“Maging Handa Para sa Bawat Mabuting Gawa”
1 Nang simulan ni Jesus ang isang bagong kampanya sa pangangaral, gumugol siya ng panahon upang ihanda ang kaniyang mga alagad. (Mat. 10:5-14) Abala man ang bawat isa sa atin, ang paghahanda nang kahit ilang minuto bago makibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay ay tutulong sa atin na umani ng maiinam na resulta.—2 Cor. 9:6.
2 Kung Paano Maghahanda: Ang mabuting paghahanda ay nagsisimula sa pagiging pamilyar sa mga literaturang balak nating ialok. Dapat din nating isaisip ang mga tao sa ating teritoryo. Anu-anong problema ang ikinababahala nila? Ano ang karaniwang relihiyosong paniniwala ng mga tao sa lugar na iyon? Makakakuha tayo ng mga ideya sa mga halimbawang presentasyon sa Ating Ministeryo sa Kaharian at sa Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan.
3 Makatutulong din sa atin ang matamang pakikinig sa mga pagtatanghal sa Pulong sa Paglilingkod. Habang nasasanay tayo sa paggamit ng ating presentasyon, kaunting panahon na lamang ang kakailanganin natin sa paghahanda. Gayunman, kung pag-iisipan natin ang ating sasabihin at patuloy na pasusulungin ang ating presentasyon sa tuwing magtutungo tayo sa ministeryo, magiging mas epektibo tayo. Dapat din nating tiyakin na nasa ating bag ang mga literaturang kailangan natin.
4 Ano ang makatutulong upang hindi natin malimutan ang ating presentasyon? Ang pag-eensayo nang malakas ay isang paraan upang matandaan ang gusto nating sabihin. Nasisiyahan ang ilan sa pag-eensayo sa panahon ng kanilang pampamilyang pag-aaral. Nakatutulong naman sa iba ang pagsulat ng maikling sumaryo ng kanilang presentasyon sa isang piraso ng papel at pagsulyap dito bago sila lumapit sa pintuan.
5 Kung Bakit Kapaki-pakinabang: Kapag handang-handa tayo, magiging higit tayong epektibo at nasisiyahan sa ministeryo. Makatutulong ito upang hindi tayo gaanong nerbiyusin sa pintuan. Mabibigyan natin ng higit na pansin ang may-bahay sa halip na labis na pag-isipan kung ano ang ating sasabihin. Karagdagan pa, ang pagiging pamilyar natin sa literatura ay makatutulong upang maging mas masigla tayo sa pag-aalok nito.
6 Hinihimok tayo ng Kasulatan na “maging handa para sa bawat mabuting gawa.” (Tito 3:1) Wala nang hihigit pang gawain sa pangangaral ng mabuting balita. Kung handang-handa tayo, nagpapakita tayo ng paggalang sa may-bahay na nakikinig sa atin, at kay Jehova, ang Diyos na kinakatawan natin.—Isa. 43:10.