang Magmatiyaga: Dahil napakaraming pang-abala sa mga tao at napakaraming bagay ang umuubos ng kanilang panahon, kailangan tayong magmatiyaga kapag sinisikap nating linangin ang kanilang interes. Isang babae ang pinupuntahan linggu-linggo sa loob ng isang taon bago siya nagpasiyang papasukin ang mga Saksi sa kaniyang bahay para sa isang pag-uusap sa Bibliya. Gustung-gusto niya ang kaniyang narinig anupat tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya, nagsimulang dumalo sa mga pulong, at di-nagtagal ay nagnais na magpabautismo.
4 Mabilis na nagbabago ang mga kalagayan sa daigdig, gayundin ang saloobin ng mga tao. Marami na tumatanggi noon sa ating pagdalaw ang maaaring handa nang makinig ngayon sa nakagiginhawang pag-asang ibinabahagi natin. Kahit isang tao lamang ang positibong tumugon sa mensahe ng Kaharian, magiging sulit ang ating pagmamatiyaga.
5 Sa buong daigdig, parami nang paraming tao ang “nagbubuntunghininga at dumaraing dahil sa lahat ng karima-rimarim na bagay na ginagawa.” (Ezek. 9:4) Pinatutunayan ng mga resulta ng ating pangangaral na tumutugon sa mensahe ng Kaharian ang mga nakaayon sa katuwiran. (Isa. 2:2, 3) Kaya nga, patuloy tayong mangaral nang walang humpay sa pamamagitan ng pagmamatiyaga na may pag-ibig sa ‘pagdadala ng mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti.’—Isa. 52:7; Gawa 5:42.