‘Mangyari Nawa ang Kalooban ng Diyos’
1. Ano ang tema ng programa ng araw ng pantanging asamblea para sa 2012, at bakit angkop ang paksang ito?
1 Tayo ay nalalang dahil sa kalooban ni Jehova. (Apoc. 4:11) Kaya imposibleng matupad ang layunin ng ating pag-iral kung hindi natin nalalaman at ginagawa ang kalooban ng Diyos. Hindi ito madali, yamang kailangan nating paglabanan ang hilig na gawin “ang mga bagay na hinahangad ng laman at ng mga pag-iisip” o gawin “ang kalooban ng mga bansa.” (Efe. 2:3; 1 Ped. 4:3; 2 Ped. 2:10) Kung wala ang tulong ng Diyos, manganganib tayong ‘mahuling buháy ng Diyablo ukol sa kalooban ng isang iyon.’ (2 Tim. 2:26) Ang programa ng ating araw ng pantanging asamblea para sa 2012 ay tutulong sa bawat isa sa atin na kumilos ayon sa ikatlong pangunahing kahilingan na binabanggit sa modelong panalangin. (Mat. 6:9, 10) Ang tema nito ay “Mangyari Nawa ang Kalooban ng Diyos.”
2. Anong mga tanong ang sasagutin sa asamblea?
2 Mga Tanong na Sasagutin: Habang nakikinig sa programa, alamin ang sagot sa mga tanong na ito: Ano ang kasinghalaga ng pakikinig sa Salita ng Diyos? Paano natin patuloy na uunawain kung ano ang kalooban ng Diyos para sa atin? Bakit tayo kailangang maging handa na mangaral sa lahat ng uri ng tao? Paano tayo magkakaroon ng makabuluhan at kasiya-siyang buhay? Mga kabataan, ano ang kailangan ninyong patunayan kay Jehova? Ano ang mga gantimpala para sa mga gumagawa ng kalooban ng Diyos? Bakit tayo dapat maging apurahan sa pagpapatibay sa iba?
3. Paano tayo lubusang makikinabang sa programa ng araw ng pantanging asamblea?
3 Tiyaking dumalo at makinig na mabuti sa programa. Malamang na isang kinatawan mula sa Bethel o isang naglalakbay na tagapangasiwa ang magsisilbing dumadalaw na tagapagsalita. Bago at pagkatapos ng programa, makipag-usap sa kaniya at sa kaniyang asawa, kung siya ay may-asawa. Pag-uwi ninyo, huwag maging “tagapakinig na malilimutin,” kundi repasuhin ang programa bilang indibiduwal o isang pamilya at isaalang-alang kung paano kayo lubusang kikilos ayon sa kalooban ng Diyos.—Sant. 1:25.
4. Bakit mahalagang unahin natin ang paggawa ng kalooban ng Diyos?
4 Napakalapit nang puksain ni Jehova ang mga nagtataguyod ng kanilang sariling pagnanasa at tumatangging magpasakop sa kalooban niya. (1 Juan 2:17) Kaya nagpapasalamat tayo kay Jehova na siyang naghanda ng napapanahong impormasyong ito upang tulungan tayo na unahin ang paggawa ng kalooban ng Diyos!