“Ibig” Mo Bang Tulungan ang Iba?
1 Si Jesus ay tunay na nagmalasakit sa mga tao. Nang mamanhik sa kaniya ang isang ketongin para sa tulong, iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay, hinipo ang lalaki, at sinabi: “Ibig ko. Luminis ka.” (Mar. 1:40-42) Sa anu-anong paraan natin matutularan ang saloobin ni Jesus hinggil sa pagtulong sa iba?
2 Interesadong mga Tao: Bawat miyembro ng kongregasyon ay may bahagi sa pagtulong sa mga interesado na maging mga mananamba ni Jehova. Kapag dumalo sa mga pagpupulong ang mga baguhan, batiin sila at makipagkilala sa kanila. Humanap ng mga paraan upang mapatibay sila. Bigyan sila ng komendasyon sa kanilang mga komento. Pasalamatan sila sa kanilang pagsisikap na magkapit ng mga simulain sa Bibliya sa kanilang buhay. Tulungan silang makita ang mga pagkakataon na magkaroon ng tunay na mga kaibigan sa loob ng kongregasyon.
3 Mga Kapananampalataya: Yaong “mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya” ay lalo nang karapat-dapat nating tulungan sa iba’t ibang paraan. (Gal. 6:10) Marami ang nakikipagpunyagi sa mga problema sa kalusugan. Sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na pagdalaw, makapaglalaan ka ng kapaki-pakinabang na pakikipagsamahan at marahil ay makatutulong din sa praktikal na mga paraan. Ang ilan ay baka napapaharap sa ibang mahihirap na kalagayan sa kanilang buhay. Ipakita ang iyong pagmamalasakit sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon upang makinig sa kanila at patibayin sila. (1 Tes. 5:14) Kailangan din ng matatanda ang ating pakikipagtulungan habang isinasabalikat nila ang kanilang mga pananagutan. (Heb. 13:17) Sa pagpapamalas ng nagkukusa at matulunging espiritu, tayo ay maaaring ‘maging tulong na nagpapalakas’ sa ating mga kapananampalataya.—Col. 4:11.
4 Mga Kapamilya: Dapat din nating pagsikapang tularan ang pagmamalasakit ni Jesus sa mga tao kapag pinakikitunguhan natin ang ating sariling pamilya. Ang taimtim na pagmamalasakit ay nag-uudyok sa mga magulang na ‘patuloy na palakihin ang kanilang mga anak sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.’ (Efe. 6:4) Magagampanan ng mga anak ang kanilang bahagi sa pamamagitan ng maagap na paghahanda kapag panahon na para sa pampamilyang pag-aaral, mga pulong sa kongregasyon, o paglilingkod sa larangan. Ang malalaki nang anak ay makapagpapakita ng pagkamahabagin ni Jesus sa pamamagitan ng magiliw na pagtulong sa kanilang mga magulang na maharap ang mahihirap na kalagayan na dulot ng pagtanda. Sa ganitong mga paraan at sa iba pa, lahat tayo ay maaaring “magsagawa ng makadiyos na debosyon sa [ating] sariling sambahayan.”—1 Tim. 5:4.
5 Habang tinutularan natin si Jesus sa pagtulong sa iba, maaari nating ibsan ang mga problema at gawing higit na malapít sa isa’t isa ang ating pamilya at ang kongregasyon. Higit sa lahat, nagdudulot tayo ng kapurihan kay Jehova, “ang Ama ng magiliw na kaawaan.”—2 Cor. 1:3.