Gawin Mong Tunguhin na Makapagdaos ng Pag-aaral sa Bibliya
1 “Itingin ninyo ang inyong mga mata at tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35) Ang pananalitang iyon ni Jesu-Kristo ay tiyak na kapit pa rin sa kalagayan ng mga ministrong Kristiyano sa ngayon.
2 May nasusumpungan pa rin tayong tapat-pusong mga tao na gustong matuto tungkol sa mga daan ni Jehova. Makikita ito sa bilang ng mga bagong alagad na nababautismuhan taun-taon. Kung talagang interesado kang makapagdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya, ano ang maaari mong gawin?
3 Magtakda ng Tunguhin: Magtakda muna ng tunguhin na makapagpasimula at makapagdaos ng isang regular na pag-aaral sa Bibliya. Isaisip ang tunguhing iyan habang naglilingkod ka sa larangan. Yamang tayong mga Kristiyano ay inatasang magturo at mangaral, lahat tayo ay dapat humanap ng mas maraming pagkakataon upang makapagdaos ng pag-aaral sa Bibliya.—Mat. 24:14; 28:19, 20.
4 Iba Pang Bagay na Dapat Tandaan: Mahalaga sa mga mamamahayag ng Kaharian ang taos-pusong panalangin. Kung minsan, nakasusumpong tayo ng mga tao na nanalangin upang matulungan silang makilala ang Diyos. Kaylaking pagpapala nga na gamitin tayo ni Jehova upang hanapin at turuan ang gayong mga tao!—Hag. 2:7; Gawa 10:1, 2.
5 Isang sister ang nanalangin para sa isang pag-aaral sa Bibliya at pagkatapos ay naglagay ng mga kopya ng tract na Gusto Mo Bang Makaalam Nang Higit Pa Tungkol sa Bibliya? sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Nang kunin ng isang babae ang isang tract, binasa ito, at pinunan ang kupon, kinausap siya ng sister at napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.
6 Matutulungan ka ng mga kapuwa mamamahayag na mabisa sa pagpapasimula at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya upang maabot mo ang iyong tunguhin na makapagdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya. Manalangin sa Diyos hinggil sa iyong mga pagsisikap na magkaroon ng isang pag-aaral sa Bibliya, at samantalahin ang lahat ng makukuhang tulong para maabot ang tunguhing ito. Marahil di-magtatagal, magkakaroon ka rin ng kagalakan sa pagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya.