“Ang Karunungan ay Pinatutunayang Matuwid ng mga Gawa Nito”
1. Ano ang pangmalas ng ilan sa ating gawain?
1 Kung minsan, may mga nakakausap tayong may-bahay na mali ang pagkakilala sa atin o nakatanggap ng maling impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Marahil ay naimpluwensiyahan sila ng may-kinikilingang mga balita sa media. Sa ilang lugar, binabansagan tayo bilang “mapanganib na sekta.” Ano ang dapat na maging reaksiyon natin sa ganitong kritisismo?
2. Ano ang makakatulong sa atin para hindi tayo panghinaan ng loob dahil sa kritisismo?
2 Manatiling Positibo: Noong unang siglo, kadalasan nang may mga taong naninira at mali ang pagkakilala kay Jesus at sa iba pang lingkod ni Jehova. (Gawa 28:22) Pero sa kabila ng kritisismo, hindi nila ikinahiya ang kanilang ministeryo. Sinabi ni Jesus: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mat. 11:18, 19) Patuloy niyang ginawa nang may kasigasigan ang kalooban ng kaniyang Ama, yamang alam niyang makikita ng mga humahanap ng katotohanan ang kahalagahan ng mabuting balita. Hindi tayo panghihinaan ng loob kung tatandaan natin na mismong Anak ng Diyos ay nakaranas ng kritisismo.
3. Bakit hindi tayo dapat magtaka sa mga pagsalansang at negatibong ulat laban sa atin?
3 Sinabi ni Jesus na kung paanong kinapootan siya ng sanlibutan, kapopootan din nito ang kaniyang mga tagasunod. (Juan 15:18-20) Kaya hindi tayo dapat magtaka sa mga pagsalansang at negatibong ulat laban sa atin. Sa katunayan, tiyak na lalala pa ito sa mga huling araw, habang tumitindi ang galit ni Satanas. (Apoc. 12:12) Dapat tayong magalak dahil indikasyon ito na papaubos na ang panahon ni Satanas.
4. Kung negatibo ang tugon ng iba sa mabuting balitang dala natin, paano tayo dapat tumugon?
4 Tumugon Nang May Kagandahang-Loob: Kapag negatibo ang tugon sa atin, dapat tayong maging mahinahon at magpakita ng kagandahang-loob. (Kaw. 15:1; Col. 4:5, 6) Kung may pagkakataon, puwede nating ipaliwanag sa isang taimtim na may-bahay na maraming paninira tungkol sa mga Saksi ni Jehova o itanong kung bakit gayon ang damdamin niya. Kung mahinahon ang tugon natin, baka mapag-isip-isip niya kung totoo ba ang nabalitaan niya tungkol sa mga Saksi ni Jehova at makinig sa susunod na dumalaw tayo. Pero kung galít na galít ang may-bahay, makabubuting magpaalam na lang tayo nang maayos. Anuman ang tingin sa atin ng iba, makatitiyak tayo na pinahahalagahan ni Jehova ang ating ministeryo.—Isa. 52:7.