Malaki Ba ang Teritoryo ng Inyong Kongregasyon?
1 Mula sa mga lunsod ng Judea hanggang sa mga lalawigan ng Galilea, lubusang nagpatotoo si Jesus sa buong malawak na teritoryo ng sinaunang Israel. (Mar. 1:38, 39; Luc. 23:5) Dapat din nating makausap ang mas maraming tao hangga’t makakaya natin taglay ang mabuting balita. (Mar. 13:10) Gayunman, maaari itong maging isang hamon. Bakit?
2 Maraming kongregasyon sa Pilipinas ang may teritoryong nakakalat sa malalawak na lugar, na karamihan sa mga ito ay bulubundukin at mahirap marating. Ano ang magagawa natin upang matulungan ang mga taong naninirahan sa gayon kalalawak na teritoryo na matuto ng katotohanan tungkol kay Jehova, kay Jesus, at sa Kaharian?
3 Magplanong Mabuti: Kailangang pangasiwaan ng tagapangasiwa sa paglilingkod at ng lingkod sa teritoryo ang mga pagsisikap ng kongregasyon na maisakatuparan ang pinakamabuti. Marahil ay maaaring iiskedyul ang pantanging mga Sabado kapag ang karamihan ay makapaglalaan ng buong araw para sa gawain. Kapag gumagawa sa malalayong teritoryo, magplanong gumugol ng mas mahahabang araw sa paglilingkod sa larangan kung posible, anupat may baon na pananghalian. Maaari kayong magtipon para sa paglilingkod nang mas maaga kaysa sa karaniwan upang makapaglaan ng panahon para sa biyahe patungo sa teritoryo o ganapin ang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan malapit sa lugar na gagawin. Isaayos na gawin ang liblib na mga lugar sa mga buwan ng taon kapag ang lagay ng panahon at kondisyon ng daan ay kaayaaya.
4 Kung may alam ang matatanda na isang kalapit na kongregasyon na madalas na makubrehan ang teritoryo, baka nanaisin ng matatanda na anyayahan sila na sumama sa inyong kongregasyon sa paggawa sa malalayong teritoryo, lalo na sa mga buwan ng tag-init. Ang gayong pagtutulungan ay magiging kasiya-siya at mabunga.
5 Tiyaking magdala ng sapat na literatura. Kung ang teritoryo ay madalang na gawin, marahil ay angkop na mag-iwan ng isang tract o isang matagal nang magasin sa mga wala sa bahay. Ialok ang tract na Gusto Mo Bang Makaalam Nang Higit Pa Tungkol sa Bibliya? sa lahat ng makakausap ninyo.
6 Makipagtulungan Nang Lubusan: Ang paggawa sa isang malawak na teritoryo ay humihiling ng pakikipagtulungan ng lahat sa kongregasyon. Kung kinakailangan ang mahabang paglalakbay, yaong mga naglalakbay nang magkakasama ay maaaring mag-ambag-ambag para sa mga gastusin sa gasolina. Dapat na magpakita ng mabuting pagpapasiya kapag nakatagpo kayo ng mga may-bahay na handang makipag-usap. Maging palaisip lagi sa pangangailangang maabot ang lahat sa teritoryo, at maging makonsiderasyon sa mga naghihintay sa inyong grupo. Kung gusto ninyong ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa isang interesadong tao sa mahabang panahon, maaari kayang gumawa ng mga kaayusan upang ang iba pa sa grupo ay huwag namang maantala sa paggawa?
7 Gumawa ng tiyak na mga kaayusan na balikan ang lahat ng interesado. Itala ang direksiyon upang maipagpatuloy ninyo ang pagpapatotoo sa pamamagitan ng liham. Kung walang pangalan ang mga kalye sa lalawigan o walang numero ang mga bahay, maingat na gumuhit ng isang mapa o sumulat ng isang paglalarawan kung paano masusumpungan ang interesadong tao sa pagdalaw-muli.
8 Kaylaki nga ng ating pribilehiyo na isakatuparan ang mga tagubilin ni Jesus: “Sa anumang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat”! (Mat. 10:11) Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang inyong mga pagsisikap habang kusang-loob ninyong ginagamit ang inyong sarili sa pinakakasiya-siyang gawaing ito!