Gamitin ang Ating Web Site sa Pagtuturo sa Inyong mga Anak
1. Ano ang tunguhin ng seksiyong “Mga Bata” sa ating Web site?
1 Ang ating Web site na jw.org/tl ay dinisenyo para sa lahat ng tao anuman ang edad. Ang seksiyon sa Web site na “Mga Bata” (pumunta sa Turo ng Bibliya > Mga Bata) ay tumutulong sa mga bata at kanilang magulang para maging malapít sa isa’t isa at kay Jehova. (Deut. 6:6, 7) Paano ninyo magagamit ang seksiyong ito sa pagtuturo sa inyong mga anak?
2. Paano kayo makapipili ng materyal sa pag-aaral na angkop sa edad ng inyong mga anak?
2 Ibagay: Iba-iba ang pangangailangan ng mga bata. (1 Cor. 13:11) Kung gayon, paano kayo makapipili ng materyal sa pag-aaral na angkop sa edad ng inyong mga anak? Tanungin ang sarili: ‘Ano kaya ang magugustuhan ng aking mga anak? Gaano ba ang kaya nilang maintindihan? Gaano katagal sila makakapagpokus sa pag-aaral?’ Para sa mga batang edad tatlo pababa, puwede ninyong talakayin ang mga kuwento sa “Mga Leksiyon Ko sa Bibliya.” Tinatalakay naman ng ibang mga pamilya ang mga kuwento sa Bibliya sa seksiyong “Turuan ang Iyong mga Anak.” Puwede rin ninyong subukan ang sumusunod na mga opsyon.
3. Paano epektibong magagamit ng mga magulang ang mga kuwento at activity sa “Mga Activity Para sa Pampamilyang Pagsamba”?
3 Mga Activity Para sa Pampamilyang Pagsamba: Ang mga activity na ito ay malaking tulong para maturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak. I-click ang button na “I-download,” at basahin ang “Guide ng Magulang” para sa bawat activity upang malaman kung paano gagamitin ang mga kuwento at activity. Gamitin ang mga picture activity, gaya ng mga pahinang puwedeng kulayan, para turuan ang mas maliliit na anak. Puwede namang gamitin para sa mas may-edad na mga anak ang mga activity para sa pag-aaral. Ang lahat ng activity na ito ay tungkol sa iisang kuwento o leksiyon sa Bibliya, kaya puwedeng makibahagi ang mga anak anuman ang kanilang edad.
4. Ano ang makikita sa seksiyong “Maging Kaibigan ni Jehova”?
4 Maging Kaibigan ni Jehova: Ang mga video, kanta, at activity sa seksiyong ito ng ating Web site ay tumutulong sa mga magulang para maitimo ang Salita ng Diyos sa kanilang maliliit na anak. (Deut. 31:12) Ang bawat maikling animated video ay nagtuturo ng mahalagang aral. Ang iba’t ibang activity naman ay tumutulong para maituro ang mga aral na iyon. Dahil karaniwan nang mahilig kumanta ang mga bata—at nakatutulong ang mga kanta para matandaan ng mga bata ang kanilang natutuhan—ang mga awiting pang-Kaharian at kantang kinatha para sa mga bata ay regular na ina-upload sa Web site.
5. Bakit dapat hilingin ng mga magulang kay Jehova na tulungan sila sa pagtuturo ng katotohanan sa kanilang mga anak?
5 Mga magulang, gusto ni Jehova na maging matagumpay kayong mga ama at ina. Kaya hilingin sa kaniya na tulungan kayo sa pagtuturo ng katotohanan sa inyong mga anak. (Huk. 13:8) Sa tulong ni Jehova, masasanay ninyo ang inyong mga anak na maging ‘marunong ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus.’—2 Tim. 3:15; Kaw. 4:1-4.