Ikaw ay Isang “Pandulaang Panoorin”!
1 Isinulat ni apostol Pablo: “Kami ay naging pandulaang panoorin sa sanlibutan, at sa mga anghel, at sa mga tao.” (1 Cor. 4:9) Ano ang ibig sabihin nito, at paano tayo dapat maapektuhan nito sa ating ministeryo sa ngayon?
2 Para sa isang taga-Corinto, ang pananalitang “pandulaang panoorin” ay malamang na nagpapagunita sa pangwakas na bahagi ng isang paligsahan ng mga gladiator sa Roma, kung saan ang mga taong hinatulan ay ipinaparada sa harap ng libu-libong manonood bago sila patayin nang may kalupitan. Sa katulad na paraan, napakaraming tagapanood—kapuwa mga tao at mga anghel—ang nagmasid sa mga pagdurusa na dinanas ng mga Kristiyano noong unang siglo dahil sa kanilang pagpapatotoo hinggil sa Kaharian. (Heb. 10:32, 33) Ang kanilang nag-iingat ng katapatan na landasin ay nakaapekto sa maraming nagmamasid, kung paanong ang ating pagbabata ay nakaaapekto rin sa makabagong-panahong arena. Kanino ba tayo nagiging isang panoorin?
3 Sa Sanlibutan at sa mga Tao: Kung minsan ay naglalathala ang media tungkol sa mga gawain ng bayan ni Jehova. Bagaman pinahahalagahan natin ang mabubuting ulat na makatotohanan at makatarungan may kinalaman sa ating gawain, inaasahan din natin na sa pana-panahon ay magkakalat ng masasamang ulat ang mga pumupuna sa atin. Gayunpaman, dapat nating patuloy na irekomenda ang ating sarili bilang mga ministro ng Diyos “sa pamamagitan ng masamang ulat at mabuting ulat.” (2 Cor. 6:4, 8) Nagiging malinaw sa mga tapat-pusong nagmamasid na tayo ang tunay na mga alagad ni Jesu-Kristo.
4 Sa mga Anghel: Minamasdan din tayo ng mga espiritung nilalang. Ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo ay nanonood—ngunit taglay ang “malaking galit,” anupat tinatangkang pahintuin ang “gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apoc. 12:9, 12, 17) Ang tapat na mga anghel ng Diyos ay nanonood at nagsasaya kapag nagsisisi ang kahit isang makasalanan. (Luc. 15:10) Dapat tayong mapalakas sa pagkaalam na minamalas ng mga anghel ang ating ministeryo bilang ang pinakaapurahan at pinakakapaki-pakinabang na gawaing isinasagawa sa lupa sa ngayon!—Apoc. 14:6, 7.
5 Kapag napaharap ka sa pagsalansang o iniisip mong hindi nagiging mabunga ang iyong ministeryo, tandaan na ikaw ang sentro ng pansansinukob na atensiyon. Malaki ang ipinahahayag ng iyong tapat na pagbabata. Sa dakong huli, ang iyong “mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya” ay magpapangyari sa iyo na ‘manghawakang mahigpit sa buhay na walang hanggan.’—1 Tim. 6:12.