Turuan ang Inyong mga Anak na Purihin si Jehova
1. Maaari bang purihin ng mga bata si Jehova?
1 Hinihimok ng Awit 148:12, 13 ang mga bata na “purihin . . . ang pangalan ni Jehova.” Sa Kasulatan, maraming halimbawa ng mga batang pumuri sa kaniya. Halimbawa, “si Samuel ay naglilingkod sa harap ni Jehova, bilang isang bata.” (1 Sam. 2:18) “Isang maliit na batang babae” ang nagsabi sa asawa ni Naaman na mapagagaling ng propeta ni Jehova sa Israel ang ketong ni Naaman. (2 Hari 5:1-3) Nang pumasok si Jesus sa templo at nagsagawa ng makapangyarihang mga gawa, “mga batang lalaki” ang sumigaw: “Magligtas ka, aming dalangin, sa Anak ni David!” (Mat. 21:15) Paano matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na purihin si Jehova?
2. Bakit mahalagang magpakita ng mabuting halimbawa ang mga magulang sa kanilang mga anak?
2 Halimbawa: Bago ikintal ng mga amang Israelita ang katotohanan sa puso ng kanilang mga anak, iniutos sa kanila na sila muna ang dapat umibig kay Jehova at sa kaniyang mga utos mula sa kanilang puso. (Deut. 6:5-9) Kung nakapagpapatibay ang inyong sinasabi tungkol sa ministeryo at ginagawa ninyo itong bahagi ng inyong iskedyul linggu-linggo, makikita ng inyong mga anak na mahalaga at kasiya-siya ang ministeryo.
3. Paano nakatulong sa isang sister ang halimbawa ng kaniyang mga magulang?
3 Magiliw na naaalaala ng isang sister: “Noong lumalaki ako, kasama sa rutin naming pamilya ang paglabas sa larangan tuwing dulo ng sanlinggo. Nakikita kong masayang-masaya ang mga magulang ko sa pangangaral. Lumaki kaming itinuturing na isang bagay na nakapagpapaligaya ang ministeryo.” Naging di-bautisadong mamamahayag ang sister na ito sa edad na pito at ngayon ay nasa ika-33 taon na ng buong-panahong paglilingkod.
4. Ano ang nasasangkot sa unti-unting pagsasanay sa mga anak?
4 Unti-unting Pagsasanay: Bigyan ng bahagi ang inyong mga anak sa ministeryo. Baka puwedeng sila ang kumatok sa pinto, magbigay ng tract sa may-bahay, o magbasa ng teksto. Tutulong ito para masiyahan sila sa ministeryo at magkaroon ng kumpiyansa sa kanilang kakayahang ipangaral ang mensahe ng Kaharian. Habang nagkakaedad sila, dapat na lumalaki rin ang kanilang bahagi sa ministeryo. Kaya tulungan ninyo silang sumulong at pag-isipan ang espirituwal na mga tunguhin.
5. Ano ang kailangan upang maging kuwalipikado ang isang bata na maging di-bautisadong mamamahayag?
5 Kausapin agad ang mga elder kapag nakikita ninyong kuwalipikado nang maging di-bautisadong mamamahayag ang inyong mga anak at sinabi nilang gusto na nilang maglingkod bilang gayon. Kapag naging mamamahayag na sila, maikikintal sa kanila na personal nilang pananagutan na purihin si Jehova. Tandaan na hindi kailangan ng bata ang gayon karaming kaalaman na gaya ng sa bautisadong mga adulto bago siya maging kuwalipikado. Nauunawaan na ba ng iyong anak ang saligang mga turo sa Bibliya? Sinusunod ba niya ang moral na mga pamantayan ng Bibliya? Gusto ba niyang makibahagi sa ministeryo at makilala bilang isang Saksi ni Jehova? Kung oo, maaaring pagpasiyahan ng mga elder kung kuwalipikado na siyang maging di-bautisadong mamamahayag.—Tingnan ang Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, p. 79-82.
6. Bakit sulit ang pagsasanay ng mga magulang sa kanilang mga anak?
6 Kailangan ng pagsisikap para maturuan ang mga anak na purihin si Jehova mula sa kanilang puso. Gayunman, halos wala nang higit na makapagpapaligaya sa mga magulang kaysa makitang sumusulong sa espirituwal ang kanilang mga anak. Mas mahalaga pa rito, nalulugod si Jehova kapag sinasabi ng mga bata ang tungkol sa kaniyang kamangha-manghang mga gawa.