Ingatan
Mga Mungkahing Presentasyon sa Paglilingkod sa Larangan
Gamitin ang sumusunod na mga mungkahi upang matulungan ka sa iyong paghahanda ng mga presentasyon na nagtatampok sa mga literaturang iaalok bawat buwan.
Maging Malapít kay Jehova
“Nais ng maraming taong naniniwala sa Diyos na maging mas malapít sa kaniya. Alam mo bang inaanyayahan tayo ng Diyos na maging malapít sa kaniya? [Basahin ang Santiago 4:8.] Dinisenyo ang publikasyong ito upang tulungan ang mga tao na gamitin ang kanilang sariling Bibliya upang maging malapít sa Diyos.” Basahin ang parapo 1 sa pahina 16.
“Laganap ang kawalang-katarungan sa ngayon. Ganiyan mismo ang inilalarawan dito. [Basahin ang Eclesiastes 8:9b.] Marami ang nag-iisip kung talaga nga bang nagmamalasakit ang Diyos. [Basahin ang unang dalawang pangungusap sa parapo 4 sa pahina 119.] Ipinaliliwanag ng kabanatang ito kung bakit pansamantalang pinahihintulutan ng Diyos ang kawalang-katarungan.”
Is There a Creator Who Cares About You?
“Saan kaya natin masusumpungan ang pinakamabisang payo kung paano lulutasin ang ating pinakakomplikadong mga problema? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Mateo 7:28, 29.] Ganiyan ang pagkakalarawan sa reaksiyon ng mga tao sa Sermon ni Jesus sa Bundok. Pansinin mo kung ano pa ang sinasabi ng iba. [Itampok ang mga komento sa pahina 152.] Tinatalakay sa kabanatang ito ang buhay at mga turo ni Jesus.”
“Napag-isip-isip mo na ba: ‘Kung may Diyos, kikilos pa kaya siya upang alisin ang pagdurusa at kawalang-katarungan sa daigdig?’ [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Apocalipsis 21:3, 4.] Ipinaliliwanag ng aklat na ito kung ano ang gagawin ng Diyos upang alisin ang pagdurusa at ang pinagmumulan nito.” Ipakita ang kabanata 10.
Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
“Kung aanyayahan kang tumira sa magandang kapaligiran na gaya nito, tatanggapin mo ba ang paanyaya? [Ipakita ang larawan sa pahina 4-5, at hayaang sumagot.] Pansinin mo kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos na susi upang matamasa ang ganitong uri ng buhay magpakailanman. [Basahin ang Juan 17:3.] Tutulungan ka ng aklat na ito na magtamo ng kaalamang umaakay sa buhay na walang hanggan.” Isaayos na talakayin ang unang limang parapo ng kabanata 1 sa susunod na pagdalaw.
Buklatin sa larawang nasa pahina 188-9, at ginagamit ang mga salita sa kapsiyon, tanungin ang may-bahay: “Gusto mo bang mabuhay sa Paraiso, kapag ang lupa’y napuno na ng kaalaman ng Diyos? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Isaias 11:9.] Matutulungan ka ng aklat na ito na malaman ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa Paraiso at kung paano tayo maaaring mabuhay rito.” Isaayos na talakayin ang parapo 11-16 ng kabanata 1 sa susunod na pagdalaw.
Matuto Mula sa Dakilang Guro
“Sa palagay mo kaya’y magiging mas mabuting dako ang daigdig kung namumuhay ang mga tao ayon sa kasabihang ito? [Basahin ang Mateo 7:12a. Pagkatapos ay hayaang sumagot.] Naglalaman ang aklat na ito ng maraming aral mula sa pinakadakilang guro na nabuhay kailanman.” Itampok ang mga larawan at kapsiyon sa kabanata 17.
“Sinisikap ng maraming magulang sa ngayon na ikintal sa kanilang mga anak ang kapaki-pakinabang na mga pamantayan. Sa palagay mo kaya’y mahalaga ito? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Kawikaan 22:6.] Pansinin na pinasisigla ang mga magulang na simulan ang pagsasanay sa kanilang mga anak sa murang edad pa lamang. Dinisenyo ang aklat na ito upang tulungan sila na gawin ito.” Itampok ang mga larawan at kapsiyon sa kabanata 15 o 18.
“Kadalasang namamangha ang mga magulang sa mga itinatanong ng kanilang mga anak. Ang ilan sa mga tanong na iyon ay mahirap sagutin, hindi ba? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Efeso 6:4.] Matutulungan ng aklat na ito ang mga magulang sa ngayon upang masagot ang mga tanong ng kanilang mga anak.” Itampok ang ilan sa mga larawan at kapsiyon sa kabanata 11 at 12 o 34 hanggang 36.
Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?
“Tayong lahat ay nababahala sa krimen at karahasan sa ating lugar. Sa palagay mo, may makapaglalaan pa kaya ng tunay na solusyon sa suliraning ito? [Hayaang sumagot.] May solusyon ang Diyos.” Buklatin ang pahina 196; basahin at komentuhan ang Kawikaan 2:21, 22 sa parapo 19. Ipakita ang pamagat ng kabanata 16, at ialok ang aklat.
Buklatin ang pahina 6, at sabihin: “Iniisip ng maraming tao na lumitaw lamang nang di-sinasadya ang ating magandang lupa at ang buhay na naririto. Ano sa palagay mo ang makatuwirang paliwanag kung paano umiral ang lahat ng ito? [Hayaang sumagot.] Napakaraming ebidensiya ang nagpapatotoo sa ulat ng Bibliya hinggil sa isang Maylalang na napakamakapangyarihan at lubos na nagmamahal sa atin. Siya ang tunay na Diyos, at Jehova ang pangalan niya.” Basahin ang Awit 83:18, at ipaliwanag sa maikli kung paano nilayon ng Diyos na gawing paraiso ang buong lupa.
Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
“Sa dinami-dami ng relihiyon sa ngayon, naisip mo na ba kung paano natin matitiyak kung alin sa mga ito ang sinasang-ayunan ng Diyos?” Pagkatapos sumagot ang may-bahay, buksan sa pahina 377. Itampok ang punto sa bilang 7, at itanong kung sumasang-ayon ang may-bahay na dapat pagkaisahin ng tunay na relihiyon ang lahat ng lahi ng sangkatauhan. Basahin ang isa sa binanggit na mga teksto, at kung ipinahihintulot ng panahon, talakayin ang ilan sa iba pang mga punto sa talaan. Kung may tunay na interes, ialok ang aklat. Bago umalis, maaari mong itanong, “Paano dapat makaapekto ang tunay na relihiyon sa paggawi ng isang tao?” Isaayos na dumalaw muli upang sagutin ang tanong.
Kung sasabihin ng may-bahay na miyembro siya ng isang pangunahing grupo ng relihiyon, maaari mong sabihin: “Kawili-wiling makipag-usap sa mga taong may iba’t ibang relihiyon. Sinisikap ng mga tao na hanapin ang Diyos sa maraming iba’t ibang paraan. [Kung angkop, basahin ang Gawa 17:26, 27.] Kadalasan, sinusunod lamang ng mga tao ang relihiyon ng kanilang mga magulang. [Basahin ang parapo 12 sa pahina 8.] Ang pagkatuto hinggil sa ibang mga relihiyon ay tunay na nakapagtuturo. Ipinaliliwanag ng aklat na ito ang pinagmulan, mga kaugalian, at mga turo ng pangunahing mga relihiyon sa daigdig.” Ipakita ang isang halimbawa ng nilalaman ng aklat hinggil sa relihiyon ng may-bahay, gaya ng makikita sa sumusunod na mga pahina: Sikhismo (100-1); Hinduismo (116-17); Budismo (141); Taoismo (164-6); Confucianismo (177); Shintoismo (190-5); Judaismo (220-1); at Islam (289).
Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
“Marahil ay nabalitaan mo na ang tungkol sa [bumanggit ng isang balita]. Kapag may mga namatay sa trahedya, marami ang nag-iisip kung paano aaliwin ang mga pamilya ng mga biktima. Ano ang masasabi mo hinggil dito?” Hayaang sumagot. Pagkatapos ay buklatin ang pahina 299, at ipakita ang larawan hinggil sa pagkabuhay-muli. Magpatuloy sa pagsasabing: “Marami ang nasorpresa nang malaman nilang bubuhaying muli kapuwa ang matuwid at di-matuwid na mga tao sa Paraiso sa lupa. [Basahin ang Gawa 24:15 na sinipi sa parapo 9 sa pahina 297, at banggitin ang paliwanag sa parapo 10.] Tinatalakay ng aklat na ito ang maraming iba pang kawili-wiling detalye hinggil sa layunin ng Diyos para sa hinaharap.”
Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
“Nabubuhay tayo sa panahon na halos lahat ay napapaharap sa mabibigat na problema. Marami ang sumasangguni sa iba’t ibang uri ng mga tagapayo. Ang ilan naman ay humihingi ng tulong sa mga espiritista. Sa palagay mo, saan kaya tayo makasusumpong ng makatuwirang payo na talagang makatutulong sa atin? [Hayaang sumagot.] Binabanggit ng Bibliya ang isang mahalagang katotohanan na kailangang maunawaan nating lahat. [Basahin ang 2 Timoteo 3:16. Pagkatapos ay buklatin ang pahina 187, at basahin ang parapo 9.] Tutulungan ka ng aklat na ito na maunawaan kung paanong ang pagsunod sa mga sinasabi ng Bibliya ay laging nagdudulot ng mabubuting resulta.”
Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
“Sa panahon ng Pasko, marami ang nag-iisip hinggil kay Jesus. Gayunman, dahil sa napakaraming masasamang bagay na nangyayari sa buong daigdig, nag-iisip ang ilan kung talaga nga bang nagmamalasakit sa atin si Jesus. Ano sa palagay mo?” Hayaang sumagot. Buklatin ang kabanata 24, at talakayin sa maikli kung bakit naparito si Jesus sa lupa. Pagkatapos ay basahin ang Juan 15:13, na idiniriin ang taos-pusong pag-ibig ni Jesus sa iba.
“Kapag binabanggit si Jesu-Kristo, maraming tao ang nag-iisip na siya’y isang sanggol o kaya naman ay isang lalaking nagdurusa na malapit nang mamatay. Ang naiisip lamang nila hinggil kay Jesus ay ang kaniyang kapanganakan at kamatayan. Kadalasan nang hindi napapansin ang kamangha-manghang mga bagay na sinabi at ginawa niya noong nabubuhay siya sa lupa. Ang mga ginawa niya ay nakaaapekto sa lahat ng taong nabubuhay sa lupang ito. Kaya naman, mahalaga na malaman natin ang lahat ng maaari nating malaman tungkol sa kamangha-manghang mga bagay na ginawa niya para sa atin.” Basahin ang Juan 17:3. Buklatin sa unang pahina ng introduksiyon, at basahin ang ikaapat na parapo.
Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
“Sa palagay mo kaya’y gusto ng Diyos na mabuhay tayo na lipos ng mga problema na gaya ng napapaharap sa atin sa ngayon? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Mateo 6:10.] Napag-isipan mo na ba kung ano talaga ang Kaharian ng Diyos?” Buklatin sa aralin 6, at basahin ang mga tanong sa pasimula ng aralin. Talakayin ang aralin, o isaayos na gawin ito sa susunod na pagdalaw.
“Sa kabila ng mga pagsulong sa makabagong lipunan, patuloy pa ring nagdurusa at nagdadalamhati ang sangkatauhan dahil sa sakit at kamatayan. Alam mo ba ang gagawin ni Jesus para sa mga maysakit, matatanda na, at maging sa mga patay?” Hayaang sumagot. Kung gustong malaman ng may-bahay ang sagot, buklatin sa aralin 5, at basahin ang mga tanong para sa parapo 5-6. Talakayin ang mga parapo, o isaayos na talakayin ito sa susunod na pagdalaw.
Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
“Sa palagay mo, saan kaya tayo makasusumpong ng tulong upang mapagtagumpayan natin ang mga panggigipit sa buhay? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Roma 15:4.] Pansinin na ang kinasihang Kasulatan ay naglalaan sa atin ng tagubilin, kaaliwan, at pag-asa, na makapagpapalakas sa atin upang mabata ang mga suliranin. Nagbibigay ang aklat na ito ng kapaki-pakinabang na mga mungkahi kung paano tayo lubusang makikinabang sa pagbabasa ng Bibliya.” Itampok ang apat na puntong binalangkas sa pahina 30.
“Mula pa nang naririto si Jesus sa lupa, marami na ang nananalangin sa pagdating ng Kaharian ng Diyos. Naisip mo na ba kung ano ang mangyayari sa sangkatauhan kapag dumating na ang Kahariang iyon? [Hayaang sumagot. Pagkatapos ay basahin ang Daniel 2:44.] Ipinaliliwanag ng aklat na ito kung ano ang Kaharian ng Diyos, kung ano ang isasakatuparan nito, at kung paano tayo makikinabang sa matuwid na pamamahala nito.” Itampok ang larawan sa pahina 92-3.