Tularan ang Kanilang Pananampalataya
1. Ano ang gagamitin natin sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya simula sa linggo ng Oktubre 19?
1 Simula sa linggo ng Oktubre 19, 2015, gagamitin natin sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya ang aklat na Tularan ang Kanilang Pananampalataya. Tinatalakay ng publikasyong ito ang mga ulat sa Bibliya tungkol sa 14 na lalaki’t babae na nagpakita ng pananampalataya. Isinulat ang aklat na ito sa paraang magiging buháy na buháy sila sa ating isip, anupat parang nakikita natin silang hinaharap ang mga pagsubok habang naglilingkod kay Jehova. Itinuturo din nito ang mga aral na makukuha sa mga ulat na iyon para matulungan tayong ikapit ang mga ito sa ngayon.—Heb. 6:12.
2. Magbigay ng ilang tampok na bahagi ng aklat na Tularan ang Kanilang Pananampalataya.
2 Mga Tampok na Bahagi: Ang aklat na ito ay may time line at mga mapa na tutulong sa atin para malaman kung kailan at kung saan nabuhay ang bawat karakter. Bukod diyan, ang bawat kabanata ay may bahaging pinamagatang “Pag-isipan . . . ,” na tutulong sa atin para mabulay-bulay ang mga ulat at maikapit ang praktikal na mga aral na natututuhan natin. Marami rin itong makukulay at detalyadong larawan, at ang artwork nito ay maingat na sinaliksik para maging buháy na buháy ang mga ulat na ito.
3. Ano ang puwede nating gawin para makinabang tayo sa pag-aaral sa publikasyong ito?
3 Kung Paano Makikinabang: Pinatitibay tayo ng panimulang liham ng Lupong Tagapamahala sa mga salitang ito: “Gamitin ang inyong imahinasyon; damhin ang sinasabi sa kuwento. Sikaping damhin ang nadarama ng mga tauhan sa Bibliya at tingnan ang nakikita nila. Ihambing ang reaksiyon nila sa sitwasyon sa malamang na magiging reaksiyon ninyo roon.” Siyempre pa, ang paggamit ng imahinasyon ay hindi naman nangangahulugang bubuo tayo ng sariling espekulasyon, sa halip, ilalarawan natin sa ating isip ang sinasabi ng kinasihang ulat at makikiempatiya tayo sa mga taong sangkot. Kailangan dito ang panahon at pagbubulay-bulay. (Neh. 8:8) Kapag ang aralin ay nagsisimula sa gitna ng kabanata, rerepasuhin muna ng konduktor ang nakaraang aralin sa loob ng 30 hanggang 60 segundo. Puwedeng magbangon ng isa o dalawang tanong bilang pangwakas na repaso kapag wala sa aralin ang bahaging “Pag-isipan . . . ”
4. Bakit kailangan nating pag-aralan ang aklat na Tularan ang Kanilang Pananampalataya?
4 Nabubuhay tayo sa sanlibutan na gustong sumira o magpahina ng ating pananampalataya. Ang aklat na ito—pati na ang kasalukuyang mga serye sa Ang Bantayan na pinagbasehan nito—ay regalo mula kay Jehova na magpapatibay ng ating pananampalataya. (Sant. 1:17) Gamitin natin itong mabuti sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya at pagkokomento habang sama-sama nating pinag-aaralan ang publikasyong ito.