Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak Mula sa Pagkasanggol
1 “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.” (Kaw. 22:6) Mga magulang, kung hindi ninyo nais na ang inyong mga anak ay ‘lumihis’ mula sa daan ng katotohanan, kailan dapat magsimula ang gayong pagsasanay? Mula sa pagkasanggol!
2 Nang sabihin ni Pablo na ang espirituwal na edukasyon ni Timoteo ay “mula sa pagkasanggol,” maliwanag na ang ibig niyang sabihin ay mula sa kamusmusan. (2 Tim. 3:14, 15) Bilang resulta, si Timoteo ay naging isang napakahusay na espirituwal na tao. (Fil. 2:19-22) Mga magulang, dapat din kayong magsimula “mula sa pagkasanggol” upang mabigyan ang inyong mga anak ng pagsasanay na kailangan nila upang “lumaki sa harap ni Jehova.”—1 Sam. 2:21.
3 Maglaan ng Tubig na Kailangan Nila Upang Lumaki: Kung paanong ang mga murang sibol ng punungkahoy ay nangangailangan ng palaging suplay ng tubig upang lumaki ito tungo sa pagiging mariringal na punungkahoy, ang mga bata ng lahat ng edad ay nangangailangan ding matubigan ng katotohanan ng Bibliya upang sila’y lumaki tungo sa pagiging mga maygulang na lingkod ng Diyos. Ang pangunahing paraan upang maituro sa mga anak ang katotohanan at matulungan silang magtamo ng matalik na kaugnayan kay Jehova ay sa pamamagitan ng regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Subalit mga magulang, isaalang-alang ang haba ng atensiyon ng bawat bata. Para sa mga bata, malamang na ang maiikli subalit malimit na sesyon ng pagtuturo ay magiging higit na mabisa kaysa sa iilang sesyon ng mahabang pagtuturo.—Deut. 11:18, 19.
4 Huwag mamaliitin kailanman ang potensiyal ng inyong mga anak na matuto. Magkuwento sa kanila tungkol sa mga tauhan ng Bibliya. Hayaan silang magdrowing ng mga tagpo sa Bibliya o iakto ang mga pangyayari sa Bibliya. Gamiting mabuti ang ating mga video at mga audiocassette, lakip na ang mga drama sa Bibliya. Ibagay ang pampamilyang pag-aaral sa edad at kakayahang matuto ng inyong mga anak. Ang patiunang pagsasanay ay magiging simple at bahagya lamang; subalit habang nagkakaedad ang isang bata, ang kaniyang pagsasanay ay dapat na maging mas malawak at pasulong. Gawing masigla at may pagkasari-sari ang pagtuturo sa Bibliya. Nais ninyong ang inyong mga anak ay ‘magkaroon ng pananabik’ sa Salita, kaya gawin ninyong kawili-wili ang pag-aaral hangga’t magagawa ninyo.—1 Ped. 2:2.
5 Isangkot Sila sa mga Gawain sa Kongregasyon: Magtakda ng pasulong na mga tunguhin para sa inyong mga anak upang sila ay lubusang masangkot sa mga gawain sa kongregasyon. Ano ang maaaring maging una nilang tunguhin? Ang mga magulang ng dalawang anak na kabataan ay nagsabi: “Kapuwa sila nagpasimulang tumanggap ng pagsasanay na maupong tahimik sa Kingdom Hall.” Pagkatapos, tulungan ang mga anak na magkomento sa mga pulong sa kanilang sariling mga salita at gawin nilang tunguhin na magpatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Sa paglilingkod sa larangan, ang mabubuting tunguhin na maaaring tamuhin ay ang pag-aalok ng isang tract sa bahay-bahay, pagbabasa ng isang kasulatan, pagbibigay ng isang presentasyon sa magasin, at pakikipag-usap sa mga may-bahay sa kapaki-pakinabang na paraan.
6 Magpakita ng Isang Masiglang Halimbawa: Araw-araw bang naririnig ng inyong mga anak na kayo ay nagsasalita tungkol kay Jehova at nananalangin sa kaniya? Nakikita ba nila kayong nag-aaral ng kaniyang Salita, dumadalo sa mga pulong, nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, at nakasusumpong ng kaluguran sa paggawa ng kalooban ng Diyos? (Awit 40:8) Mahalaga na mapansin nila ang mga ito at na ginagawa ninyo ang mga bagay na ito nang magkakasama. Isang malaki nang anak na babae ang nagsabi tungkol sa kaniyang ina, na nagpalaki sa anim na anak upang maging tapat na mga Saksi: “Ang lubos naming hinangaan ay ang mismong halimbawa ni Inay—mas mabisa ito kaysa sa mga salita.” Isang magulang ng apat na bata ang nagsabi: “Hindi lamang isang karaniwang parirala ang ‘una si Jehova’ kundi ito ay paraan ng aming pamumuhay.”
7 Mga magulang, magsimula nang maaga sa pagsasanay sa inyong mga anak, na nagtuturo sa kanila ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos, nagtatakda ng pasulong na mga tunguhin, at naglalaan ng pinakamabuting halimbawa hangga’t maaari. Magiging maligaya kayo sa paggawa nito!