Bagong Programa ng Pansirkitong Asamblea
Batid nating ang Diyos na Jehova ay karapat-dapat sa ating pag-ibig at sa ating bukod-tanging debosyon. Gayunman, sinisikap ng sanlibutan na akitin tayo palayo sa pagpapanatili ng ating malapit na kaugnayan sa kaniya. (Juan 17:14) Upang mapatibay ang ating pag-ibig kay Jehova at upang mapalakas tayong paglabanan ang mga bagay ng sanlibutan na nagsasapanganib sa ating espirituwalidad, ang bagong programa ng pansirkitong asamblea para sa 2001 ay magkakaroon ng temang “Ibigin ang Diyos—Hindi ang mga Bagay ng Sanlibutan.”—1 Juan 2:15-17.
Ang marubdob na pag-ibig kay Jehova ay nag-uudyok sa atin na magpatotoo tungkol sa kaniya. Gayunman, ang paglilingkod sa larangan ay hindi madali para sa marami sa bayan ng Diyos. Sa bahaging “Ang Pag-ibig sa Diyos ang Gumaganyak sa Atin sa Ating Ministeryo,” matuto kung paano napagtagumpayan ng marami ang pagiging mahiyain at iba pang mga balakid upang makabahagi nang lubusan sa gawaing ito.
Paano tayo naaapektuhan ng bumababang mga pamantayan ng sanlibutan? Ang mga kilos na itinuturing noon bilang balakyot ay tinatagurian ngayon bilang normal na paggawi. Ang pahayag na “Kinapopootan ng mga Umiibig kay Jehova ang Masama” at ang simposyum na “Mga Bagay sa Sanlibutan—Paano Natin Minamalas ang mga Ito?” ay magpapatibay sa ating determinasyon na tanggihan ang mga maling pagnanasa.
Isang modelong Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at Pulong sa Paglilingkod ang ilalakip sa programa, gayundin ang isang sumaryo ng artikulong pag-aaralan sa Bantayan para sa linggong iyon. Ang pahayag pangmadla, na “Kung Paano Dinaraig ng Pag-ibig at Pananampalataya ang Sanlibutan,” ay magpapasigla sa atin na tularan si Jesus sa pakikipaglaban sa makasanlibutang mga panggigipit. (Juan 16:33) Tiyaking maanyayahang dumalo ang inyong mga inaaralan sa Bibliya. Ang sinumang nagnanais magpabautismo ay dapat magsabi karaka-raka sa punong tagapangasiwa hangga’t maaari upang maisagawa ang kinakailangang mga kaayusan.
Itutuon ng pansirkitong asambleang ito ang ating pansin kung saan talaga dapat isentro ang ating pag-ibig upang matamasa natin ang mayamang mga pagpapala ni Jehova. Huwag palampasin ang alinman sa mga ito!