May Kapansanan—Ngunit Mabunga
1 Kung isa ka sa maraming Saksi ni Jehova na may kapansanan, maaari ka pa ring magkaroon ng mabungang ministeryo. Sa katunayan, ang iyong mga kalagayan ay maaaring magbigay sa iyo ng pantanging mga pagkakataon para magpatotoo at patibayin ang iba.
2 Mga Pagkakataon Para Magpatotoo: Marami sa mga kailangang makipagpunyagi sa kapansanan ay nakikibahagi nang lubusan sa ministeryo. Halimbawa, nasumpungan ng isang sister, na malubhang naapektuhan ang kakayahang maglakad at magsalita dahil sa isang operasyon, na maaari siyang makibahagi sa gawaing pagmamagasin kung ipaparada ng kaniyang asawa ang kanilang kotse malapit sa isang abalang bangketa. Sa isang pagkakataon, nakapagpasakamay siya ng 80 magasin sa loob lamang ng dalawang oras! Ang iyong natatanging mga kalagayan ay maaari ring maging dahilan upang makausap mo ang mga taong mahirap sanang makausap. Kung gayon, ituring mo sila na iyong pantanging teritoryo.
3 Ang iyong pangangaral ay maaaring maging napakabisa! Habang nakikita ng iba ang iyong determinasyon at ang mabuting epekto ng katotohanan sa Bibliya sa iyong buhay, maaari silang maakit sa mensahe ng Kaharian. Karagdagan pa, kapag nakakausap mo ang mga taong dumaranas ng kagipitan, ang iyong karanasan sa buhay ay maaaring makatulong sa iyo upang mabigyan sila ng kaaliwan mula sa Salita ng Diyos.—2 Cor. 1:4.
4 Palakasin ang Iba: Hindi ka ba napatibay ng talambuhay ni Laurel Nisbet, na nasa loob ng isang artipisyal na baga (iron lung) sa loob ng 37 taon ngunit nakatulong sa 17 indibiduwal na sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan sa Bibliya? Sa katulad na paraan, ang iyong halimbawa ay maaaring gumanyak sa mga kapananampalataya na magpunyagi sa paglilingkod kay Jehova.—g93 1/22 p. 18-21.
5 Bagaman dahil sa iyong kalagayan ay hindi ka na makalabas sa ministeryo sa larangan na gaya ng gusto mo, mapatitibay mo pa rin ang iba. Ganito ang sabi ng isang brother: “Natutuhan ko na kahit may malubhang kapansanan ang isang tao, malaki ang maitutulong niya sa iba. Kaming mag-asawa ay nagsisilbing angkla ng iba’t ibang indibiduwal sa kongregasyon. Dahil sa aming mga kalagayan ay lagi kaming naririto, laging handang tumulong.” Ngunit dahil sa iyong kapansanan, mauunawaan naman na hindi mo laging magagawa ang ayon sa iyong sigasig. Gayunman, sa pamamagitan ng kaunting tulong ay magagawa mong magkaroon ng aktibong pakikibahagi sa ministeryo. Kaya naman, kung kailangan mo ng tulong, huwag mag-atubiling ipaalam ito sa matatanda o sa iba pa sa inyong kongregasyon na makatutulong sa iyo.
6 Nakikita ni Jehova ang lahat ng ginagawa mo upang paglingkuran siya, at nalulugod siya sa iyong buong-kaluluwang paglilingkod. (Awit 139:1-4) Habang nagtitiwala ka sa kaniya, mabibigyan ka niya ng lakas upang magkaroon ka ng mabunga at makabuluhang ministeryo.—2 Cor. 12:7-10.