Bagong Programa ng Pantanging Araw ng Asamblea
“Maging Hustong-Gulang sa mga Kakayahan sa Pang-unawa” ang tema ng programa ng pantanging araw ng Asamblea pasimula sa Pebrero 2001. (1 Cor. 14:20) Bakit magiging mahalaga para sa atin na dumalo? Tayo ay nabubuhay sa isang daigdig na batbat ng kasamaan. Upang mapaglabanan ito, kailangan nating paunlarin ang ating mga kakayahan sa espirituwal na pang-unawa nang sa gayon ay madaig natin ng mabuti ang masama. Iyan ang maitutulong sa atin na gawin ng pantanging araw ng asamblea.
Sa pambukas na sesyon, tatalakayin ng tagapangasiwa ng sirkito ang “Mga Pantulong Upang Maging Hustong-Gulang sa Pang-unawa sa Bibliya.” Ipakikita niya sa atin kung paano magiging matatag sa Kristiyanong pananampalataya. Itatampok naman ng inanyayahang tagapagsalita kung paanong ang aktuwal na paggamit, o pagkakapit, ng mga simulain sa Bibliya ay mahalaga sa pagpapaunlad ng matalas na pag-iisip, habang tinatalakay niya ang temang “Ingatan ang Espirituwalidad sa Pamamagitan ng Pagsasanay sa Iyong Kakayahan sa Pang-unawa.”
Ang mga kabataan din naman ay dapat magpaunlad sa mga kakayahan sa pang-unawa. Ito ay tatalakayin sa mga bahaging “Kung Bakit Dapat Maging mga Sanggol Kung Tungkol sa Kasamaan” at “Mga Kabataan na Nagtatamo ng Pang-unawa Ngayon.” Pakinggan ang sasabihin ng mga kabataan kung ano ang ginagawa nila upang patibayin ang kanilang sarili sa espirituwal na paraan nang sa gayon ay mapigilan nila ang kanilang sarili sa anumang pag-uusisa tungkol sa balakyot na mga gawain ng sanlibutan at upang makaiwas sa gulo.
Paano natin masusumpungan ang pinakadakilang kaligayahan sa buhay? Ipaliliwanag ito ng inanyayahang tagapagsalita sa pangwakas na pahayag na “Makinabang Mula sa Pagkakapit ng mga Simulain ng Bibliya Taglay ang Pang-unawa.” Magbibigay siya ng mga halimbawa upang ipakita na ang pagkakapit sa Salita ng Diyos ay tutulong sa atin na harapin ang mga problema, gumawa ng mga desisyon, at tunay na makinabang mula sa itinuturo sa atin ni Jehova.
Yaong mga nagnanais na sagisagan ang kanilang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig sa asamblea ay dapat karaka-rakang magsabi sa punong tagapangasiwa hangga’t maaari. Itala sa inyong kalendaryo ang petsa ng pantanging araw ng asamblea sa sandaling ipatalastas ito, at gumawa ng tiyak na mga plano upang makinabang mula sa saganang programang ito. Huwag palampasin ang anumang bahagi ng pantanging araw ng asamblea! Patatatagin ka nito upang mabata ang masamang sistemang ito at manatiling tapat kay Jehova.