Bagong Programa ng Pansirkitong Asamblea
Gusto ng sanlibutan na maniwala tayong tatagal magpakailanman ang kasalukuyang sistema ng mga bagay. Pero iba naman ang sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos. (1 Juan 2:15-17) Ipinauunawa nito sa atin na ang ‘pag-iimbak ng mga kayamanan sa lupa’ ay walang patutunguhan. Upang mapatibay ang bayan ng Diyos, tatalakayin sa programa ng pansirkitong asamblea simula sa Pebrero 2007 ang temang “Mag-imbak . . . ng mga Kayamanan sa Langit.”—Mat. 6:19, 20.
Kasama ang materyalistikong pag-iisip sa binabanggit ng Efeso 2:2 na “awtoridad ng hangin, ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” Kung paanong nasa lahat ng dako ang literal na hangin at nalalanghap, gayundin kalaganap ang “espiritu ng sanlibutan” sa sistemang ito. (1 Cor. 2:12) Yamang napakalakas ng impluwensiya nito, sinasabing may “awtoridad” ito. Ang bagong programa ng pansirkitong asamblea ay tutulong sa atin na huwag magkaroon ng materyalistikong pag-iisip at panatilihing maliwanag sa ating isip ang mga priyoridad natin. (Mat. 6:33) Bukod dito, ang programa ay tutulong sa atin na umasa kay Jehova habang ginagawa natin ang ating ministeryo sa kabila ng mga panggigipit at pagsubok na napapaharap sa atin.
Tiyakin mong naroroon ka sa dalawang araw na iyon at na ‘magbibigay ka ng higit kaysa sa karaniwang pansin.’ (Heb. 2:1) Kumuha ka ng maiikling nota na magagamit mo mismo sa iyong buhay at ministeryo. Kung naroroon ka mula sa simula hanggang sa matapos ang programang ito na nakapagpapalusog sa espirituwal, mapalalakas at mapatitibay ka na patuloy na ‘mag-imbak ng mga kayamanan sa langit’!