Pagtulong sa mga Pamilya na Magkaroon ng Namamalaging Kinabukasan
1 “Ang kasakiman ay kapaki-pakinabang,” sabi ng isang namumuhunan sa isang magtatapos na klase sa kolehiyo, at dagdag pa niya: “Maaari kang maging sakim at mapanatili pa rin ang mabuting pagtingin mo sa sarili.” Dito makikita kung paanong itinataguyod ng sanlibutan ang pagiging mapagsarili upang maging matatag ang kinabukasan ng isa. Sa kabaligtaran, itinuro ni Jesus sa isang Kristiyano na dapat na “itatwa niya ang kaniyang sarili . . . . sapagkat ano ang magiging kapakinabangan sa isang tao kung matamo niya ang buong sanlibutan ngunit maiwala naman ang kaniyang kaluluwa?” (Mat. 16:24-26) Upang tamuhin ang isang namamalaging kinabukasan, dapat na isentro ng isang tao ang kaniyang buong buhay sa paggawa ng kalooban ng Diyos—ang pinakamahalagang tunguhin para sa mga pamilya ngayon. (Awit 143:10; 1 Tim. 4:8) Ang mensaheng ito ang itinatawid ng pangwakas na kabanata ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Ang bagong publikasyong ito ay tumutulong sa mga pamilya na makita kung ano ang talagang mahalaga sa buhay. Sa Marso, ano ang maaari nating sabihin upang pasiglahin ang mga nasusumpungan natin na basahin ang aklat na Kaligayahan sa Pamilya? Narito ang ilang mungkahi:
2 Kapuwa sa pintuan at sa lansangan, maaari ninyong subukang gamitin ang tract na “Tamasahin ang Buhay Pampamilya” upang pasimulan ang mga pag-uusap. Maaari ninyong itanong:
◼ “Dahilan sa lahat ng kabalisahan sa makabagong pamumuhay, sa palagay ba ninyo’y posible pa na magkaroon ng isang maligayang buhay pampamilya? [Hayaang sumagot.] Tinitiyak ng tract na ito na yaon ay posible. Nais ba ninyong basahin ito?” Kung iyon ay tinanggap, maaari kayong magpatuloy sa pagsasabing: “Yamang kayo ay interesado sa paksang ito, maaaring masiyahan din kayo sa aklat na ito na nagbibigay ng detalyadong payo kung paano makasusumpong ng kaligayahan sa pamilya.” Ipakita ang talaan ng mga nilalaman sa aklat na Kaligayahan sa Pamilya. Ipakita ang ilang pamagat ng kabanata. Bumaling sa pahina 10, at basahin ang huling pangungusap sa parapo 17 hanggang sa katapusan ng parapo 18. Ialok ang aklat. Isaayos ang pagdalaw-muli upang ipagpatuloy ang pagtalakay.
3 Maaari ninyong ipagpatuloy ang unang pakikipag-usap hinggil sa maligayang pamilya sa pamamagitan ng pagsasabing:
◼ “May ipakikita ako sa aklat na kinuha ninyo na sa palagay ko’y magugustuhan ninyo. Ang huling kabanata ay nagpapaliwanag ng tunay na lihim ng kaligayahan sa pamilya. [Basahin ang parapo 2 sa pahina 183.] Pansinin na ang paggawang sama-sama upang gawin ang kalooban ng Diyos ang siyang susi. Inirerekomenda namin na ang mga pamilya ay sama-samang mag-aral ng Bibliya upang malaman kung ano ang kalooban ng Diyos at kung paano ikakapit ito sa sambahayan. Kami ay nag-aalok ng libreng pag-aaral sa Bibliya na nangangailangan lamang ng ilang buwan upang makumpleto. Kung pahihintulutan ninyo ako, ipakikita ko sa inyo kung paano ito idinaraos.” Bumalik taglay ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? o ang aklat na Kaalaman, alinman ang angkop.
4 Kapag nakikipag-usap sa mga kaklase sa paaralan o sa mga kabataan sa teritoryo, maaaring makuha ninyo ang mabuting pagtugon sa katanungang ito:
◼ “Gaano kahalaga para sa mga magulang at sa mga anak na panatilihing bukas ang mga linya ng komunikasyon sa isa’t isa? [Hayaang sumagot.] Pansinin kung ano ang sinasabi ng aklat na ito hinggil sa pamilya sa paksang ‘Tapat at Bukás na Pag-uusap.’ [Basahin ang buong parapo 4 at ang unang pangungusap ng parapo 5 sa pahina 65 ng aklat na Kaligayahan sa Pamilya.] Ang kasunod na mga parapo ay nagbibigay ng praktikal na mga mungkahi kung paano mapasusulong ang komunikasyon sa loob ng pamilya. Kung nais ninyong basahin ang aklat na ito, maaari kayong magkaroon ng kopya sa maliit na kontribusyon.” Ipaliwanag na kayo’y babalik upang kunin ang kaniyang mga komento sa kaniyang mababasa.
5 Maaari ninyong ipagpatuloy ang inyong unang pakikipag-usap sa isang kabataan hinggil sa komunikasyon ng magulang at anak sa pagsasabi ng ganito:
◼ “Pinahahalagahan ko ang interes na ipinakita mo sa kahalagahan ng pagkakaroon ng mabuting komunikasyon sa loob ng inyong pamilya. Ano ang masasabi mong pinakamahalagang paksa na dapat pag-usapan ng mga magulang at sa mga anak?” Hayaang sumagot. Pagkatapos ay bumaling sa pahina 68 ng aklat na Kaligayahan sa Pamilya, at basahin ang sagot sa unang bahagi ng parapo 11. “Ang pagkakaroon ng lingguhang pag-aaral sa Bibliya ay napakainam na paraan upang tamuhin ang kaalaman ng Diyos.” Iharap ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Ipaliwanag na ang 16 na leksiyon nito ay naglalaan ng pangunahing mensahe ng Bibliya. Basahin ang pambungad sa pahina 2, at pagkatapos ay ialok na pasimulan ang pag-aaral sa unang leksiyon.
6 Kung may nasumpungan kayong isang magulang sa pagbabahay-bahay, o marahil sa isang parke, maaari ninyong antigin ang interes sa pagsasabing:
◼ “Natitiyak kong sasang-ayon kayo na ang pagpapalaki sa mga anak ngayon ay isang tunay na hamon. Ano sa palagay ninyo ang maaaring magsanggalang sa inyong pamilya mula sa masasamang impluwensiya? [Hayaang sumagot.] Narito ang ilang napakainam na payo na nagustuhan ko.” Ilahad ang ilustrasyon sa parapo 1 at basahin ang parapo 2 sa pahina 90 ng aklat na Kaligayahan sa Pamilya. Ipaliwanag kung paano ito nagbibigay ng timbang ng direksiyon na tunay na mabisa upang ipagsanggalang ang mga pamilya mula sa mga mapaminsalang impluwensiya. Ialok ang aklat at isaayos na bumalik upang talakayin ang anumang katanungan na maaaring bumangon.
7 Sa inyong ikalawang pagdalaw sa isang magulang na kumuha ng aklat na “Kaligayahan sa Pamilya,” maaari ninyong ipagpatuloy ang pag-uusap sa ganitong paraan:
◼ “Nang una tayong magkita, napansin ko ang inyong tunay na pagmamalasakit sa inyong mga anak at pagnanais na ipagsanggalang sila mula sa mga mapaminsalang impluwensiya. Maaaring hindi pa ninyo nababasa ito, pero may isang napakahalagang punto sa aklat na iniwan ko sa inyo na dapat ninyong makita. [Basahin ang parapo 19 sa pahina 59.] Ang pagkakaroon ng kaugnayan sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkakilala sa kaniya sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya. Nais ba ninyong itanghal ko kung paano kami nag-aaral ng Bibliya bilang isang pamilya?”
8 Hindi maipakikita sa mga pamilya ng makasanlibutang mga tagapayo ang daan tungo sa kaligayahan anupat tiyak na iniiwan silang bigo. Nawa’y ipamahagi natin ang Kaligayahan sa Pamilya upang ang mga tao saanman ay matulungan ng Salita ng Diyos upang magkaroon ng isang maligaya at namamalaging kinabukasan.—1 Tim. 6:19.