“Patuloy Ninyong Gawin Ito”—Ipagdiriwang ang Memoryal sa Abril 5
1. Bakit mahalaga ang pagdiriwang ng Memoryal?
1 “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Luc. 22:19) Sa mga pananalitang ito, inutusan ni Jesus ang mga tagasunod niya na alalahanin ang kaniyang sakripisyong kamatayan. Dahil sa lahat ng nagawa ng pantubos, wala nang mas mahalagang araw para sa mga Kristiyano kundi ang pagdiriwang ng Memoryal taun-taon. Habang papalapit ang Memoryal, paano natin maipakikita kay Jehova ang ating pasasalamat?—Col. 3:15.
2. Paano natin maipakikita ang pagpapahalaga sa Memoryal sa ating pag-aaral at pagbubulay-bulay?
2 Maghanda: Karaniwang naghahanda tayo para sa mga bagay na itinuturing nating mahalaga. Maihahanda natin ang ating puso para sa Memoryal sa pamamagitan ng pag-aaral ng pamilya sa mga pangyayaring naganap noong mga huling araw ni Jesus sa lupa at pagbubulay-bulay sa mga ito. (Ezra 7:10) Ang talaan ng ilang teksto ay masusumpungan sa kalendaryo at sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw, samantalang ang mas kumpletong talaan na may katugmang mga kabanata sa aklat na Pinakadakilang Tao ay makikita sa pahina 23-24 ng Ang Bantayan, isyu ng Pebrero 1, 2011.
3. Paano natin maipakikita ang pagpapahalaga sa Memoryal may kaugnayan sa paggugol ng higit na panahon sa ministeryo?
3 Mangaral: Maipakikita rin natin ang pagpapahalaga sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa ministeryo. (Luc. 6:45) Simula sa Marso 17, araw ng Sabado, magkakaroon tayo ng pambuong-daigdig na kampanya para anyayahan ang iba sa Memoryal. Maaari mo bang baguhin ang iyong iskedyul upang gumugol ng higit na panahon sa ministeryo, marahil bilang isang auxiliary pioneer? Bakit hindi ito pag-usapan sa inyong susunod na gabi ng Pampamilyang Pagsamba?
4. Paano tayo nakikinabang sa pagdiriwang ng Memoryal?
4 Talagang nakikinabang tayo sa pagdalo sa Memoryal taun-taon! Sumisidhi ang ating kagalakan at pag-ibig sa Diyos habang binubulay-bulay natin ang pagkabukas-palad ni Jehova sa paglalaan ng kaniyang bugtong na Anak bilang pantubos. (Juan 3:16; 1 Juan 4:9, 10) Inuudyukan tayo nito na mamuhay hindi lang para sa ating sarili. (2 Cor. 5:14, 15) Pinasisigla rin tayo nito na purihin si Jehova nang hayagan. (Awit 102:19-21) Oo, nananabik ang mapagpahalagang mga lingkod ni Jehova na ‘ipahayag ang kamatayan ng Panginoon’ sa pagdiriwang ng Memoryal sa Abril 5.—1 Cor. 11:26.