‘Ipakita na Kayo ay Mapagpasalamat’
1 Ang karamihan sa atin ay sinanay sa pagkabata na magsabi ng “pakisuyo” at “salamat” kapag may nagpapakita sa atin ng kabutihang-loob. Tayo ay pinapayuhan ni Pablo na laging ‘ipakita na tayo’y mapagpasalamat,’ at dapat na tumanaw ng utang na loob lalo na kay Jehova. (Col. 3:15, 16) Subalit paano natin maipahahayag ang pasasalamat sa ating Dakilang Maylikha? At ano ang mga dahilan kung bakit tayo dapat na magpasalamat sa kaniya?
2 Ang apostol Pablo ay sumulat: “Ngunit salamat sa Diyos, sapagkat ibinibigay niya sa atin ang tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo!” (1 Cor. 15:57) Sa panahon ng Memoryal bawat taon, ipinagugunita sa atin ang sukdulang pag-ibig ng Diyos at ni Kristo sa paglalaan ng pantubos. (Juan 3:16) Yamang halos lahat sa atin ay nawalan ng minamahal dahilan sa kamatayan, anong laking pasasalamat natin sa ipinangako ni Jesus na pagkabuhay-muli! Ang ating mga puso ay umaapaw sa pasasalamat kapag ating iniisip ang pag-asang makaligtas sa katapusan ng sistemang ito upang hindi na mamatay kailanman. (Juan 11:25, 26) Napakahirap makasumpong ng mga salita upang ipahayag ang pasasalamat sa lahat ng kamangha-manghang mga pagpapala na mararanasan pa natin sa dumarating na makalupang Paraiso. (Apoc. 21:4) May mas mabuti pa bang dahilang taglay ang sinuman upang ‘ipakita na siya ay mapagpasalamat’ sa Diyos?
3 Paano Ipahahayag ang Pasasalamat sa Diyos: Laging angkop na ipahayag ang ating pasasalamat sa pananalangin kay Jehova para sa kaniyang kabutihan. (Awit 136:1-3) Tayo’y napakikilos din na ipakita ang ating pasasalamat sa kaniya sa iba pang positibong paraan. Halimbawa, tayo ay tiyak na dadalo sa Linggo, Marso 23, para sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. May kagalakan nating ‘pinararangalan si Jehova sa pamamagitan ng ating tinatangkilik’ upang matugunan ang materyal na mga pangangailangan ng lokal na kongregasyon at ng pambuong daigdig na gawain. (Kaw. 3:9) Lubusan nating sinusuportahan ang matatanda at nakikipagtulungan sa kanila, anupa’t ipinakikita ang ating pagtanaw ng utang na loob kay Jehova dahilan sa tulong na kaniyang inilalaan sa pamamagitan nila. (1 Tes. 5:12, 13) Sa araw-araw, ating pinagsisikapang mapanatili ang matuwid na paggawi na lumuluwalhati sa pangalan ng Diyos. (1 Ped. 2:12) Si Jehova ay nalulugod sa lahat ng mga katunayang ito ng ating pagtanaw ng utang na loob.—1 Tes. 5:18.
4 Ang Ating Pinakamainam na Kapahayagan ng Pasasalamat: Ang pagkakaroon ng buong-kaluluwang pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian, pagpaparangal sa pangalan ni Jehova, pagpapahayag ng pagtanaw ng utang na loob sa panalangin, at may katapatang pagtatanggol sa katotohanan ang ilan sa pinakamainam na kapahayagan ng taus-pusong pasasalamat na maaari nating gawin para sa ating Maylikha. Nalulugod si Jehova na makita tayong nagsasagawa ng banal na paglilingkod bilang pagtataguyod sa kaniyang kalooban “na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas.” (1 Tim. 2:3, 4) Kaya maraming mamamahayag ang tumutugon sa panawagan na lumitaw sa Pebrero ng Ating Ministeryo sa Kaharian na magpatala bilang mga auxiliary pioneer sa isa o higit pang mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo. Kayo ba ay makasasali sa ranggo ng mga payunir sa Abril? sa Mayo?
5 Kapag ang ating pag-asa na mabuhay magpakailanman ay natupad, magkakaroon tayo ng higit pang dahilan upang patuloy na magbigay ng may kagalakang pasasalamat kay Jehova.—Awit 79:13.