“Bagay Kang Payunir!”
1. Ano ang sinabi ng isang sister tungkol sa kaniyang pagpapayunir?
1 “Wala na akong masusumpungang iba pang gawain na nakapagdulot sa akin ng gayong kasiyahan o naging kapaki-pakinabang sa espirituwal na paraan.” Iyan ang sabi ni Kathe B. Palm. Ilang dekada siyang naglingkod bilang payunir sa buong Chile, sa Timog Amerika. Talagang kasiya-siya ang buhay sa buong-panahong paglilingkod, kaya baka may nakapagsabi na rin sa iyo: “Bagay kang payunir!”
2. Ipaliwanag kung bakit tunay na kasiya-siya ang paggawa ng espirituwal na mga gawain.
2 Isang Kasiya-siyang Buhay: Ang ating Huwaran, si Jesus, ay nakadama ng tunay na kaginhawahan sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama. (Juan 4:34) Kaya nasabi niya sa kaniyang mga tagasunod na talagang may tunay na kasiyahan sa paggawa ng mga gawaing may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova. Kontento tayo kapag lagi nating ginagawa ang mga bagay na ikinatutuwa ni Jehova. At miyentras mas maraming panahon, lakas, at tinatangkilik ang inilalaan natin para tulungan ang iba, lalo tayong nagiging maligaya.—Gawa 20:31, 35.
3. Anong kagalakan ang mararanasan natin miyentras mas marami tayong panahon sa ministeryo?
3 Miyentras mas madalas tayo sa ministeryo, mas marami tayong pagkakataong maranasan ang kagalakang makapagbukas at makapagdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Kahit marami sa teritoryo ang walang interes, baka marami pa rin tayong matagpuang interesado habang nahahasa tayo sa ministeryo. Ang mga nakaisang taon na sa pagpapayunir ay makapag-aaral sa Pioneer Service School at magagamit nila ang kanilang matututuhan. (2 Tim. 2:15) Habang nagtitiyaga tayo, makapagtatanim tayo ng mga binhi ng katotohanan na maaaring magbunga sa hinaharap.—Ecles. 11:6.
4. Ano ang dapat pag-isipan ng mga kabataang malapit nang magtapos sa pag-aaral?
4 Mga Kabataan: Kung malapit na kayong magtapos ng haiskul, pinag-iisipan ba ninyong mabuti ang inyong kinabukasan? Malamang na abala pa kayo ngayon sa mga gawain sa paaralan. Pero ano ang gagawin ninyo pagka-graduate ninyo? Imbes na magtaguyod ng isang karera sa sanlibutang ito, bakit hindi pag-isipan at ipanalangin na maging regular pioneer? Kapag natutuhan mong magpatotoo sa mga tao mula sa iba’t ibang background, lampasan ang personal na mga hadlang, disiplinahin ang iyong sarili, at pasulungin ang iyong paraan ng pagtuturo, habambuhay mo itong mapapakinabangan.
5. Paano mapapatibay ng mga magulang at ng kongregasyon ang mga kabataan na magpayunir?
5 Mga magulang, tinutulungan ba ninyo ang inyong mga anak na gawing tunguhin ang buong-panahong paglilingkod? Malaki ang magagawa ng inyong mga salita at halimbawa para unahin nila ang Kaharian. (Mat. 6:33) Naaalala pa ni Ray, na nagpayunir noong magtatapos na siya sa haiskul: “Laging sinasabi ni Nanay na pinakamasayang buhay ang pagpapayunir.” Sa salita at suporta, mapapatibay ng lahat sa kongregasyon ang mga kapatid na gawing tunguhin ang pagpapayunir. Sinabi ni Jose na taga-Espanya: “Itinuturing ng mga kakongregasyon ko ang pagpapayunir bilang pinakamainam na karera para sa mga kabataan. Nakatulong ang kanilang mga komento at pagpapahalaga sa pagpapayunir pati na ang praktikal na tulong nila para makapagpayunir ako.”
6. Ano ang puwede nating gawin kung wala tayong hangaring magpayunir?
6 Lampasan ang mga Hadlang: Pero paano kung sabihin mo, ‘Hindi ko naman gustong magpayunir.’ Kung iyan ang nadarama mo, manalangin kay Jehova at sabihing, ‘Hindi ko po alam kung bagay sa akin ang pagpapayunir, pero gusto ko pong gawin kung ano ang nakalulugod sa inyo.’ (Awit 62:8; Kaw. 23:26) Pagkatapos, saliksikin ang tagubilin ng kaniyang Salita at organisasyon. Bago naging regular pioneer, ‘natikman’ ng marami ang pagpapayunir nang mag-auxiliary pioneer sila, at ang kaligayahang nadama nila ang nag-udyok sa kanila na ipagpatuloy ang buong-panahong paglilingkod.—Awit 34:8.
7. Ano ang puwedeng gawin kung hindi tayo siguradong maaabot natin ang kahilingang 70 oras bawat buwan?
7 Paano kung hindi ka siguradong maaabot mo ang kahilingang 70 oras bawat buwan? Bakit hindi makipag-usap sa mga payunir na kagaya mo ng sitwasyon? (Kaw. 15:22) Tapos, gumawa ng mga iskedyul na posible sa iyo. Makikita mo na puwede naman palang bilhin ang panahong ginugugol mo sa hindi gaanong mahahalagang gawain at gamitin ito sa ministeryo.—Efe. 5:15, 16.
8. Bakit dapat nating suriin paminsan-minsan ang ating sitwasyon?
8 Muling Suriin ang Iyong Kalagayan: Nagbabago ang mga kalagayan, kaya mabuting suriin ang iyong sitwasyon paminsan-minsan. Halimbawa, malapit ka na bang magretiro? Sinabi ni Randy, na nagpasiyang magretiro nang maaga: “Nakapag-regular pioneer kaming mag-asawa, at nagkaroon kami ng pagkakataong maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ang dami kong natanggap na pagpapala dahil sa pasiyang iyon, pero ang pinakamalaking pagpapala ay ang pagkakaroon ng mabuting budhi.”
9. Ano ang dapat isaalang-alang ng mga mag-asawa?
9 Matapos ang maingat na pagsusuri, nakita ng ilang mag-asawa na hindi naman pala nila kailangang parehong magtrabaho nang full-time. Totoo, baka kailangang pasimplehin ng pamilya ang kanilang buhay, pero sulit ang sakripisyo. Si John, na ang asawa’y nagbitiw sa full-time na trabaho para mapalawak ang kaniyang ministeryo, ay nagsabi: “Napakasarap ng pakiramdam ko dahil alam kong ginugugol ng asawa ko ang maghapon sa paglilingkod kay Jehova.”
10. Ano ang nag-uudyok sa isang Kristiyano na magpayunir?
10 Kapahayagan ng Pag-ibig at Pananampalataya: Ang pangangaral ang pinakamahalagang gawaing iniatas sa atin ni Jehova. Ang lumang sistemang ito ay malapit nang wasakin, at tanging ang mga tumatawag sa pangalan ni Jehova ang maliligtas. (Roma 10:13) Nauudyukan tayo ng pag-ibig at pasasalamat kay Jehova na sundin ang utos ng kaniyang Anak na puspusang mangaral. (Mat. 28:19, 20; 1 Juan 5:3) At palibhasa’y nananampalataya na talagang nasa mga huling araw na tayo, nagpapagal tayo sa ministeryo habang may panahon pa, sa halip na gamitin nang lubusan ang sanlibutan.—1 Cor. 7:29-31.
11. Ano ang dapat nating isipin kung may magsabi na bagay tayong payunir?
11 Ang pagre-regular pioneer ay hindi lamang pag-abot ng kahilingang oras; ito ay kapahayagan ng debosyon natin sa Diyos. Kaya kung may magsabi sa iyo na bagay kang payunir, ituring mo iyon na papuri. Pag-isipan at ipanalangin mong maging isa ka sa mga pumasok na sa kasiya-siyang paglilingkurang ito.
[Blurb sa pahina 4]
Mga magulang, tinutulungan ba ninyo ang inyong mga anak na gawing tunguhin ang buong-panahong paglilingkod?
[Blurb sa pahina 5]
Ang pangangaral ang pinakamahalagang gawaing iniatas sa atin ni Jehova.