Pagpapatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro
1 Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nakapagsanay na sa milyun-milyong mga Saksi ni Jehova bilang mga ministro. Marami sa atin ang nakatatanda kung gaano kalaki ng ating kaba nang tayo’y unang magpatala sa paaralang ito, at ngayo’y tumatanaw tayo ng utang-na-loob sa papel nito sa ating espirituwal na pagsulong bilang mga guro ng Salita ng Diyos. (Ihambing ang Gawa 4:13.) Nakapagpatala na ba kayo sa pambihirang paaralang ito?
2 Sino ang maaaring magpatala? Ang pahina 73 ng Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo ay sumasagot: “Lahat ng aktibong nakikibahagi sa kongregasyon ay maaaring magpatala, pati na yaong mga bago pa lamang dumadalo sa mga pulong, kung hindi sila namumuhay sa paraang lihis sa mga simulaing Kristiyano.” Inaanyayahan namin ang lahat na kuwalipikado na lumapit sa tagapangasiwa sa paaralan at hilinging kayo’y maitala.
3 Programa ng Paaralan sa 1997: Ang programa ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro para sa 1997 ay sumasaklaw sa iba’t ibang turo at mga tauhan ng Bibliya, at gayundin sa kasaysayan ng organisasyon. Bukod pa sa pagpapasulong ng ating kakayahan sa pagsasalita at pagtuturo, tayo ay natututo mula sa maraming espirituwal na hiyas na masusumpungan sa kurikulum nito bawat linggo. (Kaw. 9:9) Kung tayo’y naghahanda para sa paaralan, lakip na ang paggawa ng lingguhang pagbabasa ng Bibliya, at regular na pagdalo, matatamo natin ang malaking espirituwal na kapakinabangan mula sa programa.
4 Sa 1997 ang karamihan sa pagbabasa ng Bibliya sa Atas Blg. 2 ay mas maikli kaysa nakaraang mga taon. Kapag naghahanda para dito, dapat na orasang mabuti ng estudyante ang kaniyang pagbabasa at pagkatapos ay tiyakin kung gaano sa inilaang limang minuto ang maaaring gamitin sa pambungad at konklusyon. Ito’y magpapangyari sa estudyante na lubusang gamitin ang kaniyang panahon at pasulungin kapuwa ang kaniyang kakayahan sa pagbabasa at ang sining ng pagsasalita nang ekstemporanyo.—1 Tim. 4:13.
5 Ang impormal na pagpapatotoo ay idinagdag bilang posibleng tagpo sa mga presentasyon sa Atas Blg. 3, salig sa aklat na Kaalaman. Kaya, maaaring piliin ng isang kapatid na babae ang alinman sa isang pagdalaw-muli, isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, o impormal na pagpapatotoo bilang tagpo sa atas na ito.
6 Ang inyo mang pribilehiyo ay ang pagbibigay ng pahayag na nagtuturo, mga tampok na bahagi sa Bibliya, o isang atas ng estudyante, maipakikita ninyo ang inyong pagpapahalaga sa pamamagitan ng paghahanda at pag-eensayong mabuti ng inyong bahagi, paghaharap nito taglay ang pananalig at sigla, hindi paglampas sa oras, pakikinig at pagkakapit ng payo ng tagapangasiwa sa paaralan, at matapat na pagganap sa inyong atas sa tuwi-tuwina. Sa ganito ang inyong pagpapatala sa paaralan ay magsisilbing isang pagpapala para sa inyo at sa lahat ng makikinig sa inyo.