Isang Paraan Upang Tulungan Sila
Ang tunay na mga Kristiyano ay nakikibahagi sa pangmadlang ministeryo ng pagpapalaganap ng mabuting balita. (Fil. 2:17) Upang maisakatuparan ito, ang ilang saligang brosyur, tract, at mga artikulo sa 20 wika ay nasa Internet na sa www.watchtower.org. Ang Web site na ito ay hindi dinisenyo para mamahagi ng kasalukuyang mga publikasyon sa mga Saksi ni Jehova. Ang tunguhin nito ay upang madaling makakuha ang publiko ng tumpak na impormasyon tungkol sa itinuturo ng mga Saksi ni Jehova mula sa Bibliya.
Kamakailan, may isang mahalagang idinagdag sa ating opisyal na Web site. Ito ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? sa mahigit na 220 wika. Gayundin, pasimula sa isyu ng Enero 1 at Enero 8, 2004, makikita sa likurang pahina ng Ang Bantayan at Gumising! sa lahat ng wika ang ating adres sa Web.
Paano mo magagamit ang kasangkapang ito? Buweno, maaaring makatagpo ka ng isang tao na waring interesado ngunit nakauunawa lamang ng ibang wika. Kung gumagamit siya ng Internet, maaari mong ituro ang adres sa Web na nasa likurang pahina ng Ang Bantayan o Gumising! Sa gayong paraan maaari niyang masuri ang brosyur na Hinihiling sa kaniyang sariling wika hanggang sa makabalik ka dala ang literatura sa kaniyang wika. O maaari mong isaayos na dalawin siya ng kongregasyon o ng grupo na nag-aasikaso sa kaniyang wika.