Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova
1 “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” (Zef. 1:14) Si Zefanias at ang 11 pang tinatawag na Pangalawahing Propeta ay namuhay na isinasaisip ang araw ni Jehova. Ang pagsasaalang-alang sa kanilang kinasihang mga isinulat sa ating Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat na nakabalangkas sa aklat na Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova ay tutulong sa atin na maghanda para sa kakila-kilabot na araw na iyon.—Zef. 2:2, 3.
2 Natatanging mga Bahagi: Sa halip na pagtuunan ng pansin ang makasagisag na mga kahulugan o talata-por-talatang mga paliwanag ng 12 makahulang mga aklat na ito, ipinaliliwanag ng aklat na Araw ni Jehova kung paano kumakapit ang kinasihang mga isinulat na ito sa tunay-na-buhay na mga kalagayan na nakakaharap natin araw-araw. Idiniriin nito na napakalapit na ng araw ni Jehova, kaya dapat na makaapekto ito sa lahat ng ating pagpapasiya at pagkilos. Tinatalakay nito ang mga bagay hinggil sa buhay pampamilya, kaugnayan sa mga kapananampalataya, libangan, ating ministeryo, at mga desisyon sa pagpili ng karera.
3 Ipinakikilala sa atin ng Seksiyon 1 ng aklat ang 12 propeta at ang kanilang mga isinulat. Sinu-sino sila? Ano ang kalagayan nila noon na nakakatulad ng sa atin ngayon? Ang Seksiyon 2 ay nagtutuon ng pansin kay Jehova at sa kaniyang mga katangian. Anong kaunawaan tungkol kay Jehova at sa kaniyang personalidad ang inilalaan ng mga propetang ito? Binibigyang-pansin naman ng Seksiyon 3 ang hinggil sa atin mismong paggawi at pakikitungo sa iba. Paano natin mapalulugdan ang Diyos sa praktikal na mga paraan sa araw-araw? Ipinaliliwanag ng Seksiyon 4 kung paano tayo mamumuhay nang may-kagalakan habang hinihintay ang araw ni Jehova.
4 Magplano Na Ngayon Upang Makinabang: Maging determinadong gawin ang lahat ng iyong makakaya upang lubusang makinabang sa pag-aaral ng aklat na Araw ni Jehova, na magsisimula sa linggo ng Agosto 4, 2008! Sikaping daluhan ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat bawat linggo. Maghandang mabuti sa bawat leksiyon, anupat binabasa ang mga teksto upang makita kung ano ang kaugnayan nito sa materyal na inihaharap. Bulay-bulayin ang impormasyon sa pamamagitan ng pagtatanong, ‘Paano ko maikakapit ang impormasyong ito sa bahay, sa paaralan, sa trabaho, sa aking ministeryo, at sa pakikitungo ko sa aking mga kapatid na Kristiyano?’ Maghanda bago dumalo sa pag-aaral sa aklat upang makapagkomento at sa gayo’y makibahagi sa pagpapalitan ng pampatibay-loob.—Roma 1:12.
5 Ang pagsasaalang-alang nawa natin sa aklat na Araw ni Jehova ay maghanda sa atin ngayon, upang ‘makatagal’ tayo sa “dakila at lubhang kakila-kilabot” na araw ni Jehova. Talagang napakalapit na ng araw na iyon!—Joel 2:11.