“Maingat Ninyong Sundan ang Kaniyang mga Yapak”
1. Paano tayo maaaring maging epektibong mga ministro?
1 Hindi nakapag-aral si Jesus sa paaralan ng mga rabbi, pero siya ang pinakadakilang Ministro sa kasaysayan. Mabuti na lamang at isang nasusulat na rekord ng ministeryo ni Jesus ang naingatan para sa ating kapakinabangan. Upang maging epektibo tayong mga ministro, dapat nating ‘maingat na sundan ang kaniyang mga yapak.’—1 Ped. 2:21.
2. Ano ang tutulong sa atin na malinang ang tulad-Kristong pag-ibig sa mga tao?
2 Magpakita ng Pag-ibig sa mga Tao: Pinakilos si Jesus ng kaniyang maibiging pagmamalasakit sa mga tao. (Mar. 6:30-34) Marami sa ating teritoryo ang ‘nasasaktan’ at uhaw sa katotohanan. (Roma 8:22) Kapag binubulay-bulay natin ang kanilang mahirap na kalagayan at ang maibiging interes ni Jehova sa kanila, uudyukan tayo nito na patuloy na mangaral. (2 Ped. 3:9) Karagdagan pa, mas makikinig ang mga tao sa ating mensahe kapag nararamdaman nilang tunay tayong nagmamalasakit sa kanila.
3. Sa anong mga pagkakataon nangaral si Jesus sa iba?
3 Magpatotoo sa Bawat Pagkakataon: Sinamantala ni Jesus ang bawat pagkakataon upang ibahagi sa iba ang mabuting balita. (Mat. 4:23; 9:9; Juan 4:7-10) Sa katulad na paraan, nais natin na maging handang ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa katotohanan sa lahat ng pagkakataon. Ang ilan ay laging nagdadala ng Bibliya at mga literatura upang makapagpatotoo sila sa trabaho, sa paaralan, kapag naglalakbay at namimili, at iba pa.
4. Paano natin maaaring gawing tema ng ating pangangaral ang Kaharian?
4 Ituon ang Pansin sa Kaharian: Ang mabuting balita ng Kaharian ang tema ng pangangaral ni Jesus. (Luc. 4:43) Bagaman maaaring hindi natin kaagad o tuwirang binabanggit sa ating presentasyon ang tungkol sa Kaharian, isinasaisip nating tulungan ang may-bahay na makitang kailangan natin ito. Sa ating pangangaral, sinasabi nating ang masasamang kalagayan sa daigdig ay nagpapahiwatig na nabubuhay na tayo sa mga huling araw. Pero ang pangunahing dahilan ng ating gawain ay ang ‘paghahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay.’—Roma 10:15.
5. Anong papel ang dapat gampanan ng Bibliya upang maging mabisa tayo sa ministeryo?
5 Gamitin ang Salita ng Diyos: Sa buong ministeryo ni Jesus, lagi niyang ginagamit ang Kasulatan. Wala siyang itinuro mula sa kaniyang sariling kaisipan. (Juan 7:16, 18) Binulay-bulay niya ang Salita ng Diyos at ikinapit ito noong mga panahong sinasalakay siya ni Satanas. (Mat. 4:1-4) Upang maging mabisa tayo sa pagtuturo sa iba, dapat nating basahin ang Bibliya araw-araw at ikapit ang sinasabi nito. (Roma 2:21) Kapag sumasagot sa mga tanong sa ating ministeryo, dapat nating suportahan ng teksto sa Bibliya ang ating mga sinasabi o basahin mismo mula sa Bibliya ang mga sagot, hangga’t maaari. Gusto nating makita ng may-bahay na ang sinasabi natin ay hindi batay sa ating sariling opinyon kundi sa kaisipan ng Diyos.
6. Ano ang ginawa ni Jesus upang maabot ang puso ng kaniyang mga tagapakinig?
6 Abutin ang Puso ng Iyong Tinuturuan: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.” (Juan 7:46) Ganiyan ang sinabi ng mga opisyal tungkol kay Jesus nang tanungin sila ng mga punong saserdote at mga Pariseo kung bakit hindi nila siya nahuli. Sa halip na basta na lamang magbigay ng impormasyon, nagturo si Jesus sa paraang maaabot ang puso ng kaniyang mga tinuturuan. (Luc. 24:32) Gumamit siya ng mga ilustrasyong hango sa tunay na buhay upang maunawaan ng kaniyang mga tagapakinig ang kaniyang mensahe. (Mat. 13:34) Hindi pinaulanan ni Jesus ng napakaraming impormasyon ang kaniyang mga tagapakinig. (Juan 16:12) Inakay niya ang kanilang pansin kay Jehova at hindi sa kaniyang sarili. Gaya ni Jesus, maaari lamang tayong maging mahuhusay na guro kung ‘lagi nating bibigyang-pansin ang ating turo.’—1 Tim. 4:16.
7. Bakit nagpatuloy si Jesus sa kaniyang ministeryo?
7 Magpatuloy sa Kabila ng Pagwawalang-Bahala at Pagsalansang: Bagaman nagsagawa si Jesus ng makapangyarihang mga gawa, marami ang hindi nakinig sa kaniya. (Luc. 10:13) Kahit ang mga kapamilya ni Jesus ay nagsabing “nasisiraan na siya ng kaniyang isip.” (Mar. 3:21) Sa kabila nito, nagpatuloy si Jesus. Nanatili siyang positibo dahil lubusan siyang kumbinsido na taglay niya ang katotohanang makapagpapalaya sa mga tao. (Juan 8:32) Sa tulong ni Jehova, determinado rin tayong huwag sumuko.—2 Cor. 4:1.
8, 9. Paano natin matutularan si Jesus sa paggawa ng mga sakripisyo alang-alang sa mabuting balita?
8 Gumawa ng Kinakailangang mga Sakripisyo Upang Makabahagi Nang Lubusan: Isinakripisyo ni Jesus ang materyal na mga kaalwanan alang-alang sa ministeryo. (Mat. 8:20) Walang-sawa siyang nangaral, kung minsa’y hanggang gabi pa nga. (Mar. 6:35, 36) Alam ni Jesus na kakaunti lamang ang kaniyang panahon para tapusin ang gawain. Yamang “ang panahong natitira ay maikli na,” kailangan din nating gumawa ng mga pagsasakripisyo sa ating oras, lakas, at mga tinatangkilik upang matularan si Jesus.—1 Cor. 7:29-31.
9 Naging epektibong mga ministro ang unang-siglong mga Kristiyano dahil natuto sila kay Jesus. (Gawa 4:13) Lubusan din nating maisasagawa ang ating ministeryo kung tutularan natin ang pinakadakilang Ministro sa kasaysayan.—2 Tim. 4:5.