Ibahagi sa Iba Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
1 Ang pamilya ang saligang yunit ng lipunan ng tao, at mula sa pamilya nanggagaling ang mga barangay, mga lunsod, mga lalawigan, at ang buong bansa. Sa ngayon ang yunit ng pamilya ay nasa ilalim ng panggigipit na hindi pa nangyari kailanman. Ang makapangyarihang mga puwersa ay nagbabanta sa mismong pag-iral ng buhay pampamilya. Kay laking pasasalamat natin na si Jehova, ang Disenyador ng kaayusan ng pamilya, ay naglaan sa atin ng mga tagubilin upang tamuhin natin ang kaligayahan sa pamilya! Nasusumpungan ng mga sumusunod sa kaniyang mga tagubilin na ang mga suliranin ay nababawasan at ito’y nagbubunga ng matagumpay na pamilya. Sa Setyembre ay may pribilehiyo tayong ibahagi sa iba ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Kayo mismo ang unang lumapit sa mga tao taglay ang paksa may kinalaman sa buhay pampamilya. Maging palakaibigan, positibo, at maunawain. Ano ang maaari ninyong sabihin?
2 Maaari kayong magsimula sa pagbabangon ng isang katanungan, gaya ng:
◼ “Napansin ba ninyo na maraming pamilya ang nahihirapang magbata ng mga kagipitan sa buhay? [Hayaang sumagot.] Ang mga ulat ay nagpapakita na maraming tao ang nakararanas ng mga suliranin sa tahanan. Ano sa palagay ninyo ang makatutulong sa mga pamilya na makasumpong ng higit na katatagan at kaligayahan? [Hayaang sumagot.] Yamang ang Diyos ang nagtatag ng kaayusang pampamilya, hindi kaya makatuwiran na suriin ang mga tagubiling kaniyang ibinigay? [Basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17.] Ang gayong kapaki-pakinabang na tagubilin ay binalangkas sa aklat na ito, Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya.” Pagkatapos ay tanungin ang indibiduwal kung ano sa palagay niya ang isang karaniwang suliranin ng pamilya, ipakita ang kabanata na tumatalakay sa suliranin, at ialok ang aklat.
3 Sa pagdalaw-muli, maaari ninyong ipagpatuloy ang tunguhing mapasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng pagsasabi ng:
◼ “Pinag-isipan ko ang inyong sinabi may kinalaman sa buhay pampamilya, at mayroon akong dala para sa inyo na sa palagay ko’y magugustuhan ninyo. [Ipakita ang brosyur na Hinihiling, bumaling sa pahina 16, at basahin ang anim na katanungan sa itaas.] Maliwanag, kailangang gawin ng bawat isa sa pamilya ang kani-kaniyang bahagi upang makatulong sa ikaliligaya ng pamilya. Kung mayroon kayong ilang minuto, nais kong ipakita sa inyo kung paano ninyo tatamuhin ang pinakamalaking kapakinabangan mula sa impormasyong ito.” Pagkatapos ay pasimulan ang pag-aaral sa araling 8.
4 Ang isa pang paraan para mapasimulan ang isang pag-uusap ay ang pagbanggit ng isang suliranin, kaypala’y sa pagsasabing:
◼ “Bagaman nais ng lahat na tamasahin ang kapanatagan at kasiyahan, waring hindi talaga nagtatagumpay ang maraming pamilya sa bagay na ito. Ano sa palagay ninyo ang makatutulong sa kanila upang makasumpong ng tunay na kaligayahan? [Hayaang sumagot.] Malaon nang panahon, ang Bibliya ay nagsabi kung anong uri ng mga problema ang mapapaharap sa mga pamilya sa ngayon. [Basahin ang 2 Timoteo 3:1-3.] Gayunman, sinasabi rin ng Bibliya sa mga pamilya kung ano ang dapat gawin upang malunasan ang mga suliraning ito at matamo ang namamalaging kaligayahan. Ang mga simulain nito ay nasa aklat na ito, Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya.” Pagkatapos ay ipakita ang kahon sa repaso sa katapusan ng isang angkop na kabanata, basahin ito, at ialok ang aklat.
5 Kapag kayo’y nagbalik, gamitin ang brosyur na “Hinihiling” upang pasimulan ang isang pag-aaral. Maaari ninyong sabihin:
◼ “Ako’y nasisiyahan sa inyong pagnanais na suriin ang mga simulain sa Bibliya na kumakapit sa buhay pampamilya. Ang karanasan ay nagpapakita na ang pinakamabuting resulta ay natatamo sa pagsunod sa praktikal na payo na masusumpungan sa Bibliya. Narito ang simpleng paliwanag kung bakit gayon.” Basahin ang unang parapo ng araling 1 sa brosyur na Hinihiling, lakip na ang alinman sa Awit 1:1-3 o Isaias 48:17, 18. Kung ipinahihintulot ng pagkakataon, isaalang-alang ang natitira sa aralin. Sabihin na kayo’y babalik upang magkasamang pag-aralan ang susunod na aralin.
6 Hinggil sa mga Kontribusyon: Kapag nagsasakamay ng literatura, kung minsan ba’y nag-aatubili kayong bumanggit sa hinihiling nating kontribusyon para sa literatura? Makabubuting ingatan sa isipan na ang ating literatura ay mahalaga, at napakamahal ng paglilimbag nito. Kaya titiyakin nating maipaliwanag ang ating boluntaryong gawain at ang dahilan para sa paghiling natin ng kontribusyon. Ito’y makatutulong upang mabatid nila na tayo’y hindi nagtitinda ng literatura at nabibigyan sila ng pagkakataong magbigay ng kaunting abuloy para sa ating pambuong daigdig na gawain.
7 Halimbawa, pagkatapos mag-alok ng aklat na “Kaligayahan sa Pamilya,” maaari ninyong sabihin ito:
◼ “Inililimbag ang aming literatura sa pamamagitan ng kusang-loob na mga manggagawa at tinutustusan ng kusang-loob na mga kontribusyon. Iyan ang dahilan kung bakit kami humihiling ng maliit na kontribusyon upang makubrehan ang gastos sa pag-iimprenta at sa mga materyales at sa pagpapadala ng literaturang ito sa buong daigdig. Ang inyong kontribusyon ay makatutulong sa aming pambuong daigdig na gawain at makatutulong sa iba pa na makatanggap ng mainam na impormasyong ito.” Sa paghaharap nito sa ganitong paraan, makapagtitiwala tayo na ang ating literatura ay mapahahalagahan at hindi tayo mamalasin bilang mga tagapagtinda lamang ng aklat.
8 Tayo’y gumawa ng lahat ng ating makakaya upang ibahagi sa iba ang lihim na umaakay sa kaligayahan ng pamilya—bilang pagsunod sa mga tagubiling nakasaad sa Salita ng Diyos.—Awit 19:7-10.