Makatutulong Ka Ba?
1 Si Jehova ay laging humahanap ng mga paraan upang tulungan ang kaniyang tapat na mga lingkod. (2 Cro. 16:9; Isa. 41:10, 13) Inihahambing siya sa isang mapagkalingang pastol, ganito ang isinulat ni Isaias: “Sa pamamagitan ng kaniyang bisig ay titipunin niya ang mga kordero; at sa kaniyang dibdib ay bubuhatin niya sila. Yaong mga nagpapasuso ay maingat niyang papatnubayan.” (Isa. 40:11) Isaalang-alang ang ilang paraan na matutularan natin ang maibiging pagmamalasakit ni Jehova.
2 Tulungan ang mga Baguhan: Makatutulong tayo sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga baguhan na makisama sa atin sa nakapagpapatibay na pagsasamahan. (Kaw. 13:20) Ginugunita kung paano siya tinulungan ng iba nang magsimula siyang makisama sa kongregasyon, sinabi ng isang kapatid na lalaki: “Ilang beses din akong isinama ng isang pamilya sa kanilang pampamilyang pag-aaral. Habang sumusulong ako, isang mag-asawang payunir ang regular na nag-anyaya sa akin na sumama sa kanila nang ilang araw sa maghapong ministeryo. Laging maganda ang usapan namin tungkol sa espirituwal na mga bagay.” Sinabi pa niya: “Bago ako naging Kristiyano, nakagawian ko nang lumabas upang maglibang tuwing Biyernes at Sabado ng gabi. Subalit ang panahong ginugol ko kasama ng mga kapatid ang nakasapat sa aking pangangailangan sa pakikipagsamahan.” Ang maibiging interes ng kongregasyon ang nakatulong sa kapatid na ito upang maging matibay at matatag sa pananampalataya, at naglilingkod siya ngayon bilang miyembro ng pamilyang Bethel.—Col. 2:6, 7.
3 Patibayin ang Isa’t Isa: Maaari nating makita ang pagkakataong makatulong kapag napapaharap sa mahihirap na kalagayan ang ating mga kapatid. Maisasaayos mo bang makapagpatotoo sa telepono kasama ang isang mamamahayag na may mahinang kalusugan o anyayahan siya na samahan ka sa isang pag-aaral sa Bibliya, marahil ay isinasama pa nga sa kaniyang bahay ang estudyante? May maitutulong ka kaya sa isang magulang na may maliliit na anak habang nakikibahagi siya sa ministeryo? May mga mahiyain kayang malulugod na tumanggap ng iyong tulong sa pagdalaw-muli o sa pakikibahagi sa iba pang pitak ng ministeryo? Pakikilusin tayo ng maibiging interes sa ating mga kapatid na humanap ng mga paraan upang patibayin sila.—Roma 14:19.
4 Habang tinutularan natin ang magiliw na pagmamalasakit ni Jehova sa kaniyang mga lingkod, pinatitibay natin ang isa’t isa, nakatutulong tayo na pagkaisahin ang kongregasyon sa pag-ibig, at naluluwalhati natin ang ating makalangit na Ama.—Efe. 4:16.