‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
1. Ano ang gagamitin natin sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya simula sa linggo ng Marso 14?
1 Simula sa linggo ng Marso 14, 2011, gagamitin sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya ang aklat na ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’ sa mga kongregasyon sa wikang Cebuano, Hiligaynon, Iloko, at Tagalog. (Pansinin: Pag-aaralan naman ng mga kongregasyon sa wikang Bicol, Pangasinan, at Waray-Waray ang aklat na Maging Malapít kay Jehova gaya ng ipinatalastas sa Nobyembre ng Ating Ministeryo sa Kaharian.) Ang paraan ng pagtalakay ng publikasyong ito sa aklat ng Mga Gawa ay tutulong sa mga mambabasa na masubaybayan ang kapana-panabik na takbo ng mga pangyayaring nakaulat doon. Sa halip na talakayin nang talata por talata, itinatampok ng aklat na Magpatotoo ang mga aral mula sa mga ulat ng Mga Gawa at tinutulungan tayo nitong makita kung paano natin ito maikakapit sa ating buhay.—Roma 15:4.
2. Ipaliwanag ang format ng aklat na Magpatotoo.
2 Format ng Aklat: Ang introduksiyon sa pahina 2 ay isang maibiging liham ng Lupong Tagapamahala na nagsasabing nais nilang makinabang tayo sa publikasyong ito. Simula sa kabanata 2, makikita ang tema ng bawat kabanata at ang tatalakaying mga kabanata at talata ng Mga Gawa. May mga kahon sa maraming kabanata na naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga tao, lugar, o mga pangyayari. Mayroon din itong malalaking mardyin na puwede nating sulatan habang nag-aaral. Punung-puno ng mga detalyadong larawan ang aklat na ito ng mga tagpo sa Bibliya para maging malinaw sa isip natin ang mahahalagang pangyayari. Sa huling pahina ay may indise ng mga larawan na nagpapaliwanag kung ano ang makikita roon. May mga mapa sa likod ng harapan at likurang pabalat para makita natin ang mga lugar kung hanggang saan nakarating ang ating mga kapuwa mananamba noong unang siglo upang maipangaral ang mabuting balita “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.
3. Anong mahahalagang tanong ang sasagutin sa pag-aaral natin ng aklat ng Mga Gawa?
3 Mga Sagot sa Mahahalagang Tanong: Ang pag-aaral sa aklat ng Mga Gawa ay tutulong sa atin na maintindihan ang sagot sa mahahalagang tanong tungkol sa ministeryong Kristiyano. Halimbawa, sa anong gawain at mensahe makikilala ang tunay na mga tagasunod ni Jesu-Kristo? Sino ang nangangasiwa sa pambuong-daigdig na pangangaral na ito, at paano? Sa harap ng pag-uusig at pagsalansang, nagkaroon ng anong pagkakataon ang mga ministro? Ano ang papel ng banal na espiritu sa ating ministeryo?
4. Paano tayo makikinabang nang husto sa pag-aaral natin ng aklat na ito?
4 Para makinabang nang husto, patiunang pag-aralan ang materyal at maghanda ng komento sa pagtalakay sa kongregasyon. Dumalo sa bawat pulong, at pag-isipan kung paano mo maikakapit sa ministeryo ang natutuhan mo. Mapasigla nawa tayong lubusang magpatotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos ng pag-aaral sa kapana-panabik na aklat na ito!—Gawa 28:23.