Makapagpapasimula ba ng Pag-aaral sa Bibliya ang Marami Pa?
1 Kayo ba sa kasalukuyan ay nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya? Kung hindi pa, nais ba ninyong gawin iyon? Idiniin ni Jesus na bukod pa sa pagbibigay ng patotoo sa unang pagdalaw kailangan nating tulungan ang mga taong interesado na lumaki sa espirituwal. (Juan 4:39-42) Gayumpaman, ang mga ulat ay nagpapakita na maraming mga mamamahayag ang hindi kailanman nagkaroon ng pribilehiyo na magdaos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ang ilan na noong una ay gumagawa nito ay hindi na nagdaraos ng isang pag-aaral ngayon.
2 Kapag tayo ay palagiang nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, pagpapalain ni Jehova ang ating pagsisikap. Tanungin ang mga nagdaraos ng pag-aaral sa kongregasyon at kanilang sasabihin ang hinggil sa malaking kagalakang idinudulot niyaon.
3 Ang brochure na “Narito!” na ating tinanggap sa nakaraang pandistritong kumbensiyon ay isang napakainam na pantulong sa pagpapasimula ng mga pag-aaral. Bagaman ang aklat na Mabuhay Magpakailanman ang siyang pangunahin nating pinag-aaralang publikasyon, maaari muna nating ilagay ang saligan sa pamamagitan ng pag-aaral sa brochure na ito. Pagkatapos, maaari nating ipagpatuloy iyon sa higit na detalyadong pag-aaral sa aklat.
PAPAANO MAGPAPASIMULA NG ISANG PAG-AARAL SA BIBLIYA
4 Kapag nagpakita ng sapat na interes, hindi kailangang umalis kaagad kapag nakapaglagay ng babasahin. Ang isang pag-aaral sa Bibliya ay maaaring pasimulan kaagad. Ito ay maaaring magawa sa pamamagitan ng pagbasa sa mga piniling parapo at pagtingin sa mga susing kasulatan.
5 Sa ilang mga kalagayan, bagaman hindi kumuha ng literatura ang maybahay, maaaring siya’y magpakita ng pagpapahalaga sa Bibliya. Sa ganitong kalagayan, maaaring angkop na ipagpatuloy ang pag-uusap. Marahil ay makagagawa ng kaayusan upang bumalik-muli at ipagpatuloy ang pag-uusap. May mga kabanata sa mga publikasyon ng Samahan kagaya ng aklat na Reasoning, na naglalaan ng mayamang impormasyon sa gayong pag-uusap sa Bibliya. Sa hinaharap na panahon, maaaring posibleng iharap ang isang publikasyon at imungkahi na magkaroon ng isang pormal na pag-aaral sa Bibliya.
6 Karagdagan pa, pinagsikapan na ba nating magpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga kapitbahay, kasamahan, o miyembro sa pamilya? Bagaman maaaring ginawa na natin ito noon, kumusta naman ngayon? Ang mga katanungan ng kamanggagawa, kamag-aral, at mga guro ay maaaring umakay sa mga pag-uusap tungkol sa Bibliya at mga pag-aaral. Ang pag-aaral ay maaaring idaos sa pananghalian, pagkatapos ng trabaho, pagkatapos ng klase, o kailan ma’t kombeniyente, upang tulungan ang indibiduwal na sumulong sa espirituwalidad.
7 Ang paghahanda ay mahalaga. Kapag kayo ay gumagawa ng pagdalaw-muli, tiyakin na maliwanag sa kaisipan ang materyal na inyong tatalakayin. Gayundin, sa paghahanda para sa pagdalaw, makabubuting ilagay sa isipan kung papaanong ang bawa’t pag-uusap ay aakay sa inyong tunguhing makapagpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya.
8 Ang Gawa 20:35 ay tumutulong sa atin na mapahalagahan na ang malaking kagalakan ay nanggagaling sa pagbibigay sa iba ng tinataglay natin. Ang pagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay nagbibigay ng isang mainam na pagkakataon na maranasan ang gayong kagalakan. Gawin nating tunguhin na makibahagi sa paglilingkurang ito.