Minamahal Tayo ng Ating Dakilang Maylalang!
1 Sa kaniyang pagsisikap na makipagkatuwiranan sa suwail na Israel, si Jehova ay nagtanong: “Hindi ba ninyo nalaman o hindi ba ninyo narinig? Si Jehova, ang Maylalang ng mga dulo ng lupa, ay Diyos hanggang sa panahong walang takda.” (Isa. 40:28) Kilala natin ang ating Dakilang Maylalang, at nakikita natin ang kaniyang maibiging pagtingin sa atin. Gayunman, milyun-milyong tao ang nag-aalinlangan sa kaniyang pag-iral o may ideya hinggil sa kaniya na hindi kaayon ng masusumpungan sa Bibliya. Paano natin sila matutulungan?
2 Ang bagong aklat na Is There a Creator Who Cares About You? ay dinisenyo upang tulungan ang gayong mga tao. Inaanyayahan nito ang mga palaisip na tao na mangatuwiran batay sa mga katibayan. Ang kawili-wiling materyal at nakahihikayat na mga argumento sa aklat na ito ay dapat na bumighani sa mga babasa nito.
3 Maging Pamilyar sa Aklat na Creator: Taglayin sa isipan ang pinakabalangkas ng mga nilalaman nito. Tinatalakay ng kabanata 2 hanggang 5 kung paano umiral ang sansinukob, ang buhay, at ang tao at kung ano ang nagpangyari sa lahat ng ito. Ang kabanata 6 hanggang 9 ay sumasaliksik sa Bibliya at sa Awtor nito at, lalo na, kung ang ulat ng Genesis ay mapagkakatiwalaan. Ang kabanata 10 ay nagbibigay ng kasiya-siyang sagot sa isa sa mga nakalilitong katanungan na itinatanong ng tao: “Kung nagmamahal ang Diyos, bakit napakaraming pagdurusa?”
4 Sikaping Mangatuwiran sa mga Nag-aalinlangan: Ang pahina 78-9 ng aklat na Creator ay naghaharap ng isang hanay ng pangangatuwiran na magagamit ninyo upang tulungan ang iba na magkaroon ng tamang konklusyon tungkol sa Diyos. Tanungin sila: “Nagkaroon ba ng pasimula ang sansinukob?” Ang karamihan ay sasang-ayon na may pasimula ito. Kung gayon, itanong: “Ang pasimula bang iyon ay hindi pinangyari o iyon ay pinangyari?” Kinikilala ng karamihan na iyon ay pinangyari. Ito’y aakay sa pangwakas na katanungan: “Ang pasimula ba ng sansinukob ay pinangyari ng isang bagay na walang hanggan o ng Isa na walang hanggan?” Ang ganitong pamamaraan ay makaaakay sa marami na makita na talagang may isang Maylalang.
5 Ang aklat na Creator ang talagang kailangan ng maraming tao. Ibahagi ito sa inyong mga kamag-anak, kamanggagawa, kamag-aral, at iba pang mga kakilala. Dalhin ninyo ito sa ministeryo upang maipasakamay ninyo ito sa mga masusumpungan ninyong nag-aalinlangan sa pag-iral ng Diyos. Habang tayo ay higit na nagiging pamilyar sa aklat na ito, lalong titibay ang ating pag-ibig sa ating Maylalang, na magpapakilos sa atin na magpatuloy na lumakad alinsunod sa kaniyang mataas na mga pamantayan.—Efe. 5:1; Apoc. 4:11.