Dapat Tayong Maging mga Guro, Hindi mga Tagapangaral Lamang
1 Napansing “literal na nalalaganapan ng mga Saksi ni Jehova ang buong lupa sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo.” Paano ito naging posible? Hindi sa pamamagitan ng lakas o kapangyarihan ng tao, kundi sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos na kumikilos sa kaniyang mga lingkod habang ginagamit nila ang iba’t ibang paglalaan upang ganapin ang kanilang komisyon na mangaral at magturo.—Zac. 4:6; Gawa 1:8.
2 Ang nakalimbag na pahina ay isang mabisang paraan upang maisakatuparan ang ating gawaing pangangaral. Sa nakaraang mga taon ay bilyun-bilyong aklat, buklet, brosyur, magasin, at mga tract ang nailathala at naipamahagi ng mga Saksi ni Jehova upang makatulong sa pagpapahayag ng mabuting balita ng Kaharian. Ang mga ulat sa 1997 Yearbook ay nagpapakita na ang produksiyon ng literatura ay nakaabot sa napakataas na antas. Sa kasalukuyan, mahigit sa 91 milyong (91,000,000) kopya ng New World Translation ang nailimbag. Sa loob ng isang taon ang bilang ng nailimbag na mga magasing Bantayan at Gumising! sa Estados Unidos ay tumaas ng 7.1 porsiyento. Sa Alemanya, ang produksiyon ng magasin ay tumaas ng 35 porsiyento. Mahigit sa ikatlong bahagi ng magasing ginawa sa Alemanya ang para sa larangan ng Rusya.
3 Bakit napakaraming literatura ang kailangan? Sa buong daigdig, nagkaroon ng napakalaking pagtugon sa pampasiglang ibinigay sa atin para magpatotoo kung saanman maaaring makasumpong ng mga tao. Palibhasa’y pinalawak ng marami sa atin ang ating gawaing pagpapatotoo—sa mga pampublikong lugar, sa mga lansangan, at sa mga teritoryo ng negosyo—mas maraming literatura ang nailalagay sa mga tao na nagpapakita ng ilang interes. Ang marami sa mga ito ay bihira kung nagkaroon man ng pagkakataon na makarinig ng mensahe ng Kaharian. Upang matugunan ang pangangailangang ito, ang mga kongregasyon ay nagtataglay ng iba’t ibang publikasyon para magamit sa lahat ng bahagi ng ministeryo.
4 Ano ang Ating Tunguhin sa Pamamahagi ng Literatura? Ang ating tunguhin ay hindi lamang basta magsakamay ng literatura. Ang komisyong gumawa ng mga alagad ay nagsasangkot sa dalawang aspekto—ang pangangaral at pagtuturo. Una, mayroon tayong pribilehiyong ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian, upang ipabatid sa mga tao na ito lamang ang tanging pag-asa ng sangkatauhan. (Mat. 10:7; 24:14) Ang ating salig-sa-Bibliyang literatura ay subok na sa panahon at mabisang paraan sa pagpukaw ng interes at paghahatid ng kaalaman sa iba hinggil sa Kaharian.
5 Ikalawa, upang tayo’y makagawa ng mga alagad, dapat nating ituro ang lahat ng bagay na ipinag-utos ni Jesus. (Mat. 11:1; 28:19, 20) Muli, ang literatura ay gumaganap ng isang mahalagang papel upang matulungan natin ang mga estudyante na maisapuso ang katotohanan, na tinutulungan silang maging mga alagad.
6 Yaong mga tumatanggap ng literatura ay maaaring maging ‘mga tagapakinig ng salita,’ subalit walang kasiguruhan na sila’y magiging mga tagatupad nito kung pababayaan sila sa kanilang ganang sarili lamang. (Sant. 1:22-25) Kaunti lamang ang maaaring maging alagad malibang may pumatnubay sa kanila. (Gawa 8:30, 31) Sila’y nangangailangan ng isang guro upang tumulong sa kanila na patunayan sa ganang sarili ang katotohanang nasusumpungan sa Kasulatan. (Gawa 17:2, 3) Ang ating tunguhin ay upang tulungan silang sumulong sa punto ng pag-aalay at bautismo, at upang sanayin silang maging ganap na kuwalipikadong magturo sa iba.—2 Tim. 2:2.
7 Ang Pinakamalaking Pangangailangan ay Para sa Higit Pang Guro: Kapag tayo ay nangangaral, ating ipinahahayag sa madla ang mabuting balita. Gayunpaman, ang pagtuturo ay nagsasangkot sa progresibong pagbibigay ng tagubilin sa isa. Samantalang ang pangangaral ay nagpapangyaring mabatid ng iba ang mensahe ng Kaharian, ang pagtuturo ay tumutulong sa indibiduwal na tanggapin ang mabuting balita at kumilos salig doon. (Luc. 8:15) Ang isang guro ay gumagawa ng higit pa kaysa paghahayag; siya’y nagpapaliwanag, nangangatuwiran taglay ang mabuting argumento, nagbibigay ng patotoo, at nanghihikayat.
8 Ang marami sa atin hangga’t maaari ay dapat na maging mga guro, hindi mga tagapangaral lamang. (Heb. 5:12a) Ang pamamahagi ng literatura ay isang mahalagang bahagi ng ating gawain, subalit ang pagtatamo ng ikalawang tunguhin sa ating ministeryo ay magiging depende sa wakas sa ginagawa natin bilang mga guro. Bagaman tayo’y maaaring nasisiyahan kapag tayo’y nakapaglalagay ng literatura, gayunman upang lubusang maisakatuparan ang ating ministeryo, hindi natin dapat malasin ang pagsasakamay bilang pangwakas na tunguhin natin. (2 Tim. 4:5) Ang pagsasakamay ay isang mabisang paraan ng pagbubukas ng pinto ng mga pagkakataon upang magturo ng katotohanan sa iba.
9 Gawin ang mga Pagdalaw-muli Upang Magpasimula ng mga Pag-aaral sa Bibliya: Malamang na tayong lahat ay nakapaglagay na ng maraming aklat, brosyur, at mga magasin, na bumubuo ng may kalakihang listahan ng mga pagdalaw-muli. Dapat tayong mag-iskedyul ng regular na panahon upang bumalik at antigin ang interes. Ang ating pangunahing layunin sa pagbabalik ay hindi upang magsakamay lamang ng karagdagan pang literatura kundi para pasiglahin ang mga tao na basahin at pakinabangan kung ano ang taglay na nila. Gaano kayang kalaking espirituwal na pagsulong ang ating nagawa kung walang paulit-ulit na nagbalik at tumulong sa atin na magtamo ng tumpak na kaalaman?—Juan 17:3.
10 Subaybayan ang lahat ng interes taglay ang tunguhing magpasimula ng pag-aaral sa Bibliya alinman sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? o sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ang dalawang publikasyong ito ay naghaharap ng mensahe ng Kaharian sa paraang madaling maintindihan. Ang brosyur na Hinihiling ay naglalaman ng lahat ng kailangan sa kurso ng pag-aaral, na sumasaklaw sa mga saligang turo ng Bibliya. Ang aklat na Kaalaman ay nagpapangyari sa isa na magturo ng katotohanan nang mas detalyado, subalit simple, maliwanag at maikli.
11 Ang pinasimpleng programa ng pagtuturo, gaya ng ipinaliliwanag sa insert ng Hunyo 1996 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, ay nagpapadali para sa guro na magturo at para sa estudyante na matuto. Panatilihing handa ang kopya ng insert na iyon upang marepaso ang mga pamamaraan at ang pantanging sistema sa pagtuturo na napatunayang mabisa. Ang ilang mungkahing ibinibigay nito ay naglalakip sa kung paano magkakaroon ng tunay na personal na interes sa estudyante, kung gaano karaming materyal ang kukubrehan sa isang sesyon, kung paano pakikitunguhan ang mga katanungang walang kinalaman sa paksa, kung paano maghahanda nang patiuna kapuwa ang guro at ang estudyante para sa pag-aaral, at kung paano aakayin ang estudyante sa organisasyon ni Jehova. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga mungkahi, ang mas marami sa atin, lakip na ang mga baguhan, ay makapagdaraos ng progresibong mga pag-aaral.
12 Mga Ulat ng Mabubuting Tagumpay Mula sa Larangan: Ang brosyur na Hinihiling at ang aklat na Kaalaman ay napatunayang mahahalagang pantulong upang mapabilis ang proseso sa paggawa ng mga alagad. Pagkatapos tumanggap ng brosyur na Hinihiling, isang kapatid sa Bolivia ang karaka-rakang gumamit nito upang mapasimulan ang isang pag-aaral sa isang lalaki. Makalipas ang apat na buwan sa isang pandistritong kombensiyon, ang estudyanteng ito ay kabilang sa maliligayang kandidato para sa bautismo!
13 Marami ang napakikilos upang ialay ang kanilang buhay kay Jehova pagkatapos na makumpleto ang kanilang pag-aaral sa aklat na Kaalaman. Sa isang kongregasyon sa Angola, ang bilang ng mga idinaraos na pag-aaral sa Bibliya ng mga mamamahayag ay sumulong mula 190 tungo sa 260 at ang dumadalo sa pulong ay nadoble ang bilang mula sa 180 tungo sa 360 sa loob lamang ng apat na buwan matapos umpisahang gamitin ang aklat na Kaalaman sa lugar na iyon. Di-natagalan pagkatapos nito, kinailangang mag-organisa ng panibagong kongregasyon.
14 Pagkatapos pasimulan ang kaniyang unang pag-aaral sa aklat na Kaalaman, isang kapatid ang nagsabi na ang pagdaraos nito ay “simple kung ang konduktor ay basta maghaharap ng mga katanungan, babasahin ang ilang angkop na kasulatan, at titiyaking naiintindihan iyon ng estudyante.” Bagaman laging nasa isip niya na napakakuwalipikadong mga mamamahayag lamang ang maaaring magdaos ng progresibong mga pag-aaral sa Bibliya at na hindi niya ito magagawa kailanman, napagtanto niyang kaya niyang gawin iyon, na nagsasabing: “Kung kaya ko, kaya ng lahat.”
15 Sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya bilang bahagi ng ating ministeryo ay naisasakatuparan natin ang tunguhin ng paggawa ng mga alagad. Yaong mga nagkaroon ng kakayahang makabahagi sa aspektong ito ng ministeryo ay nakasusumpong na ito’y tunay na kasiya-siya at saganang pinagpapala. Masabi nawa hinggil sa atin na atin ding “ipinangangaral ang kaharian ng Diyos . . . at itinuturo ang mga bagay may kinalaman sa Panginoong Jesu-Kristo na may buong kalayaan sa pagsasalita.”—Gawa 28:31.