Maghanda Para sa Memoryal Nang May Kagalakan
1. Ano ang partikular na nadarama natin sa panahon ng Memoryal?
1 Ang Memoryal sa Marso 26, Martes, ay isang napakagandang pagkakataon upang magalak sa ginawa ng Diyos para mailigtas tayo. (Isa. 61:10) Bago pa man dumating ang okasyong ito, ang pagkakaroon ng kagalakan ay tutulong sa atin sa paghahanda. Paano?
2. Ano ang nag-uudyok sa atin na maghanda para sa Memoryal?
2 Paghahanda Para sa Memoryal: Ang Hapunan ng Panginoon ay isang napakahalaga ngunit simpleng okasyon. Pero kailangan ang pagpaplano para hindi makaligtaan ang mahahalagang detalye. (Kaw. 21:5) Dapat piliin ang oras at angkop na lugar. Kailangang may angkop na mga emblema. Dapat linisin at ihanda ang dakong pagtitipunan. Kailangang maghandang mabuti ang tagapagsalita, at dapat na organisado ang mga tagapagsilbi at attendant. Tiyak na ang karamihan nito ay naasikaso na. Udyok ng pasasalamat sa kaligtasang dulot ng pantubos, pinaghahandaan nating mabuti ang sagradong okasyong ito.—1 Ped. 1:8, 9.
3. Paano natin maihahanda ang ating puso para sa Memoryal?
3 Ihanda ang Puso: Napakahalaga ring ihanda ang ating puso upang lubos na maunawaan ang kahulugan ng Memoryal. (Ezra 7:10) Kaya naman kailangan tayong maglaan ng panahon para basahin ang espesyal na pagbasa sa Bibliya sa Memoryal at bulay-bulayin ang mga huling araw ni Jesus sa lupa. Kung bubulay-bulayin natin ang pagiging mapagsakripisyo ni Jesus, mapakikilos tayo nito na tularan siya.—Gal. 2:20.
4. Alin sa mga pakinabang sa pantubos ang nagbibigay sa iyo ng pinakamalaking kagalakan?
4 Ang kamatayan ni Kristo ay nagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova. Nagpapalaya ito mula sa kasalanan at kamatayan. (1 Juan 2:2) Nagkakaroon tayo ng mapayapang kaugnayan sa Diyos at pag-asang mabuhay magpakailanman. (Col. 1:21, 22) Tinutulungan din tayo nito na maging determinadong mamuhay kaayon ng ating pag-aalay kay Jehova at manatiling matatag bilang mga alagad ni Kristo. (Mat. 16:24) Sa iyong paghahanda at pagdalo sa Memoryal, nawa’y lalong sumidhi ang iyong kagalakan!