Magpatibayan sa Isa’t Isa sa Pamamagitan ng Pagkokomento sa mga Pulong
1 Tayo ay pinayuhan sa Hebreo 10:24 na “mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” Kalakip dito ang pagpapatibayan sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabuluhang mga komento sa mga pulong ng kongregasyon. Bakit dapat tayong magkomento? Paano natin magagawa ito? Sino ang makikinabang?
2 Isipin kung paano kayo nakinabang nang maraming ulit mula sa inyong narinig na simple at maliwanag na mga kapahayagan ng iba na nagpalaki sa inyong kaunawaan at nagpalakas sa inyo sa espirituwal. Kayo’y may pribilehiyong gawin din ang gayon sa kanila. Kapag kayo’y nakikibahagi, ipinamamalas ninyo ang inyong pagnanais na ‘maibahagi ang ilang espirituwal na kaloob’ upang mapatibay ang lahat ng dumadalo.—Roma 1:11, 12.
3 Kung Paano Gagawa ng Mahuhusay na Komento: Huwag magbibigay ng mahahabang komento, na sinasaklaw ang lahat ng punto sa parapo. Kadalasan ay hindi matukoy ng mahahabang komento ang espesipikong sagot at maaaring ito’y makasira ng loob ng iba sa pakikibahagi. Ang unang komento sa parapo ay dapat na maikli, tuwirang sagot sa nakaimprentang tanong. Pagkatapos, yaong magbibigay ng karagdagang mga komento ay maaaring gumawa ng praktikal na aplikasyon ng materyal o magpakita kung paano kumakapit ang mga kasulatan. Tingnan ang Giya sa Paaralan, pahina 90-2.
4 Kung ang pag-iisip hinggil sa pagkokomento ay nagdudulot sa inyo ng ilang kabalisahan, patiunang maghanda ng isang maikling komento, at hilingin sa konduktor na tawagin kayo sa parapong iyon. Pagkatapos ninyong magawa ito sa ilang pulong, ang pakikibahagi ay magiging lalong madali. Alalahanin na sina Moises at Jeremias ay nagpahayag ng kawalan ng pagtitiwala sa kanilang kakayahang magsalita sa madla. (Ex. 4:10; Jer. 1:6, tlb.) Subalit tinulungan sila ni Jehova na magsalita para sa kaniya, at kayo’y tutulungan din niya.
5 Sino ang Makikinabang sa Inyong mga Komento? Kayo mismo ay makikinabang sapagkat higit na ikinikintal ng inyong mga komento ang katotohanan sa inyong isipan at puso, anupat padadaliin nito na maalaala ninyo ang impormasyon sa hinaharap. Gayundin, nakikinabang ang iba na marinig ang inyong nakapagpapatibay na mga kapahayagan. Tayo ay napatitibay kapag ang lahat, makaranasan man, kabataan, mahiyain, o baguhan, ay nagsisikap upang ipahayag ang kanilang pananampalataya sa mga pulong ng kongregasyon.
6 Tiyak na masusumpungan natin na ang ‘mga salita sa tamang panahon ay anong pagkabuti’ kapag ginamit ang mga ito upang patibayin ang isa’t isa sa mga pulong!—Kaw. 15:23.