Magpatotoo Saanman May Tao
1 Bilang pagkilala sa papel na ginagampanan ng espiritu ng Diyos sa kaniyang ministeryo, sinabi ni apostol Pablo: “Ang Diyos ang patuloy na nagpapalago [nito].” Kinilala rin niyang: “Tayo ay mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:5-9) Ito’y isang kamangha-manghang pribilehiyo. Paano natin hayagang maipakikita na ating pinahahalagahan ang pagiging kamanggagawa ng Diyos? Sa pamamagitan ng paghahayag ng mabuting balita sa lahat ng ating nasusumpungan sa bahay-bahay at saanmang ibang dako.
2 Tayo’y pinag-utusang “gumawa ng mga alagad sa mga tao.” (Mat. 28:19) Kapag iilang tao lamang ang ating nakausap sa pakikibahagi natin sa ministeryo, maaaring masiraan kaagad tayo ng loob at makadamang kakaunti lamang ang ating naisagawa. Sa kabilang panig, ganap tayong nasisiyahan sa ating ministeryo kapag nasusumpungan at nakakausap natin ang maraming tao. Ito’y nagsisilbing isang hamon, yamang ito’y humihiling sa atin na kunin ang unang hakbang upang kausapin ang mga tao saanman sila naroroon.
3 Praktikal na mga Halimbawa: Tayo ay makapagpapatotoo sa mga tao sa mga pamilihan, parke, paradahan, at mga sakayan ng bus. Kapag kayo ay sumasakay sa pampublikong transportasyon, kayo ba’y handang magbigay ng patotoo samantalang naglalakbay? Ang dalawang Saksi na nakasakay sa isang siksikang bus patungo sa pagtitipon bago maglingkod ay nag-uusap hinggil sa larawan ng Paraiso sa aklat na Kaalaman. Gaya ng kanilang inaasahan, isang kabataang lalaki na nakatayong malapit sa kanila ang nakinig at napukaw ang interes sa kaniyang napakinggan. Bago bumaba ng bus, tinanggap niya ang isang aklat at humiling na may dumalaw sa kaniyang tahanan.
4 Maraming mamamahayag ang nakasumpong ng kagalakan sa pagsasagawa ng impormal na pagpapatotoo. Isang kapatid na babae ang nagtungo sa shopping center sa kanilang lugar isang hapon at lumapit sa mga taong nakatapos na sa pamimili subalit waring hindi nagmamadali. Naipasakamay niya ang lahat ng literaturang nasa kaniyang bag. Ang isang lalaking nakaupo sa kaniyang sasakyan ay nalugod na kumuha sa kaniya ng mga magasin. Nakadalo na siya noon sa mga pulong, at ang kanilang pag-uusap ay nagpadingas muli sa kaniyang interes.
5 Isang pribilehiyo na ibunyi ang pangalan ni Jehova. Sa pamamagitan ng ating sigasig sa gawaing pangangaral, ating ipakikita na hindi tayo sumasala sa layunin ng di na sana nararapat na kabaitan sa atin ng Diyos. Yamang “ngayon ang lalo nang kaayaayang panahon” upang tulungan ang iba, tayo nawa’y magtungo kung saan naroroon ang mga tao at magpatotoo sa kanila hinggil sa “araw ng kaligtasan” ni Jehova.—2 Cor. 6:1, 2.