Kung Paano Gagamitin ang mga Halimbawang Presentasyon
1. Ano ang dapat na maging pangmalas natin sa mga halimbawang presentasyon na inilalaan?
1 Regular na lumilitaw sa Ating Ministeryo sa Kaharian ang mga halimbawang presentasyon sa pag-aalok ng ating mga magasin at iba pang mga publikasyon. Kapag nakikibahagi sa ministeryo, hindi naman natin kailangang eksaktong ulitin ang mungkahing mga presentasyon. Inilaan ang mga ito upang bigyan tayo ng ideya kung ano ang maaari nating sabihin. Karaniwan nang magiging mas mabisa ang ating mga presentasyon kung sasabihin natin ito sa ating sariling pananalita. Kung magsasalita tayo sa natural na paraan, magiging palagay ang may-bahay at maipamamalas natin ang kataimtiman at pananalig.—2 Cor. 2:17; 1 Tes. 1:5.
2. Bakit kailangan nating isaalang-alang ang mga kaugalian sa ating lugar kapag naghahanda ng mga presentasyon?
2 Iangkop ang Iyong Presentasyon: May malaking impluwensiya ang mga kaugalian sa ating lugar sa paraan ng paghaharap natin ng mabuting balita. Maaari mo bang kumustahin muna ang may-bahay at saka iharap ang iyong presentasyon sa pag-uusap, o inaasahan ba ng mga tao sa inyong teritoryo na sasabihin mo na agad ang iyong sadya? Nagkakaiba-iba ito depende sa lugar at maging sa taong kausap mo. Kailangan din ang kaunawaan sa paggamit ng mga tanong. Ang mga tanong na angkop naman sa ilang lugar ay baka nakaaasiwa naman sa ibang lugar. Kaya kailangan tayong gumawa ng mabuting pagpapasiya at iangkop ang ating presentasyon batay sa kung ano ang katanggap-tanggap sa ating lugar.
3. Bakit kailangang isaalang-alang ang kalagayan at paraan ng pag-iisip ng ating mga nakakausap?
3 Bukod diyan, kailangan nating isaalang-alang ang kalagayan at ang paraan ng pag-iisip ng mga tao sa ating teritoryo kapag naghahanda sa paglilingkod sa larangan. Halimbawa, malamang na iba ang magiging paraan mo ng pagtalakay sa Mateo 6:9, 10 kung ang kausap mo ay isang debotong Katoliko kaysa kung ang kausap mo ay isang taong hindi naman pamilyar sa panalanging “Ama Namin.” Sa pamamagitan ng kaunting patiunang pag-iisip, maiaangkop natin ang ating mga presentasyon upang higit itong maging kaakit-akit sa mga taong nakakausap natin sa ministeryo.—1 Cor. 9:20-23.
4. Bakit mahalaga ang mabuting paghahanda?
4 Kahit na plano nating gamitin ang halimbawang presentasyon nang halos salita por salita, wala pa ring maipapalit sa mabuting paghahanda. Dapat nating basahing mabuti ang artikulo o kabanatang nais nating itampok at hanapin ang mga puntong makapupukaw ng interes. Pagkatapos ay isama ang mga ito sa ating presentasyon. Mananabik tayong ialok ang ating mga publikasyon tangi lamang kung pamilyar tayo sa maiinam na impormasyong nilalaman ng mga ito.
5. Bakit maaaring kailanganin na maghanda tayo ng ibang presentasyon, at paano natin ito magagawa?
5 Iba Pang Paraan ng Paglapit: Ang mga paraan lamang ba ng paglapit na nakabalangkas sa mga halimbawang presentasyon ang maaari nating gamitin? Hindi. Kung mas komportable kang gamitin ang ibang paraan ng paglapit o ibang teksto, gamitin ang mga ito. Lalo na may kinalaman sa mga magasin, maging alisto sa paghanap ng mga pagkakataon upang maitampok ang pangalawahing mga artikulo na makapupukaw ng pantanging interes sa inyong teritoryo. Kung may mga presentasyon sa paglilingkod sa larangan na itatanghal sa Pulong sa Paglilingkod, maaaring isaayos na itanghal ang anumang paraan ng paglapit na mabisa sa inyong teritoryo. Sa ganitong paraan, matutulungan ang lahat na iharap nang mabisa ang mabuting balita.