“Lubusang Magpatotoo”—Sa Pamamagitan ng Pagpapatotoo sa mga Apartment
1. Ano ang nasasangkot sa ‘lubusang pagpapatotoo sa mabuting balita’?
1 Gaya ni apostol Pablo, hangarin natin na “lubusang magpatotoo sa mabuting balita.” (Gawa 20:24) Sa ngayon, kasama rito ang pagpapatotoo sa mga taong naninirahan sa malalaking apartment sa maraming lunsod at bayan sa Pilipinas. Kung minsan, mahirap makausap ang mga nakatira sa gayong mga pasilidad.
2. Bakit mahalaga ang pagiging maingat at ang mahusay na pagpapasiya kapag nagpapatotoo sa mga apartment?
2 Dahil sa patuloy na paglaganap ng krimen at karahasan, maraming apartment ang lagi na lamang nakasarado at may mga guwardiya o kamerang pangmanman. (2 Tim. 3:1, 2) Maaaring may patakaran ang pangasiwaan ng apartment na hindi sila magpapapasok ng di-imbitadong mga tao. Baka paalisin pa nga tayo ng tagapamahala o ng manedyer ng mga gusaling ito, lalo na kung inireklamo tayo ng isa sa mga nakatira roon. Kaya mahalaga ang pagiging maingat at ang mahusay na pagpapasiya pagdating sa bagay na ito.
3. Kailan pinakamainam na mangaral sa mga apartment, at bakit?
3 Kung Kailan Magpapatotoo: Gaya ng ginagawa natin sa ibang teritoryo, pinakamainam na mangaral sa mga apartment kapag naroroon ang mga residente. Natatagpuan ng maraming mamamahayag ang mga nakatira sa apartment sa bandang gabi, gayundin tuwing Sabado at Linggo ng hapon. Kung magpapatotoo tayo sa mga apartment nang napakaaga, lalo na kapag dulo ng sanlinggo, baka ireklamo tayo ng mga residente sa pangasiwaan ng apartment.
4, 5. Paano tayo maaaring makapasok sa ilang apartment na nakasarado ang pasukan o paano natin makakausap ang mga nakatira dito?
4 Pagpasok sa mga Apartment: Hindi dapat kontakin ng mga mamamahayag ang tagapamahala o sinumang tauhan ng apartment bago makibahagi sa ministeryo. Kung nakasarado ang pasukan ng gusali ng apartment at mayroon itong intercom sa labas, maaari natin itong gamitin para humanap ng taong magpapapasok at makikipag-usap sa atin. Depende sa situwasyon o sa disenyo ng gusali, maaari tayong kumatok sa ibang mga pinto pagkatapos nating makausap ang taong nagpapasok sa atin. Gayunman, sa ibang kaso, makabubuti kung lumabas na lamang tayo ng gusali at gumamit muli ng intercom para makipag-usap sa iba pang nakatira roon. Dapat na gumawa tayo ng mahusay na pagpapasiya kung ilang residente ang kakausapin natin sa ganitong paraan sa pagkakataong iyon.
5 Baka mas gusto ng ilang residente na sabihin mo sa kanila ang sadya mo gamit ang intercom. Kung gayon, ipakilala ang iyong sarili sa palakaibigang paraan. Tawagin ang may-bahay sa kaniyang pangalan kung nakalagay ito sa intercom nila. Sabihin sa maikli ang iyong paksa. Naging matagumpay ang ilang mamamahayag sa pakikipag-usap sa pamamagitan ng aktuwal na pagbasa sa pambungad na nasa aklat na Nangangatuwiran.
6. Ano ang dapat nating gawin kung may guwardiya ang apartment na ating pangangaralan?
6 Kung may guwardiya sa may pasukan ng gusali at hindi siya payag na makapasok tayo sa mga apartment, sikapin natin na sa kaniya na lamang magpatotoo. Maraming guwardiya ang nasisiyahang magbasa ng ating literatura. Maaari pa nga tayong makapagpasimula sa kanila ng pag-aaral sa Bibliya at idaos ito sa lobby ng apartment. Kung pahintulutan naman tayo ng guwardiya na dumalaw sa isang partikular na residente na nagpakita ng interes, karaniwan nang makabubuti na huwag na tayong kumatok sa iba pang pinto sa apartment na iyon.
7. Ano ang dapat nating tandaan hinggil sa pagdadala ng bag?
7 Hitsura at Wastong Paggawi: Maaari tayong mapaghinalaan kung magdadala tayo ng malalaking bag kapag nangangaral sa mga apartment. Kaya makabubuti kung mas maliliit na bag na lamang ang ating dadalhin o baka mas mainam pa nga na huwag na lamang tayong magdala ng bag. Inilalagay ng ilang mamamahayag ang alok na literatura sa maninipis na folder at hinahawakan na lamang ang Bibliya o inilalagay ito sa kanilang bulsa.
8. Paano dapat organisahin ang grupo kapag nagpapatotoo sa mga apartment?
8 Makabubuti na huwag tayong mag-umpuk-umpukan, lalo na sa mga lobby o paradahan, dahil maaari itong makakuha ng atensiyon ng mga residente. Dapat ding mag-ingat kapag nangangaral sa mga apartment na nasa mga lugar kung saan madalas mangyari ang krimen. (Kaw. 22:3) Halimbawa, maaaring gumawa sa isang palapag ang dalawa o tatlong pares ng mamamahayag na may sapat na agwat para marinig ang isa’t isa. Marahil, puwede silang maghalinhinan—habang kumakatok sa pinto ang isang pares, naghihintay naman ang iba.
9. Paano natin maipakikita ang wastong paggawi kapag nangangaral sa mga apartment, at bakit ito mahalaga?
9 Kapag pumapasok sa mga apartment, magpunas muna ng sapatos at isara nang mabuti ang pinto sa pasukan. Kung gagawin natin ito, maiiwasan nating magkaroon ng dahilan ang mga residente na ireklamo tayo sa pangasiwaan. Kapag tayo ay nakapasok na, dumeretso na sa elevator o sa palapag na gagawin sa halip na umistambay pa sa may pasukan. Sa gayon, hindi tayo paghihinalaan ng mga nakakakita sa atin.
10. Paano natin maiiwasang lumikha ng di-kinakailangang ingay sa mga pasilyo ng mga apartment?
10 Sa maraming apartment, karaniwan nang naririnig sa loob ng mga kuwarto ang ingay sa pasilyo. Kaya kapag kausap natin ang may-bahay, huwag tayong magsalita nang masyadong malakas. Kapag nakikipag-usap naman tayo sa mga kasama nating mamamahayag, panatilihin nating mahina ang ating boses. Ngunit magsalita tayo sa kalmado at banayad na tono para hindi naman tayo paghinalaan ng mga tao. Para hindi maingayan ang mga residente, sa halip na sabay-sabay na kumatok sa mga pinto, ang ilang mamamahayag ay nagsasalitan sa pagkatok sa mga pinto mula sa magkabilang dulo ng pasilyo hanggang sa matapos nila ang buong palapag. Bukod diyan, maaaring matakot ang may-bahay kung sobrang lakas tayong kumatok sa pinto.
11. Anong mga mungkahi ang makatutulong kapag kumakatok tayo sa pinto na may silipan?
11 Kung ang pinto ay may silipan para makita ng may-bahay kung sino ang kumakatok, pumuwesto kung saan makikita ka ng may-bahay pati na ang iyong kasama. Humarap ka sa silipan, at kapag naramdaman mong may taong sumisilip sa pinto, masigla siyang batiin at simulan ang iyong presentasyon. Kung magtanong ang may-bahay, ‘Sino ’yan?’ makabubuting sabihin mo ang iyong pangalan at ang pangalan ng kasama mo. Sa gayon, baka maging kampante ang may-bahay na pagbuksan ka ng pinto. Kung hindi, maaari mo pa ring ituloy ang iyong presentasyon sa may pintuan.
12. Paano natin maiiwasang magkaproblema kapag nag-iiwan ng mga literatura sa mga apartment na walang tao?
12 Mga Apartment na Walang Tao: Ang mga literaturang iniwan sa may pintuan ay madaling mahulog sa sahig at maging kalat. Kaya anumang literatura na iiwan natin sa mga apartment na walang tao ay dapat ilagay sa lugar na hindi makikita ng mga nagdaraan sa pasilyo.
13. Ano ang dapat nating gawin kung makatagpo tayo ng galít na may-bahay?
13 Galít na mga May-bahay: Kung makatagpo tayo ng galít na may-bahay na posibleng magsumbong sa tagapamahala ng apartment, makabubuting iwan na lamang natin ang palapag na iyon at bumalik sa ibang panahon. Sa ibang kaso naman, baka mas mabuting umalis na sa gusaling iyon nang sa gayo’y makaiwas sa posibleng komprontasyon sa tagapamahala ng apartment. Kahit hindi sinabi ng may-bahay na huwag na siyang dalawin, makabubuting isulat sa papel ang numero ng kaniyang apartment at isulat din na hindi ito dapat dalawin. Ilagay ang impormasyong ito sa territory card. Tulad ng ginagawa natin sa ibang teritoryo na ganito ang mga kalagayan, maaaring balikan paminsan-minsan ang mga adres na ito para malaman kung payag na ang may-bahay na dalawin siyang muli.
14, 15. Ano ang dapat nating gawin kapag hinilingan tayong umalis ng isang kinatawan ng apartment?
14 Kung Hilingan Kang Umalis Na: Ano ang dapat mong gawin kung sa iyong pangangaral sa isang apartment ay hilingan kang umalis ng tagapamahala, guwardiya, tagapagmantini, o sinumang kinatawan ng apartment? Makabubuti na umalis ka na agad. Hangga’t maaari, gusto nating umiwas sa komprontasyon na maaaring humantong sa pagbabanta na ididemanda tayo o isusumbong sa pulis. Kadalasan, hindi naman galít sa mga Saksi ni Jehova ang mga tauhan ng apartment, ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho.
15 Kung minsan, kapag hinilingan kang umalis ng isang tauhan ng apartment, maaari mong ipaliwanag sa kaniya sa mabait at mataktikang paraan ang dahilan ng iyong pagdalaw. (1 Ped. 3:15) Alam nating pananagutan niyang panatilihing masaya at ligtas ang mga nakatira sa apartment. Baka payagan ka niyang manatili sa apartment. Pero kung hindi, magalang ka na lamang na umalis. Kung ipinahihintulot ng pagkakataon, maaari kang humingi ng permiso na regular kang makapag-iwan ng mga literatura sa lobby ng apartment. (Col. 4:6) Dapat na ipaalam sa tagapangasiwa sa paglilingkod ang anumang insidenteng tulad nito.
16. Ano ang maaari nating gawin kapag ayaw pa rin tayong pahintulutang mangaral sa isang apartment?
16 Marahil, pagkaraan ng mahaba-habang panahon, puwedeng subukan ng mga mamamahayag na mangaral na muli sa gusaling iyon sa maingat na paraan. Kung hindi talaga posible na makapangaral ang mga mamamahayag sa nasabing apartment, maaari nilang subukang kontakin ang mga residente sa ibang paraan, gaya ng pagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono o ng sulat. Ang ilang mamamahayag ay nagpapatotoo sa lansangan sa harap o sa palibot ng mga apartment na iyon kapag umaga at gabi, kung kailan karamihan sa mga nakatira doon ay papunta sa trabaho o pauwi na sa kanilang apartment.
17. Bakit mahalaga ang pagpapatotoo sa mga apartment?
17 Malapit nang dumating ang wakas ng balakyot na sistemang ito. Ang mga tumatawag lamang sa pangalan ni Jehova ang maliligtas. “Gayunman, paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? Paano naman sila mananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan?” (Roma 10:13, 14) Marami sa mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” ay nakatira sa mga apartment. (Gawa 13:48) Kung tayo ay magiging maingat at mahusay sa ating pagpapasiya, maaari natin silang mapaabutan ng mabuting balita.