Limang Paraan Para Makahanap ng Pag-aaral sa Bibliya
1. Kung mahirap makahanap ng matuturuan sa Bibliya sa ating teritoryo, ano ang dapat nating gawin, at bakit?
1 Nahihirapan ka bang makahanap ng matuturuan sa Bibliya? Huwag kang sumuko. Pinagpapala ni Jehova ang hindi nanghihimagod sa paggawa ng kaniyang kalooban. (Gal. 6:9) May limang mungkahi sa ibaba na makatutulong sa iyo.
2. Paano tayo makapagpapasimula ng pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng tuwirang pag-aalok?
2 Tuwirang Pag-aalok: Maraming tao ang nakaaalam na nag-aalok tayo ng Bantayan at Gumising!, pero baka hindi nila alam na nag-aalok tayo ng pag-aaral sa Bibliya. Bakit hindi subukan ang tuwirang pag-aalok kapag nagbabahay-bahay? Maaari din ninyong tanungin ang mga interesadong dinadalaw ninyong muli kung gusto nilang mag-aral ng Bibliya. Kapag tumanggi sila, patuloy silang iwanan ng literatura at linangin ang kanilang interes. Isang brother ang regular na nagdadala ng mga magasin sa isang mag-asawa sa loob ng ilang taon. Minsan, nag-iwan siya sa kanila ng pinakabagong mga magasin, at nang paalis na siya ay bigla niyang naisip na itanong: “Gusto n’yo po bang mag-aral ng Bibliya?” Nagulat siya nang pumayag sila. Ngayon ay bautisado na sila.
3. Dapat ba nating ipalagay na may nagtuturo na ng Bibliya sa mga dumadalo sa pulong? Ipaliwanag.
3 Mga Dumadalo: Huwag ipalagay na ang mga interesadong dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon ay nag-aaral na ng Bibliya. Iniulat ng isang brother: “Mahigit sa kalahati ng mga Bible study ko ay mula sa mga dumadalo sa pulong na inalukan ko ng pag-aaral sa Bibliya.” Isang sister ang lumapit sa isang mahiyaing babae na nanay ng mga kakongregasyon niya. Mga 15 taon nang dumadalo ang babaing ito pero dumarating siya sa Kingdom Hall habang nagsisimula na ang pulong at umuuwi kaagad pagkatapos nito. Pumayag siyang makipag-aral hanggang sa mabautismuhan. Sumulat ang sister: “Nanghihinayang ako na lumipas ang 15 taon bago ko siya tinanong kung gusto niyang mag-aral ng Bibliya!”
4. Paano tayo makahahanap ng mga matuturuan sa Bibliya sa pamamagitan ng mga referral?
4 Mga Referral: Sinisikap ng isang sister na sumama sa iba sa kanilang mga pag-aaral sa Bibliya. Sa pahintulot ng guro, tinatanong niya ang estudyante pagkatapos ng pag-aaral kung may kilala itong interesadong mag-aral ng Bibliya. Kapag nag-aalok ng aklat na Itinuturo ng Bibliya sa dinadalaw mong muli, maaaring itanong: “May kilala ka ba na gusto rin ng ganitong aklat?” Kung minsan, dahil sa ilang kalagayan, hindi na kaya ng mga mamamahayag at payunir na turuan sa Bibliya ang mga natagpuan nila sa teritoryo. Kaya ipaalam sa iba na may panahon kang magturo.
5. Bakit mabuting alukan ng pag-aaral sa Bibliya ang di-sumasampalatayang asawa ng kakongregasyon natin?
5 Di-sumasampalatayang Asawa: May mga mamamahayag ba sa inyong kongregasyon na may asawang di-sumasampalataya? May ilang di-sumasampalatayang asawa na ayaw makipag-usap sa kanilang mga asawang Kristiyano tungkol sa Bibliya pero payag namang makipag-aral sa hindi nila kapamilya. Makabubuting tanungin muna natin ang sumasampalatayang asawa kung ano ang pinakamagandang paraan ng paglapit.
6. Gaano kahalaga ang panalangin kapag naghahanap ng matuturuan sa Bibliya?
6 Panalangin: Huwag maliitin ang kapangyarihan ng panalangin. (Sant. 5:16) Nangangako si Jehova na diringgin niya ang mga kahilingan natin na kasuwato ng kaniyang kalooban. (1 Juan 5:14) Isang brother na napakaabala ang nanalangin para makahanap ng matuturuan sa Bibliya. Iniisip ng kaniyang asawa kung may panahon ba siya na asikasuhin ang isang estudyante, lalo na kung ang estudyante ay maraming problema. Kaya ipinaalam ng sister kay Jehova ang bagay na ito nang ipanalangin niya na sana’y makahanap ang kaniyang asawa ng matuturuan sa Bibliya. Pagkaraan ng mga dalawang linggo, sinagot ang kanilang panalangin nang makasumpong ang kakongregasyon nilang sister na payunir ng isang lalaki na gustong mag-aral ng Bibliya at ibinigay ito sa brother. Sumulat ang asawang babae: “Sa sinumang nag-iisip na hindi niya kayang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya, ang masasabi ko: Maging espesipiko sa mga panalangin, at huwag kayong hihinto. Ang saya-saya namin.” Kung magtitiyaga kayo, maaari din kayong makahanap ng matuturuan sa Bibliya at makaranas ng kagalakan na matulungan ang isa na lumakad sa “daan na umaakay patungo sa buhay.”—Mat. 7:13, 14.