Dapat Manalangin ang mga Kristiyanong Ministro
1. Ano ang kailangan para magampanan natin ang ating ministeryo?
1 Hindi natin magagampanan ang ating ministeryo sa sariling lakas lang natin. Binibigyan tayo ni Jehova ng lakas para magawa ito. (Fil. 4:13) Ginagamit niya ang kaniyang mga anghel para matagpuan natin ang tulad-tupang mga tao. (Apoc. 14:6, 7) Si Jehova ang nagpapalago sa mga binhi ng katotohanang itinanim at diniligan natin. (1 Cor. 3:6, 9) Napakahalaga ngang manalangin ang mga Kristiyanong ministro at humingi ng tulong sa ating makalangit na Ama!
2. Anu-ano ang puwede nating sabihin sa panalangin?
2 Para sa Sarili: Dapat tayong manalangin tuwing mangangaral tayo. (Efe. 6:18) Anu-ano ang ipapanalangin natin? Puwede nating ipanalangin na maging positibo tayo at lumakas ang loob. (Gawa 4:29) Maaari din nating hilingin kay Jehova na akayin tayo sa tapat-pusong mga tao na gustong mag-aral ng Bibliya. Kapag nagtanong ang may-bahay, puwede rin tayong manalangin sandali at humingi ng tulong kay Jehova para makasagot tayo nang tama. (Neh. 2:4) Puwede rin tayong humingi ng karunungan na mag-uudyok sa atin na laging unahin ang ministeryo. (Sant. 1:5) Natutuwa rin si Jehova kapag nagpapasalamat tayo sa pribilehiyong maging ministro niya.—Col. 3:15.
3. Paano nakakatulong sa pagsulong ng gawaing pangangaral ang pananalangin para sa iba?
3 Para sa Iba: Dapat din nating “ipanalangin ang isa’t isa,” at banggitin pa nga sa pangalan ang ating kapuwa ministro kung angkop naman. (Sant. 5:16; Gawa 12:5) Limitado ba ang nagagawa mo sa pangangaral dahil sa pagkakasakit? Kung gayon, ipanalangin mo ang iyong kapuwa ministro na walang sakit. Huwag mong maliitin ang magagawa ng panalangin mo para sa iba! Angkop ding ipanalangin na sana’y maging paborable ang awtoridad sa ating gawain, nang ang ating mga kapatid ay “makapagpatuloy [na] mamuhay ng isang payapa at tahimik na buhay.”—1 Tim. 2:1, 2.
4. Bakit tayo dapat magmatiyaga sa pananalangin?
4 Napakalaking atas ang paghahayag ng mabuting balita sa buong tinatahanang lupa. Pero kung ‘magmamatiyaga tayo sa pananalangin,’ matatapos natin ito sa tulong ni Jehova.—Roma 12:12.