Pagtatanim at Pagdidilig—Mga Hakbangin sa Paggawa ng mga Alagad
1 “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpalago.” (1 Cor. 3:6) Sa ganitong paraan ipinabatid ni apostol Pablo ang tatlong pangunahing hakbang sa paggawa ng mga alagad ni Kristo. Ang unang dalawang hakbangin na pagtatanim at pagdidilig ay nagsasangkot sa pribilehiyo at pananagutang taglay ng nag-alay, bautisadong mga lingkod ng Diyos.
2 Ito’y humihiling ng hayagang pangangaral at pagbabahay-bahay, impormal na pagpapatotoo, at iba pang paraan. Nagsasangkot din ito ng patuloy na pagtuturo sa mga tao upang maisagawa ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos ni Jesus. (Mat. 28:19, 20) Ang hakbanging ito ay maaari lamang maisagawa sa pamamagitan ng mga pagdalaw-muli sa mga nagpakita ng interes, pag-akay sa kanila sa mga pag-uusap sa Bibliya, at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Pinatutunayan ba ninyo ang inyong sarili bilang tapat na kamanggagawa, na nakikipagtulungan kay Jehova sa pagtatanim ng mga binhi ng katotohanan, at pagkatapos ay gumagawa ng kinakailangang pagdidilig at paglilinang?—1 Cor. 3:9.
KILALANIN ANG POTENSIYAL AT ANG PANGANGAILANGAN
3 Sa Pilipinas noong 1990 taon ng pagliingkod, tayo’y nakapamahagi ng halos 900,000 mga aklat at bukleta at halos 4.7 milyong mga magasin! Nagkaroon din tayo ng mahigit sa 317,000 dumalo sa Memoryal, na nahigitan ang 100,571 aberids ng mga mamamahayag para sa taóng iyon. Ang pamamahagi ng mga literatura ay mahalagang bahagi ng ating gawaing pagtatanim. Ang mga naitatanim na binhi ng katotohanan ay nagbibigay ng malaking potensiyal para sa pagkakaroon ng mga bagong alagad, subalit tayo ba, bilang mga kamanggagawa ng Diyos, ay napakikilos na dalawin ang mga taong ito at linangin ang kanilang interes sa mga paksa ng Bibliya? Ang mga mamamahayag ng kongregasyon sa Pilipinas ay mayroon na ngayong aberids na 0.3 mga pag-aaral sa Bibliya. Naniniwala tayong ang aberids na ito ay susulong pa kung ang bawat mamamahayag ay magsusuri nang higit pa sa kaniyang personal na pananagutan hindi lamang sa pagtatanim ng binhi ng katotohanan kundi sa patuloy na pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Bagaman ang ilan, dahilan sa iba’t ibang limitasyon, ay hindi makapagdaos ng isa o higit pang mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, makabubuting repasuhin ng bawat isa ang kaniyang personal na mga kalagayan.
4 Kapanapanabik makita kung ano ang nagaganap sa ilang dako. Ang mga kongregasyon ay nagkakaroon ng mabungang mga teritoryo at nag-uulat ng aberids na isa o dalawang mga pag-aaral sa Bibliya bawat mamamahayag. Ang paglago ng mga bagong alagad ay kasuwato ng bilang ng mga pag-aaral na idinaraos sa Bibliya. Makikita ito sa pamamagitan ng paghahambing sa aberids ng mga mamamahayag sa bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya sa iba’t ibang mga bansa gaya ng iniulat sa 1991 Yearbook.
5 Ang dapat na maging motibo natin sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya ay ang ating pag-ibig sa mga taong tumutugon sa pabalita ng Kaharian na ating ipinangangaral. Kailangan nating taimtim na ibahagi sa mga tao ang maibiging pagkabahala ni Jehova at kilalaning ang kanilang kaligtasan ay kaugnay ng espirituwal na pagsulong. (1 Ped. 2:2) Gaya ng literal na halaman na nangangailangan ng tubig upang lumaki, ang mga tao na nagpapakita ng panimulang interes sa pabalita ng Kaharian ay hindi kaagad dadalo sa mga pulong hangga’t hindi sila palaging inaakay sa organisasyon ng Diyos sa pamamagitan ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
6 Ang pagsunod natin ay nasasangkot din. Sinabi ni Jesus na yaong nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa kaniyang tinig. (Juan 18:37) Pinag-utusan niya ang kaniyang mga alagad na mangaral at magturo, at sinangkapan sila upang isakatuparan ang gawaing iyon. Sa pamamagitan ng kaniyang namumukod-tanging halimbawa bilang isang guro at sa pamamagitan ng kaniyang malalim na pagkabahala sa mga tao, si Jesus ay naglagay ng huwaran para sundin natin sa pagtulong sa iba. (Luc. 6:40; Juan 13:13; 14:12) Ang ating mga pagsisikap ay makatutulong ukol sa ikaliligtas natin at ng ating mga tinuturuan.—1 Tim. 4:16.
MGA TULONG SA PAGPAPASIMULA NG MGA PAG-AARAL SA BIBLIYA
7 Upang pakasakdalin ang kaniyang gawain, ang isang bihasang manggagawa ay pumipili ng mga kasangkapan na maaari niyang gamitin. Bilang mga guro, mayroon tayong kalipunan ng mga publikasyon, lakip na ang mga brochure at mga tract, na dinisenyo bilang mga kasangkapan upang tulungan tayong abutin ang puso ng mga tao na mayroong iba’t ibang pinagmulan at mga punto-de-bista.
8 Naranasan ng ilang mga mamamahayag ang mabubuting resulta sa paggamit ng mga tract at mga brochure upang pasimulan ang pag-uusap sa Bibliya. Halimbawa, ang tract na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan ay bumabanggit o sumisipi ng mahigit pa sa 20 iba’t ibang teksto upang balangkasin ang kamangha-manghang pag-asang ito. Ang mga kasulatang ito ay maaaring gamitin upang makagawa ng ilang nakapagpapasiglang mga pag-uusap sa Bibliya. Ang ating mga brochure, sa pamamagitan ng nakatatawag-pansin at simpleng paraan, ay makapagtuturo sa mga tao ng mga saligang katotohanan sa Bibliya at makapagpapasigla sa kanilang magsuri pa nang higit.
9 May kakilala ba kayo na limitado lamang ang edukasyon o mahina ang mata? Sinubukan na ba ninyong gamitin ang brochure na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! upang maisagawa ang isang progresibong pakikipag-usap sa kaniya sa Bibliya? Ang brochure na “Narito!” ay isa pang mainam na kasangkapan na sa kaniyang panimulang mga parapo ay nagsasangkot sa maybahay sa mahusay na paraan upang alamin ang mga pangako ng Diyos sa hinaharap. At tunay na ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, na inilabas noong 1982, ay naging mabisa sa pagtulong sa kalakhang porsiyento ng mahigit pa sa 1,700,000 mga nabautismuhan mula noon.
PAGKADAMA NG PANANAGUTAN PARA SA MGA TAONG INTERESADO
10 Makatutulong kung inyong titingnan ang inyong sariling Congregation’s Publisher Record card at pansinin ang bilang ng mga aklat, bukleta (lakip na ang mga brochure), at mga magasin na inyong nailagay sa nakaraang 12 buwan. Ang mga iyon ba’y nagtapos na lamang doon? O nakagawa na kayo ng karagdagang pang hakbang bukod sa pagtatanim? Sa mga indibiduwal na nagpakita ng sapat na interes anupat kumuha ng ating mga literatura, gaano karami ang kaagad ninyong nabalikan? Kayo ba’y nagbalik upang makita kung ang binhing inyong itinanim ay tumubo? Patuloy ba kayong gumawa ng kinakailangang pagdidilig at nananalangin kay Jehova upang iyon ay lumago?—Ihambing ang Gawa 16:14 at 2 Tesalonica 3:1.
11 Marahil ay hindi kayo gumagawa ng pagdalaw-muli o nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya dahilan sa nadarama ninyong wala kayong kakayahan. Malamang na ito’y dahilan sa inyong saloobin at di sa kakulangan ng kakayahan. Hindi sinugo ni Jehova ang kaniyang bayan na hindi muna niya sinasangkapan at ginagawang kuwalipikado. Sa pamamagitan ng kaniyang banal na Salita at organisasyon, kaniyang inihahanda sila para sa “bawat mabubuting gawa.” (2 Tim. 3:16, 17; 2 Cor. 3:5, 6) Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, inilimbag na mga pahina, at bibigang mga tagubilin at mga pagtatanghal mula sa plataporma, bukod pa sa buháy na mga halimbawa ng mga bihasa at debotadong mga lingkod na nakahandang tumulong sa atin, ibinibigay Niya kung ano ang kinakailangan natin. Hindi tayo nangangailangan ng matataas na pinag-aralan sa sanlibutan upang makapagdaos ng pag-aaral sa Bibliya. Kailangan lamang nating tumugon sa mataas na edukasyong espirituwal na ibinibigay sa pamamagitan ng organisasyon ni Jehova.—Ihambing ang Gawa 4:13.
12 Ang personal na pagkakapit sa mga inilaan sa Ating Ministeryo sa Kaharian, sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, Pulong Ukol sa Paglilingkod, at iba pang paraan ng pagtuturo ay kinakailangan. Tuwirang sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo: “Sapagkat nang kayo’y nararapat nang maging mga guro, dahil sa kaluwatan, ay muling kayo’y nangangailangan na kayo’y turuan ninoman ng mga unang simulain ng aral ng Diyos.” (Heb. 5:12) Ang isang taong gumagawa ng isang klase ng trabaho ay inaasahang magiging bihasa sa paggamit ng kaniyang mga kasangkapan. Ang pagsulong sa pagkatuto kung papaano gagawin ang pakikipag-usap sa Bibliya ay makikita kapag tayo’y nagpapakita ng taimtim na interes at gumagawa ng pagsisikap.—Kaw. 12:24; 22:29.
13 Ang pagdalaw-muli at higit na pakikipag-usap sa mga nagpakita ng interes sa pabalita ng Kaharian ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Subalit dapat nating kilalanin na tayo’y napasa katotohanan dahilan sa kapahayagan ng pag-ibig at di na sana nararapat na kagandahang loob ni Jehova. Ito’y nahayag sa pamamagitan ng isa na gumugol ng maraming oras sa matiyagang pagtuturo sa atin ng katotohanan. Sa gayunding paraan, ang pag-ibig ay mag-uudyok sa atin na gamitin ang kinakailangang panahon at ilaan iyon sa mas mahalagang gawaing ito ng paggawa ng mga alagad.—2 Cor. 5:14, 15; Efe. 5:15, 16.
14 Maraming kongregasyon ang sumunod sa mungkahi ng Samahan na gumawa ng kaayusan para sa pagpapatotoo sa gabi. Ang mga oras pagkagat ng dilim ay kadalasang isang mabuting oras para gumawa ng mga pagdalaw-muli sa mga nagpakita ng interes. Ang house-to-house record na naglalaman ng mahahalagang impormasyon hinggil sa napangaralang indibiduwal, ay mahalaga para sa paggawa ng mabisang mga pagdalaw-muli at pagpapasimula ng pag-uusap sa Bibliya. Huwag iipitin ang gayong rekord sa aklat o sa Bibliya at pagkatapos ay malimutan iyon. At ang pagkalimot na gawin ang pagdalaw muli kundi pagkaraan lamang ng ilang linggo hanggang sa kayo’y naroroong muli sa lugar na iyon ay nagbibilad sa tao upang maging buḱas sa mga ahente ni Satanas, na nasisiyahang agawin ang naitanim sa puso ng tao. (Luc. 8:12) Hahadlangan ba ninyo ang mga pakana ni Satanas sa pamamagitan ng pagdalaw muli kaagad? Kung nadarama ninyo ang inyong pananagutan at pagpapahalaga sa inyong pribilehiyo, kaagad kayong magbabalik, hangga’t maaari.—1 Cor. 9:16, 23.
KUNG PAPAANO MAGPAPASIMULA NG ISANG PAG-AARAL SA BIBLIYA
15 Ang pagpapasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya ay hindi naman isang mahirap at masalimuot na bagay. Ang ilang tao ay maaari kaagad na tumanggap ng tuwirang alok na pag-aaral sa Bibliya. Gayumpaman, maraming mamamahayag ang hindi na bumabanggit ng pag-aaral kundi unti-unting inaakay ang pag-uusap sa Bibliya na patungo roon.
16 Ang pag-ibig sa mga tao at taimtim na pagnanais na makatulong sa kanila ay kailangan. Ang mabuting paghahanda ay mahalaga rin. Lakip dito ang pagrerepaso sa mga nota na ginawa ninyo hinggil sa inyong pinag-usapan sa indibiduwal at ang inyong gagawin ngayong pakikipag-usap sa Bibliya. Taglayin sa inyong isipan ang pangkalahatang patutunguhan ng inyong komento. Pipili ba kayo ng ilang karagdagang teksto sa paksang inyong pinag-usapan noong nakaraan? O bubuksan ba ninyo ang tract o aklat na taglay ng tao at isasaalang-alang ang ilang panimulang parapo sa kaniya? Maaaring piliin ninyo ang paksang doo’y nagkaroon siya ng interes. Sa pasimula, gumamit lamang ng 10 o 15 minuto. Maaaring unti-unting pahabain ang oras, depende sa lalim ng ipinakitang interes. Ang inyong mabuting pagpapasiya ay dapat na tumulong sa inyo upang maunawaan kung papaano kayo magpapatuloy at kung gaano katagal iyon.
17 Napakaraming nakatutulong na mungkahi ang naibigay sa nakaraang mga taon upang makatulong sa inyo sa pagkakaroon ng pasulong na hakbangin sa paggawa ng mga alagad. Bilang bahagi ng serye, ang isyu ng Nobyembre at Disyembre, 1990 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay nagtaglay ng nakatutulong na mga artikulong pinamagatang “Abutin ang mga Puso sa Pamamagitan ng Mabisang mga Pag-aaral sa Bibliya” at “Pag-akay sa mga Estudiyante sa Bibliya Tungo sa Organisasyon ni Jehova.” Ang Ating Ministeryo sa Kaharian noong Abril 1987 ay naglalaman ng artikulong “Paghahanda at Pagdaraos ng mga Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya.” Ang mabilis na pagtingin sa Index sa ilalim ng “Bible Studies” ay aakay sa inyo sa karagdagan pang kapakipakinabang na impormasyon.
18 Bilang halimbawa kung papaano magdaraos ng isang pag-aaral, pansinin kung ano ang ginagawa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Sabihin pa, sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, hindi kayo patiunang mag-aatas ng dami ng materyal na sasaklawin. Dapat ninyong ibagay ang pagkubre sa materyal ayon sa kakayahan at pangangailangan ng estudiyante. Bukod dito, ang tagapangasiwa sa pagliingkod at iba pang may kakayahang mga mamamahayag at payunir ay magagalak na sumama sa inyo at magbigay ng mga praktikal na mungkahi hinggil sa mabisang pangangasiwa ng mga pag-aaral sa Bibliya.
19 Sa pagkaalam na si Jehova ay gumaganap ng pangunahing papel sa ating mga pagsisikap na tulungan ang mga tao, dapat tayong manalangin hindi lamang tungkol sa paghanap ng mga matuturuan kundi tungkol sa pagsulong ng mga taong interesado na ating nasusumpungan. Ang ating saloobin at damdamin ay dapat na kagaya niyaong kay apostol Pablo nang nagpapatotoo kay Haring Agripa: “Loobin nawa ng Diyos, na sa kakaunti o sa marami man, ay hindi lamang ikaw, kundi pati ng lahat ng mga nagsisipakinig sa akin ngayon, ay pawang maging katulad ko naman.” (Gawa 26:29) Nais ni Pablo na ang kaniyang mga tagapakinig ay maging tunay na mga tagasunod ni Kristo, kahit na mangailangan ito ng maikli o mahabang panahon ng personal na pagtulong.
20 Ang pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya ay nagpapangyari upang tayo’y “makapagbigay ng lubos na patotoo sa mabuting balita ng di na sana nararapat na kagandahang-loob ng Diyos.” (Gawa 20:24) Di mabilang na karamihan ang maaari pang akayin mula sa kadiliman tungo sa liwanag at mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Diyos. (Gawa 26:18) Ikaw, ang indibiduwal na naalay, bautisadong lingkod ni Jehova, ay dapat na gumanap ng iyong bahagi sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga binhi ng katotohanan at gumawa ng kinakailangang pagdidilig sa pamamagitan ng pag-uusap sa Bibliya at mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Kung gayo’y makakasumpong kayo ng malaking kagalakan na makitang ang mga tao ay nagiging mga alagad at nakikisama sa inyo sa pagtulong sa iba pa na maging mga alagad ni Jesu-Kristo.