Kung Paano Gagamitin ang Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
Bagong Brosyur na Dinisenyo Para Akayin sa Organisasyon ang mga Estudyante sa Bibliya
1. Ano ang tatlong layunin ng brosyur na Kalooban ni Jehova?
1 Ginagamit mo na ba ang bagong brosyur na Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon? Ang layunin nito ay tulungan ang mga estudyante sa Bibliya na (1) maging pamilyar sa atin, (2) malaman ang ating mga gawain, at (3) makita kung paano kumikilos ang ating organisasyon. Ang brosyur na Kalooban ni Jehova ay hinati sa mga aralin na tig-iisang pahina na matatalakay sa loob lang ng lima hanggang sampung minuto pagkatapos ng bawat pag-aaral.
2. Ilarawan ang pagkakaayos at nilalaman ng brosyur na ito.
2 Ang Pagkakaayos at Nilalaman Nito: Ang brosyur ay hinati sa tatlong seksiyon, na bawat isa ay tumatalakay sa isang partikular na aspekto tungkol sa organisasyon ni Jehova, gaya ng binanggit sa itaas. Ang titulo ng bawat isa sa 28 aralin ay patanong, at ang naka-bold na mga subheading ang sagot sa tanong. Ang mga larawan mula sa mahigit 50 bansa ay may kapsiyon para ipakita na pandaigdig ang ating gawain. Ang ilang aralin ay may kahong “Ang Puwede Mong Gawin,” na maaari mong imungkahing gawin ng iyong inaaralan sa Bibliya.
3. Paano natin magagamit ang brosyur na Kalooban ni Jehova?
3 Kung Paano Mo Ito Magagamit: Una, itawag-pansin ang tanong na siyang pamagat ng aralin. Pagkatapos, habang binabasa ninyong magkasama ang aralin, itampok ang naka-bold na mga subheading. Bilang panghuli, pag-usapan ang mga tanong sa repaso sa ibaba ng pahina. Maaaring basahin nang deretso ang buong aralin o kaya’y basahin at talakayin ang bawat seksiyon. Pag-isipang mabuti kung alin sa mga binanggit na teksto ang ipababasa. Huwag kalilimutang pag-usapan ang mga larawan at ang kahong “Ang Puwede Mong Gawin.” Karaniwan na, dapat talakayin ang mga aralin ayon sa pagkakasunud-sunod nito. Pero puwede ring tumalon sa isang aralin na magandang pag-usapan agad. Halimbawa, kung malapit na ang isang asamblea o kombensiyon, puwedeng tumalon sa aralin 11.
4. Bakit ka natutuwa na magkaroon ng bagong brosyur na ito?
4 Kapag nagtuturo tayo ng Bibliya sa isang tao, tinutulungan natin siyang makilala ang ating Ama sa langit. Pero kailangan din natin siyang turuan tungkol sa organisasyon ni Jehova. (Kaw. 6:20) Natutuwa tayong magkaroon ng bagong brosyur na tutulong para madali nating magawa iyan!