Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro Para sa 1998
Ang pagiging nakapag-aral ay nangangahulugang “naturuan o nasanay sa isang espesipikong kaalaman o kadalubhasaan.” Sa pamamagitan ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, tayo’y palaging nasasanay sa kaalaman ng Diyos. Gayundin, ang ating pakikibahagi sa paaralang ito ay nagpapangyaring mapasulong natin ang ating mga kakayahan sa pagsasalita at pagtuturo. Ang programa ng paaralan para sa 1998 ay magbibigay sa atin ng maraming pagkakataon upang gumawa ng karagdagang pagsulong sa espirituwal.
Habang inyong sinusuri ang iskedyul ng paaralan sa susunod na taon, mapapansin ninyong may panahong ang Atas Blg. 3 ay salig sa isang tauhan sa Bibliya na masusumpungan sa mga tomo ng Insight. Bukod dito, ang aklat na Kaligayahan sa Pamilya ay idinagdag sa kurikulum sa 1998, at ang mga Atas Blg. 3 at Blg. 4 ay sasaklaw rito nang progresibo. Kailanma’t ang aklat na Kaligayahan sa Pamilya ang saligan ng Atas Blg. 4, dapat na gampanan ito ng kapatid na lalaki bilang isang pahayag sa kongregasyon. At, bilang isang paalaala, walang sinumang nasa programa ng paaralan ang dapat sumobra sa oras.
Isang Bagong Bahagi: Para sa ating personal na kapakinabangan, isang “Dagdag na Iskedyul sa Pagbasa sa Bibliya” ang inilagay sa mga panaklong pagkatapos ng bilang ng awit para sa bawat linggo. Bagaman walang bahagi sa lingguhang programa ng paaralan ang salig dito, gawin ninyong tunguhing subaybayan ito. Pangyayarihin nito na maging kaugalian ninyo na basahin sa araw-araw ang Bibliya kung hindi pa ninyo ginagawa ito.
Para sa higit pang impormasyon hinggil sa mga atas, payo, at nasusulat na mga repaso, pakisuyong maingat na basahin ang mga tagubiling masusumpungan sa “Iskedyul ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro Para sa 1998,” at gayundin ang pahina 3 ng Oktubre 1996 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.
Kung hindi pa kayo nakatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, inaanyayahan namin kayong magpatala na ngayon. Ang kakaibang paaralang ito ay patuloy na gumaganap ng mahalagang papel sa pagsasanay sa mapagpakumbaba at debotong mga lingkod ni Jehova upang maging higit na kuwalipikado bilang kaniyang mga ministro.—1 Tim. 4:13-16.