Maaabot Ba Natin ang Ating Tunguhin sa Buwang Ito?
1 Noong Pebrero at Abril, 1994, ang sangay sa Pilipinas ay nag-ulat ng mahigit sa 100,000 pag-aaral sa Bibliya. Noong Hulyo 1998 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, iminungkahi na gawin nating tunguhin na abuting muli ang bilang na ito sa Agosto. Ano ang maaari nating gawin bilang indibiduwal upang maabot ang tunguhing ito?
2 Tanggapin ang Hamon: Sa maraming kongregasyon, mahigit sa kalahati ng mga mamamahayag ang hindi nagdaraos ng isang regular na pag-aaral sa Bibliya. Kung kayo ay kabilang dito, pinasisigla namin kayo na gawing isang pantanging tunguhin sa buwang ito na magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. Kung mapasimulan ninyo ang isang pag-aaral sa unang linggo ng Agosto, at kung ito’y magpatuloy ng dalawa pang ulit pagkatapos nito, ito ay maaari nang iulat sa katapusan ng Agosto bilang isang bagong pag-aaral sa Bibliya.—Tingnan ang “Tanong” sa pahina 7.
3 Kailanma’t kayo’y nakikibahagi sa ministeryo, maging ito man ay sa gawain sa lansangan, di-pormal na pagpapatotoo, o regular na pagbabahay-bahay, ialok ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ito’y magagawa ninyo sa inyo mismong pambungad. Ito’y makatutulong din sa mga tao na maunawaang hindi tayo “mga tagapaglako ng salita ng Diyos,” o kaya’y interesado lamang sa pagpapasakamay ng mga magasin, kundi naghahanap ng mga handang matuto ng mga kahilingan ng Diyos. (2 Cor. 2:17) Ang brosyur na Hinihiling ay isang napakainam na paraan para ialok ang 16-na-linggong kurso sa Bibliya.—Tingnan ang Ating Ministeryo sa Kaharian, Hulyo 1998, pahina 8.
4 Kadalasan ang mga pag-aaral ay maaaring simulan sa mga kakilala ninyo, tulad ng mga miyembro ng pamilya, kamag-anak, kamanggagawa, kamag-aral, mga tao sa tindahan o palengke na regular na nakakasalamuha ninyo. Bakit hindi gumawa ng isang talaan ng mga ito at tingnan kung sino sa kanila ang tatanggap ng isang pag-aaral sa Bibliya?
5 Mga Pampamilyang Pag-aaral sa Bibliya: Iniulat na maraming ulo ng pamilya ang hindi nagdaraos ng regular na pampamilyang pag-aaral, o kung nagdaraos man, kadalasan ay nakakaligtaan nilang iulat ito kahit na may kabilang na hindi pa bautisadong miyembro ng pamilya. Kung nakakaligtaan mo bilang isang ulo ng pamilya ang aspektong ito ng gawain sa pag-aaral ng Bibliya, ito na ang mainam na panahon upang ituwid ito sa pamamagitan ng pagpapasimula at pag-uulat ng inyong pampamilyang pag-aaral.
6 Karagdagan pa, pinasisigla namin yaong mga nagdaraos na ng mga pag-aaral, tulad ng mga payunir, na pagsikapang magpasimula ng isang bagong pag-aaral sa Agosto. Kung gagawin ito ng bawat payunir, madali nating maaabot ang mahigit sa 100,000 pag-aaral sa buwang ito. Kaya pagsikapan nating lahat na abutin ang ating tunguhin sa buwang ito at pagkatapos ay magpatuloy sa pagtulong sa mga tinuturuan natin na sumulong tungo sa pag-aalay.