Mangaral sa “Lahat ng Uri ng Tao”
1. Ano ang pagkakatulad ng mabisang mga ebanghelisador at ng bihasang mga manggagawa?
1 Ang bihasang manggagawa ay maraming kasangkapan, at alam niya kung kailan at paano gagamitin ang bawat isa. Tayo rin naman ay may iba’t ibang kasangkapang tutulong sa atin na magampanan ang ating gawain bilang mga ebanghelisador. Halimbawa, inilimbag ang mga brosyur na may iba’t ibang paksa para tulungan tayong mangaral sa “lahat ng uri ng tao.” (1 Cor. 9:22) Nasa insert ang listahan ng ilan sa mga brosyur na ito, ang paliwanag kung para kanino idinisenyo ang mga ito, at ang mga mungkahi kung paano maiaalok ang mga brosyur.
2. Kailan natin maaaring gamitin ang mga brosyur sa ministeryo?
2 Kung Kailan Gagamitin ang mga Brosyur: Gagamitin ng manggagawa ang isang kasangkapan kailanma’t ito ay kapaki-pakinabang. Sa katulad na paraan, maaari din nating ialok ang isang brosyur kailanma’t iniisip nating may makikinabang dito, hindi lamang sa mga buwan na ito ang ating alok. Halimbawa, kung ang alok ay ang aklat na Itinuturo ng Bibliya at nangangaral tayo sa isang may-bahay na hindi Kristiyano at walang gaanong interes sa Bibliya, makabubuting mag-alok ng angkop na brosyur at kapag nalinang na ang interes ng tao, saka ialok ang aklat na Itinuturo ng Bibliya.
3. Bakit dapat tayong maging bihasa sa paggamit ng ating mga kasangkapan sa ministeryo?
3 Pinapupurihan ng Bibliya ang mga taong dalubhasa sa kanilang gawain. (Kaw. 22:29) Tiyak na ang pinakamahalagang gawain sa ngayon ay ang “banal na gawain ng mabuting balita.” (Roma 15:16) Upang maging “manggagawa na walang anumang ikinahihiya,” sisikapin nating maging bihasa sa paggamit ng ating mga kasangkapan.—2 Tim. 2:15.